Wag matakot, magpatakot.

(semi book review. lol)

Tatlong Gabi Tatlong Araw ni Eros Atalia


Isang storya na di ka matatakot kundi matatakot ka na matakot.. ang gulo di ba? Tulad ng nobela na ito ni eros atalia na mas magulo pa sa love life ng ibang kabataan ngayon ay punong puno ng kababalaghan at misteryo na ngayon mo lang masasaksihan. Isang istorya tungkol sa buhay ng isang mamamahayag at sa kanyang pagbabalik sa bayan ng magapok. Mambubulabog sa isip at katawang tao mo at magpapabago sa tingin mo sa mundo. Misteryo, romansa, kababalaghan at iba pang bagay na kikiliti sa inyong isipan. At para sa mga aspiring na writer tulad ko, maraming kang mapupulot dito na di mo makikita o matututunan sa mundong ating ginagalawan.

Advertisements

Lugmok na ang Nayon ni Edgardo M. Reyes

Sa kuwento ni Edgardo M. Reyes ay makikita ang pagsasalamin niya sa tunay na kalagayan ng isang nayon. Isinalaysay niya na sa kabila ng kahirapan ng nayon ay nagawa pa rin ng mga tao na magbigay ng regalo. Ipinapakita nila na ang mga tao sa nayon ay may hospitalidad sa mga bisita lalo na sa mga kamag-anak ngunit ang pagiging hospitalidad na ito ay inaabuso ng mga nakalalamang sa kanila. Sa kuwento o kahit sa totoong buhay ay tradisyon na ang pagbibigay ng regalo sa ikakasal ngunit kung minsan ay kahit wala ka ng maibigay ay magsasakripisyo ka makaabot ka lamang ng kaunti.

Ang paraan ng pagkuwento ni Edgardo M. Reyes ay malinaw at diretso. Hindi siya basta nagsasalaysay lang kung hindi ay ipinapakita din niya ang bawat pangyayari. Detalyado ang bawat eksena, kahit hindi eksakto ang mga salita ay naipapakita at napaparamdam niya ang bawat pangyayari, kahit gaano kaikli ay buong buo pa rin ang diwa at daloy ng kuwento. Malinaw ang pagkakasunod-sunod ng eksena dahil sa detalyado at malinis na paraan ng pagkukuwento. Mararamdaman mo ang nararanasan ng tauhan dahil ipaparamdam talaga sayo gamit lamang ang mga salita.

Kung iisipin ay iba ang nayong ikinukuwento ni Edgardo M. Reyes sa nakasanayan at alam natin. Ipinakita niya ang tunay na mukha at kalagayan ng nayon sa panahong iyon o kahit sa panahon din ngayon. Inilarawan niya ang mga di kagandahang katangian ng nayon at ng mga tao dito. Ipinakia din niya ang pananamantala ng ibang tao tulad ni Vic sa kuwento. Mapapansing wala nang pera o kapos sa buhay ang mga tao sa nayon pero nakuha pa rin ni Vic na hingian ng regalo ang mga tao.

Realismo ang teoryang pampanitikan ng kuwenton Lugmok na ang nayon dahil ipinapakita nito tunay na kalagayan ng nayon o isang lugar sa kabila ng mga nakikita ng ibang tao. Makikita agad sa pamagat na sa umpisa pa lang ay mahirap na sila pero ginawa ni Edgardo M. Reyes ay ipinakita niya na kahit lugmok na ang pamayanan ay gagawa sila ng paraan makapagbigay lamang ng regalo na hanggang ngayon ay tradisyon pa rin ng mga tao.

Ang Tunay na Tiyanak

nbs

Nakakita ka na ba ng tiyanak? Baka naman nakakita ka na pero hindi mo alam na tiyanak na pala ang iyong kaharap? Magaling magkunwari ang mga tiyanak. Magaling silang manlinlang at manggaya. Maaaring nakakita ka na pero sa katauhan ng isang hayop o isang tao, puwedeng kaibigan mo, kapamilya mo o kahit simpleng kakilala mo lang. Kung minsan ikaw mismo ay ginagaya nila, ang sarili mong mukha ay ginagamit nila. Ililigaw ka nila, dadalhin kung saang lugar pero hindi ko alam kung ililigaw ka nila para maging ligtas ka o para mapahamak ka. Malalaman mo na lang siguro kapag kaharap o kasama mo na siya.

Ang tiyanak sa nobela ay maaaring sumisimbolo sa ating mga tao. Kung saan sinanay natin ang ating mga buhay sa isang walang katapusang kopyahan, lokohan, manlinlang at magpanggap. Malaki ang papel na ginampanan ng tiyanak sa buhay ng pangunahing tauhan kung saan halos buong buhay nito ay lumaki ito sa isang kasinungalingan. Tila isa siyang trumpo na pinaikot ng tiyanak sa matagal na panahon.

Sa nobelang ito na pinamagatang Si Janus Silang at ang Tiyanak ng Tábon ay hindi mo lang basta makikilala ang tiyanak kung hindi malalaman mo din ang pinagmulan niya.

Dadalhin ka ni Edgar Calabia Samar sa isang kakaibang mundo sa nobelang ito. Sa isang lugar kung saan puno ng kakaiba pero kagilagilalas na mga nilalang. Ang libro ay tungkol kay Janus Silang, isang bata na sa murang edad pa lang ay naharap na sa maraming pagsubok at malaking responsibilidad. Naglalaro ng isang online game si Janus, ang TALA, kasama ang kanyang kaibigan at iba pang kalaro nang bigla na lang niyang mapansin na hindi na gumagalaw at humihinga ang mga kasama niya. Si Janus lang ang naiwang buhay at matapos ang gabing iyon ay nagsimula na ang malaking pagbabago sa buhay niya. Unti-unti niyang tinutuklas kung ano talaga ang nangyari at kung ano nga ba ang kinalaman niya sa lahat ng ito. Isa itong paglalakbay patungo sa paghahanap ng mga kasagutan at sa tunay na pagkatao ni Janus Silang.

Puno ng kababalaghan at misteryo ang nobelang ito at kapag naumpisahan mo ng basahin ay mahihirapan ka ng ibaba pa ito. Hindi lang ito para sa kabataan kung hindi para din sa lahat na nagnanais na makabasa ng naiiba at bagong kuwento. Magbabago ang tingin mo sa mga bagay na inaakala mong alam mo na dati. Hindi lang tiyanak ang meron sa nobelang ito kung hindi marami pang ibang nilalang na siguradong aabangan ng mga mambabasa. Hinati sa maraming bahagi ang nobela kaya talagang mabibitin ka at lalong mananabik sa susunod na mangyayari. Ngayon ay lumabas na ang pangalawang bahagi ng nobela na pinamagatang Si Janus Silang at ang Labanang Manananggal-Mambabarang.

Muli, itatanong ko kung nakakita ka na ba ng tiyanak? Huwag mong sasabihing hindi. Subukan mong humarap sa salamin at tingnan ng mabuti ang iyong sarili. Ngayon, may nakikita ka na ba?

 

Babala: Huwag babasahin ang libro kapag gabi o mag-isa ka lang, mahirap na baka mamaya ay katabi mo na ang tiyanak habang nagbabasa ka. Maging mapagmasid at alerto palagi dahil ang buhay ng tao ay punong-puno ng panlilinlang, panggagaya, panloloko at pagpapanggap tulad ng tiyanak.

written with Jazzymine Cruz