Signs (Guy’s POV)

                Hindi ka makapaniwala sa ginawa ng babaeng nasa harapan mo ngayon. Hindi mo akalaing may gagawa ng ganun sa iyo. Nakaupo na siya ngayon sa harapan mo at ‘di mapakali kaya medyo natawa ka na naging dahilan para mas mahiya siya. Napangiti ka na lang at inisip kung bakit ngayon mo lang nakita ang babaing ito sa bar.

            Mahilig ka din kumanta dati simula bata ka hanggang sa nagbinata ka na. Noong nasa kolehiyo ka ay bumuo ka ng banda at kahit kakaumpisa niyo pa lang ay maraming bar na ang kumukuha sa inyo. Maayos ang lahat hanggang sa dumating ang araw na nagpabago ng buhay mo. Gumising ka na lang isang araw at wala ka nang marinig. Lahat na ng klase ng tests ay ginawa sa iyo, blood test, hearing test, kahit CT scan at MRI ay ginawa na sa iyo pero hindi malaman ng mga doctor ang dahilan ng biglaan mong pagkawala ng pandinig. Pinagpalagay na lang nila na baka ang sanhi ng pagkabingi mo ay dulot ng malalakas na tunog na nililikha at naririnig niyo kapag tumutugtog sa mga bar. Hindi na raw bago ang nangyari sa’yo, maraming kaso na rin ng sudden deafness ang hanggang ngayon ay hindi malaman ang dahilan at dahil sa hindi kayo ganon kayaman ay hindi na kayo nagpatingin pa sa espesiyalista sa pag aakalang baka bumalik din naman ang pandinig mo dahil sa mga nabasa mong kuwento ng ibang nabiktima ng sudden deafness na ngayon ay nakakarinig na. Pinilit mong maging positibo sa kabila ng nangyayari sa’yo. Sa paglipas ng linggo, buwan at taon ay napapansin mong unti-unting nagbabago ang lahat. Ang mga taong inakala mong hindi ka iiwan ay iniwan ka. Hindi ka na rin umasa na makakarinig ka pa ulit.

            Bigla kang nagulat nang may makita kang kamay na kumakaway sa harapan mo. Pagtingin mo sa babae ay nakangiti siya pero may bakas ng pagtataka sa mga mata niya. Kanina ka pa siguro nakatulala at ‘di mo napapansin kung may sinasabi ba yung babae sa harapan mo. Nagsorry ka sa kanya at nginitian ka lang niya. Biglang may naalala ang babae at tumayo at sinabing maghintay ka lang daw at may kukunina siya.

            Napansin mong kumukuha siya ng pagkain at natuwa ka sa ginawa niya. Simula noong nabingi ka ay hindi ka na pumupunta sa mga lugar na nagpapaalala sayo ng pagkanta at pagtugtog ng banda niyo. Pero kada dumadaan ka sa bar na ito ay ‘di mo maiwasang mapangiti dahil dito kayo unang tumugtog at nakilala. Matagal bago mo napagdesisiyunang pumasok ulit sa bar at sa pagpasok mo ay bumalik lahat ng alaala. Kasabay ng mga alaalang iyon ang lungkot at ang katotohananang hindi mo na mauulit ang mga ginagawa mo noon. Simula noon ay araw-araw ka nang tumatambay sa bar, hindi mo man aminin sa sarili mo ay naiinggit ka sa mga banda na gabi-gabing tumutugtog kaya naman kapag nasa loob ka na ng bar ay pilit mong iniiwasan ang mga tao sa loob at hindi binibigyang pansin ang mga kumakanta o tumutugtog sa stage dahil ano pang saysay sa panonood kung hindi mo naman sila naririnig. Sa totoo lang ay ‘di mo din alam sa sarili mo kung bakit patuloy ka pang pumupunta sa bar kung wala ka rin namang ginawa doon kung hindi kumain at tumambay na tulad lang din ng ginagawa mo sa bahay niyo. Siguro nga hindi ka pa nakakamove on kahit ilang taon na ang nakalipas simula noong mabingi ka at hanggang ngayon ay patuloy ka pa ring umaasa na balang araw ay magagawa mo ulit ang mga bagay na hanggang ngayon ay gustong gusto mo pa rin gawin. Ang pagpunta sa bar na ito ay ang parang pag-asa mo o ang natitirang bahagi ng nakaraan mong gustong balikan na tila ba na sa bawat gabi na andito ka ay parang may isang bagay na tutulong sa’yo na bumalik sa dati at maging buo muli. At siguro ito na ang araw na muling magbabago ang buhay mo.

            Bumalik na ang babae sa harap mo na may dalang pagkain, ang pagkain na parati mong inoorder. Nakatingin ka lang sa kanya habang inaayos niya sa lamesa ang pagkain. Iniisip mo na kaya ‘di mo siguro napansin agad ang babaeng ito noon ay dahil sa pagiging loner mo at masyadong pagiging takot sa mga bagay na ‘di mo handang tanggapin sa iyong sarili na tuluyan mo nang inilayo ang sarili mo sa mga nangyayari sa iyong paligid sa pagaakalang wala rin namang makakaintindi sa nararamdaman mo. Mas pinili mong mamalagi sa sariling mong mundo kahit na gustong gusto mong makalaya at ibalik sa normal ang lahat na hindi mo magawa dahil bingi ka na.

            Lucy. Lucy ang pangalan niya. Nagkamali pa siya sa huling letra at imbis na letter “Y” ay I love you ang nagawa niya. Nagtaka ka nung una pero nagets mo naman agad kaya natawa ka at medyo napahiya siya kaya namula ang kaniyang pisngi. Kahit hindi pa siya ganun kagaling mag sign language ay makikita mo sa kanya na gusto talaga niya matuto at hindi agad siya sumusuko.

            Liwanag. Iyon ang ibig sabihin ng pangalan niya. Liwanag na pakiramdam mo magbibigay daan sa’yo palabas sa mundo mo na binalot mo sa kadiliman. Bingi ka hindi bulag pero pakiramdam mo ay matagal ka naging bulag at nagmaangmaangan sa mga bagay sa paligid mo. Andiyan lang pala sa tabi mo ang magbibigay liwanag sa buhay mo pero pinili mong hindi ito pansinin. Ngayon nasa harap mo na ito at kahit wala ka mang naririnig ay nararamdaman mo ang sayang nararamdaman niya.

            Signs. Siguro nga ‘di kayo agad magkakaintindihan sa sign language pero sa tingin mo isa itong sign na nagpapahiwatig na hindi lahat ng bagay ay agad mong makukuha o makakamit dahil kailangan mong magsikap at maging pursigido para maabot ang mga ito.

Signs (Girl’s POV)

            Dirediretso kang pumasok sa loob ng bar at umakyat sa stage. Naririnig mo ang kanta ng Eraserheads na tumutugtog. Inagaw mo ang mikropono sa lalaking kumakanta at pinahinto ang buong banda. Napatigil ang lahat sa kanilang mga ginagawa at napatingin sa iyo. Ang lahat ay nagaabang sa gagawin mo maliban sa kanya na patuloy pa ring nakatingin sa cellphone na parang wala siyang pakialam sa mga nangyayari sa kanyang paligid na medyo totoo naman. Pinapatay mo ang ilaw at pinatutok ang spotlight sa lalaking may dahilan kung bakit ka nasa stage ngayon, kung bakit ka napuyat ng ilang araw, kung bakit sobrang pinagpapawisan ka sa kabila ng malakas na aircon ng bar. Tumingin na siya sa iyo at biglang bumilis ang tibok ng puso mo, mas mabilis pa noong una mo siyang nakita sa bar na ito. Akala mo magcocollapse ka na pero kailangan mong ituloy ito kahit pa nanginginig ang mga kamay mo. Ngumiti ka at kinalimutan ang lahat ng pagaalinlangan at kabang nararamdaman mo.

            Alas singko medya na at malapit nang matatapos na ang shift mo. Makakapagpahinga ka na matapos ang halos labindalawang oras na trabaho na dapat ay anim lang. Kung hindi nagkasakit ang katrabaho mo ay malamang nakahilata ka na sa kama ngayon at nanonood ng Mockingjay part 1 na kakadownload mo lang. Habang iniisip mo kung anong kakainin habang pinapanood yung pelikula ay biglang may nanggulat sa’yo at muntik nang mahulog ang hawak mong tray. Sinigawan ka ng boss mo dahil nakatulala ka na naman sa kawalan na madalas mong ginagawa sa trabaho mabuti na lang at ‘di ka pa tinatanggal. Agad mong inilapag ang tray sa may lamesa at inumpisahan na ulit ang paglilinis. Ligpit dito, ligpit doon, punas dito, punas doon tapos wiwisikan ng spray at pupunasan ulit. Matapos ang isang lamesa yung kabila naman. Araw-araw paulit-ulit na lang pero wala ka rin namang mairereklamo dahil pinapasuweldo ka naman ng tama at kailangan mo ng pera. Biglang tumunog ang wind chime na nagsasabing may bagong customer ulit o kaya dumating na ang kapalit mo at makakauwi ka na’t makakahiga sa malambot mong kama. Tumingin ka sa pinto at nakita ang lalaking pumasok. Napahinto ka sa ginagawa mo at biglang bumilis ang tibok ng puso mo.

            Wala ka namang sakit sa puso pero sobrang bilis at lakas ng tibok ng puso mo. Ang kaninang ‘di mo pinapansin na pagkanta ng banda sa stage ay dinig na dinig mo na at parang mas lumakas pa ngayon. Siguro ni Yeng Constantino ang kinakanta nila at para kang nasa isang music video. Saktong pagdating sa chorus ay dumaan sa harap mo ang lalaking may dahilan kung bakit maaari kang mamatay ng maaga. Umupo siya sa may gawing kaliwa ng stage at inumpisahang basahin ang menu. Nakita mo ang boss mong lumabas sa kanyang opisina kaya bumalik ka ulit sa paglilinis ng lamesa. Kung kanina ay gustong gusto mo nang umuwi at magpahinga ngayon ay parang papayag ka nang magtrabaho ng anim na oras pa makita at makanakaw lang ng tingin sa lalaking pumukaw ng atensiyon mo at malamang magkaroon ng puwang sa puso mo.

            Hindi mo alam kung matutuwa ka o hindi dahil malapit ng mag alas siyete at wala pa rin yung kapalit mo. Kung sa normal na araw siguro ay inis na inis na ka na sa katrabaho mo pero sa sitwasyon ngayon ay malaki ang pasasalamat mo sa kanya. Sa halos isang oras na pamamalagi ng lalaki dito sa bar niyo ay ‘di mo man lamang siya nakitang ngumiti. Nagbabasa siya ng libro habang kumakain, paminsan minsan naman ay tumitingin siya sa cellphone niya at magtetext. Patuloy ka pa ring naglilinis ng mga lamesa kahit na sinabi na ng boss mo na pwede ka ng magpahinga habang wala pa ang kapalit mo. Sinabi mo na ayos lang at hindi ka pa naman napapagod kahit lagpas labindalawang oras ka nang nagtatrabaho. Pasado alas siyete na at dumating pa yung katrabaho mo at agad siyang lumapit sayo at nagsorry, sorry daw dahil hindi tumunog yung alarm niya, sorry dahil traffic sa EDSA, sorry dahil naginuman pa daw sila ng mga kaibigan niya kagabi at kung ano-ano pang dahilan na mukhang inimbento lang niya. Imbis na kuwestiyunin mo siya ay tinanong mo pa siya kung bakit andoon na agad siya at sana ‘di muna siya dumating. Nagtaka yung katrabaho mo pero ‘di ka na niya pinansin at kinuha na sa kamay mo ang hawak mong tray kahit na hindi pa siya nagbibihis ng uniporme. Sinundan mo na siya sa loob at nagpalit ka na ng damit at inayos ang gamit mo. Bago ka lumabas ng bar ay sumulyap ka muna sa lalaking kanina mo pa tinitingnan at ngumiti. Tapos na siyang kumain at nagbabasa na lang siya ng libro na nakakunot ang noo. Hinihiling mo na sana ay bumalik siya bukas at kapag nangyari iyon ay magkaroon ka na sana ng lakas ng loob na lapitan siya.

            Kinabukasan ay nakiusap ka sa boss mo na ilagay ka sa night shift, nagdahilaan ka ng kung ano-ano mapapayag mo lang siya. Hindi pa agad pumayag yung boss mo at sinabing pag-iisipan daw niya. Malapit na ulit matapos ang shift mo at wala pa din yung kapalit mo. Ipinagdasal mo na ‘di na siya dumating at ikaw na lang ang ipalit sa kanya. Kada taong pumapasok sa bar ay tinitingnan mo, hinihintay mo siyang bumalik at umaasa na sana hindi kagabi ang una at huling punta niya. Habang naglilinis ka ng lamesa ay nilapitan ka ng boss mo at napansin mo na parang may problema siya. Biglang niyang sinabi na papayag siyang ilagay ka sa night shift sa isang kundisyon. Nagpintig ang tainga mo sa iyong narinig at pumayag ka agad kahit ‘di mo pa naririnig ang kundisyon. Ngumiti ang boss mo at hinawakan ka sa magkabilang balikat at tinulak papunta sa may stage. Hindi mo alam kung bakit ka niya dinala sa stage at biglang inabutan ng mikropono. Inamin niya na hindi makakarating ang banda na nakaschedule ngayong gabi kaya ikaw na lang daw ang kumanta. Nanlaki ang mga mata mo at pilit na ibinabalik ang mikropono sa boss mong akala ata si Sarah Geronimo o si Yeng Constatino ka na puwede na lang kumanta ng biglaan. Hindi ka naman talaga ganun kagaling kumanta pero hindi  rin naman ganun kapanget ang boses mo. Alam ng boss mo na kumakanta ka dahil sa pagsama mo sa videoke nung birthday niya na ngayon ay pinagsisisihan mong pumunta ka. Nakiusap na ang boss mo at ‘di mo rin siya masisisi dahil pumayag ka na din kanina at babayaran ka din naman daw niya kaya kahit dinadaga na ang dibdib mo ay wala ka ng nagawa kung hindi humarap sa lahat ng tao sa bar at inilagay ang mikropono sa stand. Huminga ka ng malalim at inumpisahan ng kumanta.

            Hindi mo akalaing mula sa paglilinis ng mga lamesa at pagkuha ng order ng mga costumer ay mapupunta ka sa stage. Sa umpisa ay nanginginig pa ang boses mo at nagbabalak ka pang umalis sa stage at tumakbo papuntang banyo at doon magtago hanggang umalis lahat ng tao pero nang tumagal ay naging kumportable ka na din at habang kumakanta ka ay pumasok siya, ang kanina mo pang hinihintay. Hindi ka tumigil sa pagkanta at sinundan lang siya ng tingin hanggang sa makaupo siya sa puwesto niya sa may kaliwa ng stage. Sa buong pagkanta mo hanggang sa matapos ito ay hindi man lang siya tumingin sa’yo kahit pumalakpak sa dulo ay ‘di niya ginawa para bang wala siyang pakialam sa mga nangyayari sa paligid niya. Medyo nagtaka ka at inisip kung panget ba ang boses mo o baka ayaw niya lang ang kinanta mo. Tinawag ka na ng boss mo at nakita mong dumating na ang kapalit mo. Hindi mo na lang pinansin ang lalaki at inisip na baka may problema ito o masama ang pakiramdam. Malungkot kang umuwi kahit na dinagdagan pa ng boss mo yung bayad sa pagkanta mo dahil nagustuhan ka ng mga costumer at pinayagan ka na kumanta sa stage kapag gusto mo. Dapat masaya ka pero ‘di mo maalis sa isip mo ang lalaki kanina. Napagdesisiyunan mo na gagalingan mo pa ang pagkanta bukas at sa susunod na mga araw para mapansin ka niya. Napasuntok ka sa hangin at napasigaw ng “Go, fight!” kaya napatingin tuloy yung mga taong nakakasalubong mo. Ibinababa mo agad yung kamay mo at natawa. Iniisip na siguro ng mga tao na nababaliw ka na. Hindi mo na sila pinansin at umuwi na agad para mapaghandaan ang pagkanta mo bukas.

            Alas singko pa lang ay pumunta ka na sa bar kahit na alas sais pa ang pasok mo. Inagahan mo talaga dahil excited ka, ‘di naman masyadong obvious sa one hour advance mong pagpasok pero ‘di ka talaga mapakali hangga’t ‘di mo nagagawa ang kailangan mong gawin. Kanina ka pa lakad ng lakad pati ang boss mo nahihilo na sa’yo. Alam ng boss mo ang tungkol sa lalaking gusto mo kaya naman sinusuportahan ka niya. Nang dumating na siya agad ka ng pumunta sa stage at naghandang kumanta. Tulad ng dati diretso lang siyang pumunta sa upuan niya, binasa ng sandali ang menu at nagbasa na ng libro. Para siyang may sariling mundo at parang wala ata talagang alam sa nangyayari sa paligid niya. Inumpisahan mo ng kumanta at nakatingin ka lang sa kanya. Tadhana ng Up Dharma Down ang pinili mong kanta dahil sa tingin mo ay baka magustuhan niya ito. Sa buong kanta ay nakayuko lang ang lalaki at nagbabasa habang kumakain. Natapos mo na ang kanta pero parang wala siyang narinig. Nagpalakpakan lahat ng customer maliban sa kanya. Naisip mo na baka ‘di siya mahilig sa tagalog na kanta o ‘di lang talaga siya mahilig sa music. Gusto mo man siya lapitan ay wala ka pa ring lakas ng loob na gawin iyon. Itutuloy mo na lang ang pagkanta at baka mapansin ka din niya, ‘di man ngayon baka sa ibang araw.

            Mas dumami ang customer ng bar niyo dahil sa gabi gabi mong pagkanta. Dumami ang humanga sa iyo, lahat ay napapansin ang talento mo maliban sa isang tao. Ilang gabi ka na ding kumakanta at sa bawat gabi na iyon ay parang wala ka sa harapan at hindi kumakanta. Pakiramdam mo hindi ka nageexist sa mundo niya. Nagbabasa lang siya ng libro, minsan nagtetext sa cellphone o kaya naman ay may ginagawa sa laptop niya. Ngayon ay kakanta ka ulit, pinili mo yung kanta ni Keira Knightley na A Step You Can’t Take Back sa pelikulang Begin Again. Hindi mo alam kung kakanta ka pa pagkatapos ngayong gabi pero may kung anong bagay ang nagsasabi sa iyong ‘wag ka tumigil sa pagkanta. Humingi ka ng sign na kung ‘di ka pa rin niya mapapansin o kahit sumulyap man lang sa’yo ay titigil ka na sa pagkanta. Gusto mong maging masaya habang kumakanta pero ‘di mo maiwasang maging malungkot dahil malapit na matapos ang kinakanta mo at kahit isang tingin man lang sayo ay wala. Napayuko ka na lang pagkatapos mong kumanta. Bumaba ka na agad ng stage at inabot agad ang mikropona sa boss mo. Nagpapalakpakan pa rin ang ibang customer at gustong gusto nila ang pagkanta mo. Alam mong walang mali sa iyo at sa mga kinakanta mo baka talagang ‘di lang interesado sa’yo yung lalaki. Minsan hindi iyon tungkol sa pagkanta ng tamang awitin kung hindi sa pagkanta sa tamang tao. Sa tao na parang bingi sa lahat ng naririnig niya.

            Bumalik ka na lang sa paglilinis ng lamesa at kahit alam mong hindi ka naman niya napapansin ay parati ka pa ring sumusulyap sa kanya at nagbabakasakaling titingin din siya sa’yo at mapapansin ka din niya. May customer na pumasok at dumiretso sa puwesto ng lalaki at umupo sa harapan nito. Hindi mo na lang sana sila papansinin at maglilinis na lang ulit nang may napansin ka sa pag-uusap nilang dalawa. Ayun mismo ang kakaiba sa kanila, ang mismong pag-uusap nila. Imbis na magsalita sila ay ginagalaw nila ang mga kamay nila at parang nagsesenyasan. Napatigil ka ng sandali at napangiti.

            Gumaan ang pakiramdam mo. Lahat ng tanong sa utak mo ay biglang nawala at unti-unti mong naintindihan lahat. Gusto mo siyang lapitan at kausapin pero ‘di mo alam kung paano. Paano kung hindi kayo magkaintindihan, paano kung mawirduhan siya sa’yo at biglang lumabas ng bar at hindi na bumalik. Hindi mo alam ang gagawin mo at nahihiya ka. Sa tagal mong paghihintay sa atensiyon niya at makausap siya ay ‘di mo napaghandaan ang araw na ito lalo na’t naiba ang sitwasiyon at ikaw dapat ang mas maging intindihin at gumawa ng unang galaw para tuluyang mapansin at makilala ka niya. Sa bawat oras na nagdadaan ay unti-unti kang nawawalan ng pag-asa. Hindi ganoon kadali matuto ng sign language pero para sa taong gusto mo ay gagawin mo ito. Nagdadalawang isip ka kung hahangaan mo na lang ba siya sa malayo o mag-aaral ng sign language para mas maintindihan at makilala mo siya. Hanggang sa makauwi ka ay iniisip mo ito. Kinabukasan ay nagpunta ka sa computer shop at naghanap ng tutorial sa youtube. Medyo madali sa unang tingin pero habang patagal ng patagal ay pahirap naman ng pahirap. Hindi ka matututo sa simpleng panonood ng tutorial sa youtube, kailangan mo ng totoong tao na magtuturo sa iyo pero sino at saan? Naglalakadlakad ka at natutulala ka sa kaiisip nang biglang may dumikit na papel sa sapatos mo. kinuha mo ito at binasa. Napangiti ka na lang at napailing. Hindi mo alam kung nagkataon lang ang mga nangyayari o nakaplano ang lahat. Nakasulat sa papel, “School for the blind, deaf and mute now accepting applicants for more information contact this number…”

            Bago ka pumasok sa trabaho ay pumunta ka sa eskuwelahan, ‘di mo alam kung paano mo sasabihin sa mga tao doon ang dahilan kung bakit ka nandoon. Habang papunta ka sa opisina ay may nakasalubong kang batang umiiyak at nakita mong may sugat siya sa tuhod. Nilapitan mo siya at tinanong kung ayos lang siya pero hindi siya sumagot at tinitigan ka lang. Hindi mo alam kung paano mo siya kakausapin kaya nagthumbs-up ka na lang at tinuro mo yung tuhod niya kahit na mukha kang tanga na sumesenyas. Umiling yung bata kaya naman tinulungan mo siyang maglakad papunta sa clinic nila kung saan man yun. Habang papunta kayo sa clinic ay biglang may teacher na nakakita sa inyo at kinausap niya ang bata gamit ang sign language. Hindi mo sila naintindihan pero nginitian mo na lang yung teacher at sinamahan na kayo sa clinic. Nakaupo kayo sa waiting area ng clinic at hinihintay na malinis ang sugat ng bata. Naisip mong pagkakataon mo na ito para kausapin yung teacher at humingi ng tulong. Kinuwento mo lahat lahat sa kanya at ang balak mong gawin. Natawa yung teacher siguro dahil medyo kakaiba yung kuwento mo at bumilib siya sa mga ginawa mo at gagawin mo pa lang. Pumayag yung teacher na tulungan ka dahil gusto daw niya malaman ang kalalabasan ng gagawin mo at minsan lang daw siya makasaksi ng ganitong klaseng love story kung love story nga ang matatawag dito.

            Kada umaga bago ka pumasok sa trabaho ay dumidiretso ka muna sa school upang matuto ng sign language. Naging kaklase mo ang mga batang deaf at mute at sa panahong kasama mo sila ay sumasaya ka at minsan ay nakakalimutan mo kung bakit ka nag-aaral ng sign language. Nawawala ang pagod mo sa trabaho kapag kasama mo sila. Halos isang linggo na ang nakalipas simula ng magumpisa kang mag-aral at marami ka ng natutunang mga salita. Nageensayo ka sa bahay, lahat ng mga natutunan mo ay inuulit-ulit mo para mas maalala mo at hindi ka magkamalai kapag dumating ang panahon na haharapin mo na ang lalaking nagpabago sayo, ang lalaking binigyan ng kulay ang buhay mo at binigyan ka ng panibagong pangarap na magturo sa mga deaf at mute na gusto mong matupad.

            Naghanda ka ng isang kantang balak mong kantahin sa harap niya habang nagsisign language. Kinakabahan ka hindi dahil sa baka magkamali ka kung hindi baka hindi ka pa rin niya pansinin at mawalan ng saysay ang lahat ng pinaghirapan at pinagaralan mo. Nang gabing iyon may sikat na bandang inimbitahan ang may-ari ng bar kaya naman siguradong mapupuno ang bar. Nakaplano na ang lahat, humingi ka ng tulong sa boss mo at sa iba mong katrabaho upang maging maayos ang lahat. Mga magaalas sais ng gabi ay pumunta ka na sa bar at sa labas pa lang ay sobrang haba na ng pila mabuti na lang at may i.d. ka at madali kang makakapasok. Pagkalapit mo sa harapan ng bar ay napansin mong iba ang bouncer na nasa may pinto, malamang kumuha sila ng iba para sa seguridad ng banda. Papasok ka na sana nang bigla kang hangarin ng isang bouncer at hinanap ang i.d. mo. Nginitian mo lang siya kahit na sobrang nakakunot ang noo ng bouncer. Kinuha mo sa bag mo ang i.d.mo pero ‘di mo ito makapa. Nginitian mo ulit ang bouncer at binuksan mo ulit ang bag mo para hanapin ito. Sumuko ka na sa paghahanap malamang ay naiwanan mo yung i.d. mo sa sobrang aligaga na makapunta na dito sa bar na mukhang ‘di ka naman makakapasok. Nakiusap ka sa mga bouncer pero hindi ka nila pinapansin. Paulit-ulit mong sinasabi na dito ka nagtatrabaho pero mukhang wala talaga silang balak na papasukin ka. Alas siyete na at nasa labas ka pa rin, hindi mo makontak ang boss at mga katrabaho mo. Walang signal dito sa bar o kaya naman ay nakapatay ang mga telepono nila. Napaupo ka na lang sa may gilid ng bar at naghihintay ng milagro at maya-maya pa ay biglang may dalawang lalaking nagsuntukan kaya naman to the rescue ang dalawang bouncer. Ginamit mo ang pagkakataong ito upang makapasok sa loob. Bago ka pa man mahuli ng mga bouncer ay dirediretso  ka nang pumasok at pumunta sa stage. Wala ka ng oras na pinalampas, this is now or never. Inagaw mo sa lalaking kumakanta ang mikropono at kahit na sobrang bilis at lakas ng tibok ng puso mo ay humarap ka na sa lahat ng tao na ngayon ay nakatitig sayo. Pinapatay mo na ang lahat ng ilaw at pinatutok ang spot light sa lalaking may pasimuno nitong lahat. Napatingin siya sayo, iyon ang unang beses na tumingin siya sayo at sobrang kinakabahan ka. Kung naririnig lang ng iba ang tibok ng puso mo malamang ay hanggang sa labas ng bar ay rinig ito. Ang napili mong kanta ay ang kantang narinig mo noong una mo siyang nakita, ang kanta ni Yeng Constatino na Siguro. Habang kumakanta ka ay sinasabayan mo naman ng sign language para maintindihan niya ang kinakanta mo at ang gusto mong sabihin sa kanya. Nakatingin ka lang sa kanya hanggang sa matapos ang kanta. Nawala ang kabang nararamdaman mo dahil sa unang pagkakataon ay pinapanood ka na niya at napapangiti mo rin siya. Natapos mo na ang kanta at nagpalakpakan ang lahat kasama siya. Pinapalapit ka niya sakanya at pinapaupo sa harapan niya. Medyo nahihiya ka pa pero ito na ang matagal mo ng hinihiling kaya hindi ka na nagpatumpiktumpik pa at umupo na sa harapan niya.

*****

Gusto ko Nito! Gusto ko niyan!

CSC_1242

“Nay, andito na yung box!” sigaw ni Juno na tumakbo papalapit sa kahon.

new doc 1_1

Dumating na ang balikbayan box na padala ng tatay ni Juno galing Dubai. Pagkabukas niya ng box ay nanlaki ang mga mata niya sa dami ng laruan. Tuwang tuwa siyang inilabas lahat ng ito. Nang hapon ding iyon ay sinamahan ni Juno ang nanay niya na mag-grocery. Habang namimili ng prutas ang nanay niya ay may nakita siyang laruan na nagustuhan niya.

“Nay, gusto ko ng laruan na ‘yun, yung Iron Man, yung sa Avengers!”

“Anak marami ka pang laruan sa bahay.”

“E sige na po, gusto ko po talaga ‘yun!”

“Anak naman, tara na umuwi na tayo.”

new doc 1_2

Umiyak at nagwala si Juno hangga’t hindi nabibili ang laruang gusto niya. Walang nagawa ang nanay niya kung hindi bilhin ang laruan. Pagkauwi nila sa bahay ay agad na tinawag ni Juno ang kaibigan niyang si Apollo upang makipaglaro.

“Uy Juno, sige na pahiram ng kotse, ‘di mo naman ginagamit eh!”

new doc 1_3

“May sarili ka namang laruan, ‘yun ang laruin mo” sabi ni Juno habang pilit inilalayo kay Apollo ang laruan

Habang naglalaro sila ay nakita ni Juno na may kausap ang nanay niya sa telepono at malungkot ito. Nang minsang magsimba sila ay may nadaanan silang tindahan ng mga laruan at may nakitang laruang Captain America si Juno. Hinila niya ang nanay niya at pilit na ipinabibili ito.

“Nay, nay! Si Captain America, gusto ko ‘yun nay!”

“Nako Juno matatambak lang ‘yan sa bahay.”

“Sige na po, para makumpleto ko na yung Avengers, nay!”

new doc 1_4

“Tigilan mo na ko, halika na umuwi na tayo.”

“Pero nay!”

Ayaw pumayag ng nanay niya at kahit anong iyak at pagwawala pa ang ginawa ni Juno ay hindi pa rin binili ng nanay niya ang laruan. Katapusan na ulit ng buwan at halos isang linggong naghihintay ng padalang balikbayan box si Juno ngunit walang dumating.

“Nay kailan ba darating yung padalang box ni tatay?” naiinip na tanong ni Juno.

“Anak, walang darating ngayong buwan.”

new doc 1_5

“Ha! Bakit po?”

“Nagkaroon ng problema ang tatay mo sa trabaho niya kaya hindi muna siya makakapagpadala ng pera at mga laruan.”

“Kailan po ulit siya makakapagpadala?”

“Huwag kang mag-alala anak, sasabihan agad kita kapag makakapagpadala na ulit ang tatay mo.” Malungkot ngunit nakangiting paliwanag ng nanay ni Juno sa kanya.

Tumango na lang si Juno.

Naglalaro si Juno at Apollo nang makita ni Juno na may bagong laruan si Apollo, isang helicopter na nakalilipad gamit ang isang controller.

“Nay, nakita mo ba yung bagong laruan ni Apollo? Ang astig! Gusto ko rin magkaroon ng ganun nay!”

“Sige, sa susunod anak.”

new doc 1_6

“E nay baka maubusan ako, bilhan mo na ako nay, sige na po!” pagmamakaawa ni Juno sa nanay niya.

“Anak kailangan natin magtipid ngayon, Wala sa budget natin ang pagbili ng mga laruang gusto mo saka marami ka pa namang ibang laruan diyan.”

“Gusto ko po ng helicopter na may controller, wala pa po akong ganun nay.”

“Hindi porket wala ka ng isang bagay ay kailangan mo ng magkaroon nun, pasensiya na anak at hindi ko maibibigay sa iyo ang mga gusto mo agad agad. “

Hindi na nagpumilit pa si Juno at bumalik sa paglalaro.

Isang gabi ay nakita niyang hawak hawak ng nanay niya ang paborito nitong hikaw na regalo ng tatay niya at inilagay ito sa isang maliit na plastic.

“Nay ano pong gagawin niyo sa hikaw niyo?”

“Isasangla ko muna ito anak para may panggastos tayo hanggang sa susunod na linggo.”

new doc 1_7

“Pero paborito niyo po ‘yan diba? Regalo ‘yan ni tatay nung birthday mo.”

“Makukuha ko rin naman ito at saka materyal na bagay lang naman ito anak, marami pang mas mahalaga kaysa dito.”

“Tulad po ng ano?”

“Ikaw.” Nakangiting sagot ng nanay niya sa kanya.

“Ako po?” nagulat si Juno sa sagot ng nanay niya.

“Hay naku anak, halika nga dito!”

Lumapit si Juno sa nanay niya at niyakap siya nito.

Buong gabi ay ‘di makatulog si Juno dahil iniisip niya kung paano niya matutulungan at mapapasaya ulit ang nanay niya. Kinabukasan ay dumating si Apollo at naghanap sila ng malalaro ni Juno.

“Uy si Bumblebee! Nilalaro mo pa ba ‘to? Akin na lang! Siya na lang yung kulang ko sa Transformers!”

new doc 1_8

“Napalanunan lang yan ng nanay ko sa raffle.” Walang interes na sagot ni Juno

“Gustong gusto ko nito Juno, matagal na kong naghahanap ng ganito! Akin na lang!”

Tinitigan ni Juno ang laruan at inisip kung ibibigay ba niya o hindi. Inikot niya ang mata niya sa mga laruan niya. Napansin niya na ang dami nga talaga niyang laruan, ang iba’y nakalimutan na niya na meron pala siya.

“Pumayag ka na Juno, kahit bilhin ko pa. May bente pesos ako ngayon sa bulsa ko, babalik na lang ako bukas para dagdagan ‘yan.” dinukot agad ni Apollo ang pera at inabot kay Juno.

new doc 1_9

Nagulat si Juno dahil hindi niya akalain na bibilhin talaga ito ni Apollo sa kanya. Ibibigay na lang sana ito ni Juno pero inilagay na ni Apollo ang pera sa kamay niya at pinaglaruan na kaagad si Bumblebee.

Maya-maya pa’y umuwi na si Apollo at naiwan sa sala si Juno, nakaupo habang hawak-hawak ang bente pesos. Tinawag na siya ng nanay niya upang maghapunan.

“Anak tara na dito, kumain na tayo.”

“Opo nay!”

Tinitigan ni Juno ang perang hawak niya at ngumiti. Inilagay na niya ito sa bulsa niya at tumayo na upang kumain.

Lumipas ang ilang araw at napansin ng nanay ni Juno na parati itong masigla at parating may bitbit na kahon. Inakala ng nanay niya na baka naglalaro lamang ito. Isang umaga ay nagtaka ang nanay ni Juno kung bakit may mesa itong bitbit at papunta sa may garahe nila.

new doc 1_10

Pagkalabas niya ay nagulat ito at nakapatong sa isang mesa ang ilan sa mga laruan ng anak niya at may nakadikit na mga presyo dito.

new doc 1_11

Maya-maya pa’y may batang lumapit kay Juno kasama ang nanay nito.

“Mommy, mommy! Gusto ko nito, gusto ko nito!” turo ng bata sa dating laruang kotse ni Juno.

8 and ½ minutes

Sandali lang naman, hindi naman ako magtatagal. Gusto ko lang maranasan kung paano maging malaya, kung paano hindi sumunod sa nararapat gawin at piliing sundin ang sarili kong nais. Wala naman sigurong magbabago, siguro. Malapit nang magtakipsilim at tapos na naman ang trabaho ko pero para sa iba’y maguumpisa pa lang ako. Ano kayang mangyayari kung tuluyan nga talaga akong maglaho?

Unti-unti akong lumalayo, unti-unting  humihiwalay sa kanilang lahat. Sa aking sandaling paglisan ay parang walang nangyari. Isang minuto. Wala pa ring nakakapansin. Tatlong minuto. Inakala nilang karaniwan lang ang nangyayari. Apat na minuto.  Pakiramdam ko ay isa akong isdang natutong lumipad. Nakawala sa taling hindi alam kung kalian mapipigtas. Anim na minuto. Nagtataka na sila at marami na ang natatakot habang ang iba’y walang kaalamalam sa nangyayari. Babalik pa ba ako? Hahayaan ko bang tuluyang yakapin ng kadiliman ang mundong aking minahal at inalagaan? Papanuorin ko na lang bang balutin sa takot at manigas sa lamig ang mga tao? Pitong minuto. Kaunti na lang at malalaman na nilang wala na silang liwanag na masisilayan. Na wala silang magagawa kundi maghanap ng alternatibong paraan upang mabuhay.

Sa buong buhay ko wala akong ginusto kung hindi malaman kung ano ang pakiramdam na mahiwalay sa nakasanayang buhay. Ang hindi maging sentro ng lahat at subukang mapag-isa. Pero kung minsan kailangan din nating isipin ang magiging epekto ng ating gagawin sa iba. Na sadyang may mga tao at bagay na hindi mabubuhay kapag nawala ka.

Ilang segundo na lang at kakainin na ng kadiliman ang lahat. Na sa bawat araw na magigising sila ay tila walang kabuhay-buhay at kasigla-sigla. Sampung Segundo na lang at nakapagdesisyon na ako. Wala namang masama kung pagbigyan mo ang sarili mong maging masaya, na kahit isang beses man lang ay nakagawa ka ng isang bagay na akala mo’y hindi mo magagawa.

Walo’t kalahating minuto ang nagdaaan at ang kalahati ng mundo’y hindi binisita ng sikat ng araw. Walo’t kalahating minuto lang at ang sikat niya’y hindi na maaaninag kailanman. Hindi na siguro.

dagli

(photo of Jay Salvador)