Paraiso

Akyat dito, akyat doon. Matarik man ang babagtasin ay kakayanin. Mabato man at maputik ang nilalakaran ay hindi ito magiging hadlang. Mga huni ng ibon ang maririnig sa paligid at mga bulaklak na nakangiti sa langit ang makakasalubong. Simoy ng hangin sa aking mukha’y dumadampi. Tila sumasayaw ang mga sanga ng puno at ang mga halaman. Bawat paglalakad ay may indak, sumasabay sa musika ng kapaligiran. Ang paraiso’y makikita na, kaunting hakbang na lamang.
Ang tuktok ay napanik

Nakarinig ng tinig

Kalikasa’y umihip

Iniwa’y isang awit

Advertisements

1991

Parang isang siyudad sa gitna ng disyerto. Mga kalsadang kulay puti at maalikabok. Makulimlim ang kalangitan at ang mga tao’y nagtatakbuhan. Maraming bahay ay kalahati na lamang. Simbahan ng San Guillermo’y muntik na mawala. Mga nagtatayugang gusali ay hindi na makita.  Naging bahagi ng kasaysayan ang sandaling pagkawala ng bayan sa mapa. Kalikasa’y mabagsik nga talaga.
May bulkan na sumabog

Buong baya’y lumubog

Namuti mga pook

Tila nyebeng nahulog

Alapaap

Ako’y unti-unting umaangat sa lupa. Ang mga ulap ay abot kamay ko na. Parang nakasakay sa isang ibong malaki, malayang nakakalipad ngunit pakpak ay hindi pumapagaspas. Mga bahay at tao’y paliit ng paliit hanggang mawala na sila sa aking paningin. Nakaramdam ng lamig at biglang dumilim ang paligid. Ikinabit na ang seatbelt at huminga ng malalim.

Dahan-dahang lumapag

Mga gulong lumabas

Nakahingang maluwag

Malayo na sa ulap

Outer Space

Nawala sa kawalan
Sa kawalan ay nawala
Bumalot ang kadiliman
Ang kadiliman ay bumalot
Ang mga bituin ay natakpan
Natakpan ang mga bituin
Tumahimik ang paligid
Ang paligid ay tumahimik

Mag-isang naglalakad
Naglalakad mag-isa
Sarili ay kinakausap
Kinakausap ang sarili
Madalas tumatawa
Tumatawa ng madalas

Lumuwag ang tornilyo
Ang tornilyo ay lumuwag
Parating nakatulala
Nakatulala parati
Lumilipad ang isip
Ang isip ay lumilipad
Palutang-lutang sa kalawakan
Sa kalawakan ay palutang-lutang

Nasaan ka na ba?

Kailan kaya kita makikilala?

Mundo ko’y kailan mo makukulayan?

Iyong mukha, sa isipa’y nakapinta

 

Meron kang mga nangungusap na mata

Kasing itim at lawak ng kalawakan

Kailan kaya kita makikilala?

 

Ilong mo ma’y hindi perpekto ang hulma

Kutis mo ma’y kayumanggi o malamlam

Iyong mukha sa isipa’y nakapinta

 

Ang iyong labing malambot at mapula

Parang mga rosas sa hardin ang kulay

Kailan kaya kita makikilala?

 

Ngiti mo ay katulad ng mga tala

Parang mga bituin sa kalangitan

Iyong mukha sa isipa’y nakapinta

 

Nasasabik aking puso’t kaluluwa

Pagkatao’y mabigyang kulay at saysay

Kailan kaya kita makikilala?

Iyong mukha sa isipa’y nakapinta

Hulog ng Langit

Umaga pero walang maaninag na liwanag. Ang langit ay natatakpan ng makakapal na ulap. Puti lang ang makikita sa paligid at malamig ang simoy ng hangin. May kung anong nahuhulog galing sa langit, puti, bilog at hindi agad natutunaw pagkadampi sa iyong palad. Parang ulan pero hindi ka agad nababasa, ano kaya ito?

 

Mga naghahabulan

Sa kulay puting ulan

Masayang nagsasayaw

Kahit pa sobrang ginaw

 

Ang bawat patak ay kakaiba’t bago. Minsan sa mga kamay mo o kaya naman ay sa ulo. Masarap higaan at gumulong gulong. Parang isang paraiso na nagpapawala ng lungkot at pagod.

 

Mga nagbabatuhan

Sa puting palaruan

Saya ay nangibabaw

Lamig ay nalimutan

Unang Pag-ibig

Ano ba itong nararamdaman?

Isang bagay na di maalis sa isipan

Sinubukang ibaon ngunit di malimutan

Isang alaalang di mawawala kailanman

Inakalang tapos at naglaho na

Maayos na ang buhay ngunit ika’y bumalik pa

Paano na ako ngayong andito ka?

Di alam ang gaawin kaya’t ika’y umalis na sana

Sa tuwing nakikita di malaman ang gagawin

Kung ako’y iiwas o ika’y haharapin

Di mapakali sa bawat gawain

Parang humihinto ang puso kapag ika’y nakatingin

Di alam ang isasagot kapag ako’y iyong kausap

Natutulala kapag ikaw ay kaharap

Pakiramdam ko’y ako’y nasa alapaap

Huwag na sana matapos at mawala sa isang kurap

Akala’y mangyayari lamang sa panaginip

Ngayo’y nangyari na’t parating iniisip

Nalilito kung hahayaang maging malapit

Dahil natatakot at baka tadhana’y maging malupit