Paraiso

Akyat dito, akyat doon. Matarik man ang babagtasin ay kakayanin. Mabato man at maputik ang nilalakaran ay hindi ito magiging hadlang. Mga huni ng ibon ang maririnig sa paligid at mga bulaklak na nakangiti sa langit ang makakasalubong. Simoy ng hangin sa aking mukha’y dumadampi. Tila sumasayaw ang mga sanga ng puno at ang mga halaman. Bawat paglalakad ay may indak, sumasabay sa musika ng kapaligiran. Ang paraiso’y makikita na, kaunting hakbang na lamang.
Ang tuktok ay napanik

Nakarinig ng tinig

Kalikasa’y umihip

Iniwa’y isang awit

Nakaba-BALAGBAG

10659281_4612805534705_6374412783838663366_n

Paano nga ba umakyat ng bundok? Sa totoo lang ay hindi ko alam kung ano talaga ang nag-udyok sa akin upang sumama na mamundok. Bago ang lahat ng ito sa akin at kapag sinabi kong bago, ito yung mga bagay na pinag-iisipan kong mabuti bago gawin. Maraming kailangang isaalang-alang, kung papayagan ba ko ng magulang ko, kung kakayanin ba ng katawan ko at kung makabababa pa ba ako. Nasubukan ko nang umakyat sa isang mataas na hagdan ng isang malaking bahay, naranasan ko na ding umakyat sa hagdan na may pulang carpet, nakaakyat na din ako sa napakataas na hagdan ng isang simbahan sa Baguio, pati sa nakahihingal na hagdan paakyat sa isang templo sa Japan. Marami na akong naakyat na hagdan pero ang pag-akyat ng bundok, wala pa. Kaya sumama na ako dahil gusto ko rin maranasan kung ano ang pakiramdam ng umakyat sa bundok at makaabot sa tuktok nito.

Sa isang desisiyon na ginagawa ng isang kabataang tulad ko ay kumokonsulta muna ako sa mga magulang ko pero sa panahong ito ay wala akong sinabi sa kanila. Ang totoo niyan ay ilang beses akong nag-ensayo sa utak ko kung paano magpapaalam pero wala rin, ilang araw ang lumipas at paakyat na kami ng bundok pero hindi ko pa rin nasasabi sa kanila. Inilagay ko muna sa pinakadulo ng utak ko ang hindi ko pagpapaalam sa kanila at inisip ko muna ang magsaya.

Alas kuwatro pa lang ng umaga ay gumising na ako, ewan ko ba pero kapag normal na araw ay ang hirap gumising ng maaga pero kapag labas sa eskuwelahan ang pupuntahan ay nauunahan pa ang alarm clock na tumunog. Bago pa man mag-alas sais ay nakasakay na kami sa inarkilang jeepney na nakaparada sa tapat ng Puregold. Mga alas siyete na kami nakaalis dahil sa nakasanayan na nating Filipino time pero habang nasa biyahe na ay mahahalata mo sa mga itsura naming magkakaklase ang pagkasabik sa pag-akyat sa bundok. Sabik kaming lahat pero kinukulit pa rin ako ng utak ko dahil hindi ako nagpaalam sa mga magulang ko pero mamaya ko na iisipin ‘yun. Kung di ako nagkakamali ay mga bago mag-alas dyis nang makarating na kami sa ibaba ng bundok at doon na magsisimula ang paglalakbay namin paakyat sa tuktok ng Mount Balagbag sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Para kaming mga turista na unang beses na nakarating sa isang bansa. Lahat kaming walong magkakaklase na sumama ay pare-parehong naka-backpack na parang si Dora na tila manghang-mangha sa tanawin na nakikita. Pakiramdam ko ay naglalakbay kami paakyat sa mga ulap. Hindi ko mapigilang huminto kapag natatapat kami sa isang magandang tanawin, masarap titigan at kuhanan ng litrato. Isang bagay na hindi ko masyadong inintindi habang umaakyat ay ang init ng araw. Wala akong pakialam kung umitim ako dahil ginusto ko ‘to at kahit papano ay umiihip naman ang hangin. Sa unang oras naming paglalakad ay masasabi kong sabik na sabik pa kaming umakyat lalo na ang mga paa naming unang nakatapak sa bundok pero habang patagal ng patagal ay napaparami na ang paghinto at pagpahinga naming at hinihiling na sana may sasakyan kami na magagamit paakyat ng bundok.

Habang paakyat kami ay hindi lang magagandang tanawin ang nakita ko. Isa sa mga bilin sa amin ng aming guro ay huwag magkakalat at huwag mag-iiwan ng kalat, kung may kalat man kami ay ibulsa muna at saka itatapon sa tamang basurahan. Kung titingnang mabuti ay hindi lang ang tanawin ang kapansin-pansin sa bundok kung hindi ang ilang nakakakalat na basura sa daan. Iba’t ibang klase ang mga kalat doon at kung minsan ay pati ang mga basura na puwede namang ibulsa na lang ay itatapon pa sa kung saan saan. Aminin man natin o hindi ay nakapagtapon na rin tayo ng kalat sa hindi tamang basurahan. Lahat tayo ay guilty sa kasalanang ito at hindi ito maitatama kung hindi natin sisimulan ang pagbabago lalo sa mga sarili natin.

Bago pa man ako nagdesisyong sumama ay alam ko ng mahirap talaga ang mamundok lalo na kung hindi malakas ang resistensiya mo at hindi ka sanay sa matagal na lakaran. Pataas na kami ng pataas at pakiramdam ko ay kahit magagaan lang ang mga dala naming gamit ay sampung beses ito bumigat pero kahit ganoon ay ‘di nito napigilan ang saya naming habang umaakyat at ang walang tigil naming pagkuha ng selfie at groufie. Iniisip ko tuloy kung paano ko mai-u-upload sa facebook ang mga litrato dahil hindi nga alam ng magulang ko na umakyat ako ng bundok pero mamaya ko na ulit iisipin ‘yun. Kung titingnan kaming magkakaklase ay di mo masasabing aakyat talaga kami ng bundok dahil sa mga suot namin, para lang kaming mamamasyal sa isang mall, hindi naaayon sa pag-akyat sa bundok ang suot naming pero wala rin kaming pake at ang mahalaga ay maabot namin ang tuktok at ligtas na makababa at makauwi.

Kahit alam naming malayo pa ang summit ay ilang beses din kaming nagtanong kung malapit na, kung gaano pa ba kalayo at madalas ang sagot (o ang iniisip naming sagot) ay malapit na. Maliban sa amin na paakyat ay marami din kaming nakakasalubong at nakasabay na pababa at paakyat ng bundok. Karamihan sa kanila ay may mga bitbit na mabibigat, kahit hindi ko hawakan ang dala nila ay alam ko ng mabigat ang mga iyon dahil sa mga itsura at paraan nila ng pagbitbit. Mayroon ding kaming mga estudyanteng nakasalubong ang ilan ay kasama ang mga magulang nila ang iba nama’y mag-isa lang. May nadaanan kaming eskuwelahan na di ko akalain na mayroon pala sa bundok at natutuwa ako sa mga batang kahit malalayo ang bahay ay araw-araw bumababa o umaakyat makaabot lang sa klase nila.

Pataas na kami ng pataas at palamig na din ng palamig ang hangin, halos wala na kaming makitang bahay at puro puno at mga damo na lang. Malapit na magtanghalian at malapit na rin daw kami kaya huminto muna kami sa isang kubo at naghanda para kumain. Ang ibig kong sabihin sa naghanda ay ibaba ang dalang bag, umupo, magpahinga at kumuha ng mga litrato. Sa totoo lang ay wala naman akong malaking naitulong sa paghahanda ng pagkain puro kuwento at moral support at pasimpleng pag-aabot ng gamit lang ang naiambag ko sa kanila. Habang naghahanda sila ay sinubukan kong tingnan ang cellphone ko at naalala na naman ang hindi ko pagpapaalam sa magulang ko pero naisip ko na magsaya na lang muna at saka na isipin ang problema. Hotdog at itlog ang kinain namin sa dahon ng saging at parang nag-boodle fight kami, nagutom ang lahat dahil sa pagod sa pag-akyat. Maya-maya pa’y naghanda na kaming umakyat, mga dalawampung minuto pa daw bago makarating sa tuktok. Kahit nakapagpahinga na ang mga paa namin ay pakiramdam ko baka limang minuto pa lang ay sumakit na ulit ang mga binti ko.

Isa sa mga ikinatutuwa ko ay ang patuloy na pangangalaga sa mga bundok na katulad ng Mount Balagbag at hindi pa ito nabibili upang tayuan ng kung anong estabisiyemento. Mapapansin mo ang ilang kalat, ang mga plastic containers at mga candy wrappers pero buo pa rin ang mga puno at meron pa ring ang mga damo’t halaman. Kung hindi maaagapan ang pagkalat ng ilang umaakyat sa bundok ay baka tuluyan ng walang umakyat pa dito. Sa atin magsisimula ang pagbabago at kalinisan. Kahit walang mga nakalagay na paalala sa bawat bahagi ng bundok ay dapat isaalang-alang pa rin ang mga dapat at hindi dapat gawin sa isang lugar. Walang mangyayari kung magsasawalang bahala lang tayo at iaasa sa iba o sa gobyerno ang pangangalaga sa bundok. Kung gusto natin manatili ang kagandahan ng bundok ay dapat tayo ang gumawa ng aksyon at pagbabago.

Pakiramdam ko Mount Everest ang inaakyat namin, nakahihingal at masakit sa mga binti pero walang susuko lalo na’t abot kamay na namin ang pinakatuktok ng Mount Balagbag. Pagkaapak ko sa pinakatuktok ay masasabi kong worth it ang pagod at hirap na dinanas namin paakyat. Masarap langhapin ang hangin sa itaas at masarap ding pagmasdan ang magandang tanawin. Parang mga langgam ang mga bahay na kanina lang namin dinaanan, lahat kami ay masaya at may mga ngiti sa labi. Nakalimutan ko lahat ng bumabagabag sa akin, ang mga kailangan ipasa, ang mga proyekto namin, ang finals lalo na ang magiging reaksiyon ng mga magulang ko sa pag-akyat ng bundok. Sa sobrang ganda sa itaas ay parang ayoko na bumaba, gusto ko sulitin pa ang oras ko sa tuktok pero hindi kami pwede gabihin kaya bumaba na rin kami agad.

Pagkababa namin ay nag-ayos na kami ng mga gamit at nilinis na ang kubo. Hindi ko talaga makakalimutan ang araw na’to, Oktubre 5, 2014. Sa pagbaba namin ay hindi ganoon kahirap pero kailangan pa rin mag-ingat. Isang maling hakbang ko lang ay baka madapa na ko agad at gumulong na lang pababa. Maputik ang ibang daan kaya medyo dumulas ang ilalim ng sapatos ko. Bago pa man kami tuluyan makababa ay dumaan muna kami sa Otso-otso falls na sinasabi ng guro namin kanina. Na-excite kami dahil sa pangalan pa lang ay mukhang masaya na. Akala namin ay tapos na ang paghihirap namin kanina noong umakyat kami pero mas kinabahan ako sa pagbaba namin papunta sa falls. Sobrang maputik at makitid ang daanan, maraming talahib at mabato din pababa kaya kailangan talaga ng dobleng ingat. Bigla ko ulit naalala ang hindi ko pagpapaalam sa magulang ko at di ko malaman kung ano talaga ang sasabihin sa kanila lalo na’t maliligo kami sa isang falls ngayon. Bahala na lang si Batman at kinalimuta ko muna ang problema ko.

Kung makalat paakyat sa bundok ay ganoon din pababa sa Otso-otso falls. Kung may kalat man ay pupuwedeng ilagay muna sa plastic at itatapon na lang mamaya sa tamang basurahan. Hanggang sa tabi ng falls ay may makikitang kalat. Talagang kahit saan na tayo magpunta ngayon ay siguradong mayroon at mayroon tayong makikitang kalat, maliit man o malaki. Minsan iniisip natin na maliit lang naman ang candy wrapper at ayos lang na itapon kahit saan pero ilang libo ba ng nag-iisip din ng ganito? Ilang milyon din ba ang walang pakialam sa mga itinatapon at tinatapunan nila? Kapag nagsama-sama iyon lahat ay baka mawala na ang mga kulay asul at berde sa ating mga mapa at mapalitan na ng basura.

Malapit na kami sa falls at lumiit na din ang dinadaanan namin, mas maputik at matarik kaya nang biglang madulas ang kaklase ko na nasa harapan ko ay talagang natawa ako at nakalimutan ang panganib na mayroon. Dahan-dahan ang pagbaba namin at nang marating na namin ang Otso-otso falls ay agad na kaming nagpalit ng damit at sumuong sa tubig. Unang beses ko ding maligo sa ganitong lugar dahil parating sa swimming pool lang ang naliliguan ko. Malamig ang tubig at maganda ang tanawin, kung titingnang mabuti ay nasa taas kami ng mismong falls kaya patuloy ang agos ng tubig. Masarap daw ang tubig sabi ng ilan kong kaklase, hindi ko tinikman dahil sa ilang mga dahilan. Para kaming mga batang naglalaro ng tubig, nagkukulitan kami at nag-aasaran. Maya-maya pa ay naramdaman na namin ang ambon, medyo dumidilim na din kaya nagmadali na din kaming umalis bago maabutan ng malakas na ulan.

Nasa baba na kami ng bundok at nagmamadali na kami maglakad. Maputik ang daan kaya talagang lulubog ang paa mo kung mapapaapak ka doon. Habang naglalakad ay bigla ko ulit naramdaman ang ngalay sa mga binti ko. Hindi ako makahakbang ng maayos at pinipilit ko na lang ang sarili ko at iniisip na pauwi na kami. Mas lumakas ang buhos ng ulan kaya’t napatakbo na kami, hindi ko alam kung paano ko pa naigagalaw ang mga binti ko dahil sobrang sakit. Napapahinto ako ng saglit pero dahil nababasa ako ay wala akong choice kung hindi pilitin ang buong katawan ko na gumalaw. Madilim na ng marating naming ang pinaradahan ng sinakyan naming jeep kanina at talagang gusto ko na makasakay at makaupo kaya para akong si San Chai na hinahabol ang jeep kahit na hindi naman talaga ako iiwan nito. Nakakapagod pero masaya, nakakantok pero sobrang worth it ng pag-akyat namin. Wala na akong pake kung mapagalitan pa ako ng magulang ko, basta naging masaya ako.

Sa buong paglakbay at pakikipagsapalaran namin ay masasabi kong wala akong kalat na iniwan, kung meron man ay ibinubulsa ko o inilalagay ko sa aking bag. Wala naman talaga kaming masyadong kalat dahil hindi naman kami nagpunta sa bundok upang kumain lang at mamasyal tulad sa mall. Nagpunta kami sa Balagbag upang maakyat ang bundok at marating ang tuktok nito. Masakit mang aminin ay kahit anong paglilinis ang gawin namin sa mga lugar na hinintuan at kinainan namin ay siguradong may iba na aakyat din ng bundok na walang pakialam sa paligid niya at sa kalikasan. Hindi natin kontrolado ang pag-iisip ng iba at hindi sila basta basta na masasabihan at mapapakiusapan pero kontrolado natin ang ating mga sarili. Nasa ating mga sarili mag-uumpisa ang pagbabago hindi sa iba.

Hanggang sa umuwi kami ay binabagabag talaga ako ng hindi ko pagpapaalam sa mga magulang ko, kunwari lang yung walang pake dahil halos buong pag-akyat namin sa bundok ay naiisip ko ‘yun. Kahit ilang beses kong ilagay sa pinakadulong sulok ng utak ko ay bigla biglang susulpot at maaala ko pa rin. Nakauwi na ako sa bahay at parang nasa mga ulap pa rin ang utak ko, pati sa pagligo ko ay nakadikit pa rin sa akin ang Mount Balagbag, literal na nakadikit dahil napansin kong may talahib pa na naiwang nakadikit sa binti ko. sa huli ay masasabi kong handa ako sa magiging hatol ng mga magulang ko kaya naman nung nalaman nila kinabukasan dahil sa mga litrato ko sa fb ay kinabahan na ako pero nakahinga din ako ng maluwag dahil hindi sila nagalit sa akin. Nakauwi naman ako, walang labis, walang kulang kaya hindi nila kailangan mag-alala pero siyempre nakatanggap ako ng mahabang lecture sa kanila.

Minsan mas masarap talaga gawin ang mga bagay kung saan pinagbabawalan ka. Maraming kang matututunan at matutuklasan. Mga bagay at pangyayari na magbubukas sa isip natin at magpapa-realize sa atin hindi lang tungkol sa sarili natin kung hindi tungkol din sa mundong ginagalawan natin.  Kung mauulit man ang buong pangyayari ay parehas pa din ang magiging desisiyon ko, natakot lang ako na hindi ako payagan ng mga magulang ko kaya hindi ko na ipinaalam sa kanila pero kung aakyat man uli ako ng bundok ay baka magpaalam na ako, baka.

10704049_4616070216320_104743081233133541_n