Ang Paglalakbay ng Ibong Papel

Noon ay hindi pa alam ng ibong papel kung saang direksyon siya pupunta, naliligaw pa at hinahanap ang tamang daan. Alam niya ang tunay na gusto pero hindi malaman kung paano ito maaabot. Maraming kailangang daanang pagsubok para marating ang tuktok at isa na doon ang paglalakbay at pakikipagsapalaran patungo sa paghahanap at pagtuklas sa lugar na matagal nang inaasam. Maraming hahadlang pero kailangan ito upang matutong mamuhay ng mag-isa.

Simula noong nagkaroon kami ng klase sa Likhang Pambata ay naramdaman kong ito na ang magiging katuwang ko sa aking paglalakbay. Mahirap mag-isip ng magandang paksa na magugustuhan ng mga bata dahil hindi mo lang basta kailangang makisalamuha sa kanila kung hindi kailangan mo ring hanapin o balikang muli ang pagiging bata sa iyong sarili.

Ilang buwan bago mag-umpisa magsulat ng konseptong papel ay alam ko na ang aking papaksain. Tungkol sa paglalakbay ang gusto kong isulat, mga paglalakbay ko noong bata ako hanggang ngayon. Habang iniisa isa ko ang bawat lugar na puwede kong isulat ay unti-unti ring bumabalik sa aking alaala ang mga pangyayari noong bata ako na akala ko ay nakalimutan ko na. Mahina ang memorya ko kaya ang makaalala ng isang bagay na sobrang tagal na ay malaking bagay na para sa akin. Gusto kong ibahagi sa mga bata ang mga lugar na napuntahan ko, ang mga lugar kung saan marami akong natutunan at natuklasan. Gusto kong ipakita sa kanila ang mundo sa pamamagitan lamang ng pagbabasa.

Mabagal ang naging proseso ng aking pagsusulat at pagbuo ng ideya, sa sobrang bagal ay kung kailan ilang araw na lang bago magpasahan ay saka makakaisip ng isusulat. Natatak na sa aking isip na ang deadline ay mabisang inspirasyon sa pagsusulat pero sa loob loob ko ay sadyang hinahayaan ko lang ang sarili ko na palipasin ang oras na gumagawa ng mga bagay na walang kinalaman sa aking tesis. May panahong kung kailan maraming kailangan isulat sa klase ay natatapat ding maraming kailangan gawin para sa org at dahil sa pressure at stress nauuwi ako sa panonood ng pelikula, pagfa-facebook o di kaya paghilata lamang sa kama, nakatulala at iniisip ang mga kailangan ko pang gawin na hindi ko pa ginagawa.

Natuto akong mag-multi-tasking dahil na rin siguro sa dami ng kailangan kong gawin at sa kawalan ko ng pagplaplano sa aking oras. Hindi ko alam kung paano ko napagsasabaysabay ang pagbabasa, pagsusulat, paglalayout, paggamit ng social media at kung minsan nakukuha ko pang manood ng tv o pelikula. Hindi ako sanay na walang ginagawa at kinakalikot na isang bagay, gusto kong parating gumagalaw at pakiramdam kong mas magkakasakit ako kapag nakatunganga lang ako buong araw. Kapag hindi ko na kinakaya ang dami ng gawain ay bigla akong hihinto at susubukang planuhin ang mga susunod kong gagawin sa susunod na oras o araw at kapag napagdesisyunan kong may oras pa naman ako upang tapusin ang mga kailangan kong gawin ay aalis ako ng bahay at pupunta sa kung saan.

Ang panadaliang pagtigil sa mga gawain ang ginagawa kong distraction, distraction sa mga bagay na magpapasabog sa utak ko kapag pinilit ko itong gamitin. Masarap ding maging carefree at magpasawalang bahala sa mga rules at expectations ng mga tao at kahit sa sarili ko. Alam kong marami akong kailangang tapusin pero iniisip ko na may oras pa, na kaya ko naman kahit alam ko sa aking sarili na hindi at pipilitin at papahirapan ko lang ang sarili ko physically, emotionally at mentally.

Sa kabila ng stress at patung-patong na gawain ay may kung anong saya pa rin na kumikiliti sa aking puso at damdamin kapag nagsusulat. Kahit pagod na ang utak at katawan mo ay nagpapatuloy ka pa rin magsulat o kaya ang magtype sa harap ng laptop dahil alam mong masaya ka dito at nakikita mong balang araw ay babalikan moa ng panahong ito at matatawa na lamang. Iba ang pakiramdam kapag sinusulat mo ang gusto mo, may kalayaan kang ilagay ang lahat ng nais mo sa paraang ikaw ang magdedesisyon, tama man ito o mali sa paningin ng iba basta ang alam mo ay ikaw ang gumawa nito, parte ka ng isinusulat mo.

Sulat pa, basa pa, isama na ang paglalayout at pagcacalligraphy at lettering na nagiging stress reliever kapag napapagod na akong mag-isip ng isusulat. Sa panahon ngayon ay wala na akong oras upang gawin ang iba ko pang hobby, iniisip kong mas magkakaroon ako ng oras kapag natapos ko agad ang mga kailangan kong isulat. Isa sa ginagawa kong motibasyon upang makapagsulat ay ang pag-iisip na kapag maaga ako natapos ay puwede na akong makapag-lettering o kaya ay manood na ng Game of Thrones o ng ibang pelikula na may kaugnayan sa aking tesis. Minsan ginagawa ko ng maaga ang aking mga gawain dahil may importanteng lakad ako o may gustong puntahan. Sinisiguro ko na kapag aalis ako ay kaunti na lag ang kailangan kong gawin pagkauwi o kaya naman ay wala na pero siyempre ay hindi ito nasusunod.

Habang nagsusulat ka ay parang naglalakbay ka na rin, hindi mo man alam kung saan papunta ay hinahayaan mo lamang ang imahinasyon mo na gumana. Ang ibong papel ay maaring maligaw pero mahahanap at mahahanap din niya ang daan patungo sa pagkatuklas ng mga bagay na lalong magpapatatag sa kanya. Hindi sumusuko ang ibong papel kahit maraming gawain pa ang ilagay sa kanyang balikat ay pipilitin pa rin niyang lumipad dahil ano pa’t inumpisahan niya ang paglalakbay na ito kung hahayaan niyang mahulog siya dahil lamang sa mga pagsubok na nagpapabigat sa kanya. Kaunti na lang at mararating na ng ibong papel ang kanyang destinasyon.

Ang Tunay na Detective

​Ang tekstong susuriin ko ay ang nobela ni Bernalyn Hapin Sastrillo, ang Detective Boys of Masangkay: Ang Mangkukulam (2016). Ang nobela ay tungkol sa paglalakbay at paghahanap ng kasagutan ng tatlong magkakaibagan ukol sa pagkawala ng mga bagay sa baranggay nila. Nalalapit ang paksa ng tesis ko sa nobelang ito dahil ang gusto kong paksain ay tungkol sa paglalakbay at pagtuklas. 

Malaki ang pagkakahiwig ng paksa ng kanyang nobela sa mga gusto kong isulat kaya nais kong pagtuunan ng pansin ang anggulong pagiging detektib ng mga karakter o ang pagiging sabik nilang tumuklas at magresolba ng mga kaso. Isa ring gusto kong bigyang pansin sa akda ay ang pagiging independent ng mga bata at ang pagdedesisyon nila na mag-isa na maglakbay at resolbahin ang problema ng mga kaibigan at ng mga ka-baranggay nila. 

Ang nobela ay tungkol sa tatlong binatilyong magkakaibigan na sina Uno, Junior at Thirdy at tinatawag nila ang grupo nila na DBM o Detective Boys of Masangkay. Silang tatlo ay mga avid fans ni Detective Conan (1994), isang anime tv series sa Japan. Dahil sa pagiging fans nila ni Detective Conan ay nahilig din sila sa pagreresolba ng mga kaso o mga problema na kinahaharap sa barangay nila. Tumutulong sila sa paghahanap ng mga bagay na nawawala, tulad ng mga nawawalang hayop at damit pero naging isang malaking pagsubok sa kanila ang paghahanap sa nawawalang kapatid ng bago nilang kaibigan at honorary member sa grupo nila na si Me-ann. Hindi pa agad pumayag ang tatlo na pasalihan sa grupo si Me-ann pero dahil sa ipinakitang galing at talino sa mga ibinigay nilang pagsubok at dahil fan din siya ni Detective Conan ay nakapasa na din ito sa kanila. Sa pagiimbestiga nila tungkol sa mga nawawala sa kanilang barangay ay isa lang ang tinuturong suspek ng mga ka-baranggay nila, si Aling Binang, ang sinasabing mangkukulam sa kanilang lugar. Sa huli ay dahil sa pagtulong ng DBM sa paghahanap ng tunay na may sala ay nasagot nila ang lahat ng katanungan at misteryo sa kanilang barangay at napatunayan na walang sala si Aling Binang. Ipinakita ng mga bata na kahit mga bata pa lang sila ay kaya nilang lumutas ng mga krimen at kayang tulungan ang mga nangangailangan gamit lamang ang kanilang talino, diskarte, at tapang. Marami ring pagsubok na kinaharap ang DBM na muntik nang ikasira ng kanilang pagkakaibigan pero namayani pa rin sa kanila ang kanilang pagiging detektib at pagtitiwala sa isa’t isa.

Sa umpisa pa lang ng nobela ay binanggit na ang pagkahilig o ang pagiging fan ng mga karakter kay Detective Conan. Ang pagkakaroon nila ng grupo na pinangalanan nilang DBM (Detective Boys of Masangkay) ay nanggaling sa anime na Detective Conan na isinulat ni Gosho Aoyama at ito ang naging inspirasyon nila upang maging mga detective at tumulong sa mga kaibaigan at mga ka-baranggay nila. 

Ang kuwento ng Detective Conan ay tungkol sa isang lalaking nagngangalang Shinichi Kudo na nasa hayskul pa lamang pero tumutulong na sa mga pulis sa paglutas ng mga kaso. Dahil sa pagiging mausisa niya at sa pagksabik sa paglulutas ng mga kaso, simple man ito o mapanganib at kumplikado ay nalagay sa panganib ang buhay niya. Isang sindikato ang nahuli siya at sinubukang patayin sa pamamagitan ng pagpapainom ng isang gamot pero dahil hindi pa lubos napageexperimentuhan at napagaaralang mabuti ang gamot na ito ay may ibang naging epekto ito kay Shinichi. Sa di inaasahang pangyayari ang dating 17 na taong gulang na lalaki ay biglang naging 7 na taong gulang. Lumiit ang kanyang katawan at bumalik sa pagkabata ang kanyang itsura dahil sa nainom niyang gamot. Dahil sa pangyayaring ito ay kinailangan niyang magtago at magpalit ng katauhan upang hindi siya mahanap ng mga sindikato at dito na nabuhay ang bago niyang identidad, si Conan Edogawa. Dahil naging bata ang itsura ni Shinichi ay kinailangan niyang bumalik sa elementarya at dito niya nakilala ang tatlong bago niyang kaibigan. Nagkaroon din sila ng isang grupo kung saan lumulutas din sila ng mga kaso at tumutulong sa mga pulis, ang Detective Boys at sa tingin ko ay ito ang pinagkuhanan o naging inspirasyon ng tatlong bata upang buuin ang DBM.

Makikita na isang malaking kadahilanan ang pagiging bata ni Detective Conan kaya nahumaling sina Uno, Junior at Thirdy dito dahil nakakaugnay sila sa karakter ni Conan. Hinahangaan nila ito dahil kahit bata ang itsura nito ay nakakagawa ito ng paraan upang maging detective pa rin at makatulong lumutas ng mga kaso. Ngunit kung mas matatanda sila at malayo ang edad kay Conan ay baka hindi sila ganoong mahumaling dito.  Siguro ay maging fan pa rin sila pero mas hahanap sila ng ibang detective na iidolohin kung saan mas makakaugnay sila. Ilang halimbawa ng iba pang detective ay si Kogoro Akechi at Sherlock Holmes na mga karakter sa mga isinulat nina Rampo Edogawa o Tarō Hirai ang kanyang totoong pangalan at Sir Arthur Ignatius Conan Doyle. Kung mapapansin ay kinuha ang pangalang Conan Edogowa sa pangalan ng dalawang sikat na manunulat ng mga detective, crime at mystery fiction. 

Sa kuwento ni Detective Conan ay tinitingala ni Shinichi Kudo si Sherlock Holmes at tinuturing niya itong pinakadakila at mahusay na detektib sa buong mundo kahit alam niyang hindi ito totoo at isinulat lamang ni Sir Arthur Ignatius Conan Doyle.  Si Sherlock Holmes ay isang consulting detective kung saan hinihingian siya ng tulong ng mga pulis kapag may kakaiba o nakakapagtakang nangyari sa isang krimen. Meron din siyang kakaibang kakayahan o ang kanyang deductive skills na talagang hinahangaan ni Shinichi, kung saan kayang malaman ni Sherlock Holmes ang lahat tungkol sa isang tao sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa itsura nito, sa damit na suot, sa tindig, sa pananalita o kahit sa simpleng paglalarawan lang ng ibang tao. 

Maaaring sabihin na naging inspirasyon ng mga bata sa DBM si Detective Conan kaya kahit mga bata lang sila ay malakas at buo ang loob nila na lumutas ng mga kaso kahit kung misan ay delikado ito at naging inspirasyon naman ni Shinichi Kudo upang maging isang mahusay na detective ay si Sherlock Holmes. 

Tulad ng isang tunay na detektib ay dapat tinataglay niya ang ilan sa mga katangian nito. Una ang pagkakaroon ng mata para sa malalaki at maliliit na detalye at mahusay magmasid sa paligid. Isa rin ay ang mahasa ang kakayahan sa pangangatwiran at pagdadahilan. Kaakibat ng pag-oobserba ay ang pakikinig at pagbibigay pansin sa mga bagay bagay. Isa sa mga bagay na kinakailangan talaga ng isang detektib ay ang kaalaman nito sa paghahanap ng impormasyon sa iba’t ibang sanggunian. Matuto rin na parating magtanong ngunit pipiliin at pagiisapan munang mabuti ang mga itatanong. Ang isang importanteng bahagi din ng pagiging isang detektib ay ang pagtatala ng mga nakuhang impormasyon, mahalaga man ito o hindi gaano ay kailangan pa ring itala dahil lahat ng klase ng impormasyon ay importante at baka magamit ito sa hinaharap. Ang huli na kailangang tandaan at hindi dapat malimutan ay kailangang mag-ingat parati, gaano man kahalaga ang kasong nilulutas ay mas mahalaga pa rin ang buhay natin.

Maliban sa pagkahilig ng may akda kay Detective Conan ay malaki rin ang kagustuhan niyang magkuwento tungkol sa mga nangyari noon, particular noong panahon ng kanyang kabataan noong 90’s. Ginamit niya ang panahong ito upang ikuwento ang DBM kahit ang karamihan ng mga mambabasa niya ngayon ay marahil hindi ba nabubuhay o sobrang bata pa noon. Hindi naging hadlang sa awtor ang kaibahan ng panahon noon sa panahon ngayon sa pagsusulat, kahit walang gaanong teknolohiyang ginamit sa nobela ay hindi ito naging kahinaan kung hindi parang naging kalakasan pa. Hindi mo agad mapapansin na 90’s ang ginamit na panahon dahil hindi pilit ang lengguwaheng ginamit at natural lang ang mga dayalogo ng mga karakter kaya kahit ang mga bata ngayong panahon ang magbabasa nito ay siguradong makaka-ugnay pa rin sila sa kuwento.

Kung iisiping mabuti ay delikado para sa isang bata ang makialam at umusisa sa gawain ng mga pulis at mga mas propesyonal sa kanila pero sina Uno, Junior at Thirdy ay hindi huminto sa kagustuhan nilang maging katulad ni Detective Conan. Kahit ipinapakita nila ang dedikasyon nila ay di pa rin mawawala ang mga katangian ng pagiging bata nila. May mga tagpo na kahit matanda na silang mag-isip at mas may alam kaysa sa ibang bata ay matatapos pa rin ang araw na uuwi sila at babalik sa realidad kung saan ang tingin sa kanila ay isang ordinaryong bata lamang. Pinatunayan nila sa pagiging detektib na hindi lang sila ordinaryong bata, na may mga kakayahan din sila na makakatulong sa paglutas ng mga kaso at pagtuklas ng mga sagot sa kanilang mga katanungan. 

Ipinakita sa nobela ang unti-unting pag-usbong ng mga karakter at ang paglawak ng pangunawa nila. Sa umpisa ay ipinakita na agad ang pagiging mausisa ng mga bata hanggang sa dahan-dahan nang isinalaysay ang paghahanap nila ng mga ebidensiya at ang pagtatanong sa mga ka-baranggay nila. Kada araw ay may bago silang natutuklasan at natututunan na nagagamit nila hindi lang sa mga kasong nilulutas at pinagaaralan nila kung hindi pati sa mga sarili din nila. Kung sa una ay hindi pa ganun katapang at kabuo ang mga loob nila na seryosohin ang pagiging detektib, sa huli ay natutunan nilang hindi lang ang sarili ang isipin kung hindi pati rin ang ikabubuti at ikaliligtas ng lahat.

Tulad sa aking tesis na may paksang paglalakbay at pagtuklas, ipinakita ng mga bata ang pagiging sabik nila sa pagtuklas ng mga bagong kaalaman at kakaibang karanasan at nagagawa nila ito sa pamamagitan paglalakbay sa iba’t ibang lugar sa kanilang bayan upang maghanap at mangalap ng ebidensya o impormasyon. Dahil sa kanilang paglalakbay ay marami silang natuklasan, naranasan at mga nakasalamuha na noon lang nila nakita at nalaman. 

Ang Detective Boys of Masangkay: Ang Mangkukulam ay isang nobelang hindi lang pambata, kahit ang matatanda na isip bata o gusto lang balikan ang kanilang pagkabata ay pupuwedeng basahin ito. Ipinapakita ng nobelang ito na kahit sa murang edad lamang ay may mga maitutulong at maituturo ang mga bata sa ating bayan, na kahit simpleng mga bata lang sila ay may naiiba at natatangi silang katangian. Ang mga bata sa nobela ay mga batang sa una ay takot at hindi sigurado pero sa huli ay nagkaroon ng tiwala sa sarili at sinikap tapusin ang kanilang nasimulan ng may tapang at paninindigan. Mga bata man sila ay nakita na kaya nilang tumayo sa kanilang sariling paa at magdesisyon kahit walang payo mula sa mga nakakatanda dahil kung di pa sila kikilos ay walang mangyayari at baka mahuli pa ang lahat. Kahit delikado man ang kanilang ginagawa ay hindi nila ito alintana dahil mga detektib sila at ang tunay na detektib ay walang takot na tuklasin at isiwalat kung ano talagan ang totoo. 
Mga Sanggunian:

Sastrillo, B. (2016). Detective Boys of Masangkay: Ang Mangkukulam. Quezon City: Adarna House.

Zuq, X. (2016, September 1). Bernalyn Hapin Sastrillo. Sinipi mula sa 

http://xizuqsnook.com/?p=2593 

How to Be a Detective. (n.d.). Sinipi mula sa http://www.wikihow.com/Be-a-  Detective#Amateur_Detecting_sub 

Detective Conan. (2016, September 10). Sinipi mula sa  http://www.detectiveconanworld.com/wiki/Detective_Conan 

Gosho Aoyama. (2016, May 9). Sinipi mula sa  http://www.detectiveconanworld.com/wiki/Gosho_Aoyama 

Shinichi Kudo. (2016, September 18). Sinipi mula sa http://www.detectiveconanworld.com/wiki/Shinichi_Kudo 

Edogawa Rampo. (2015, August 29). Sinipi mula sa  http://www.detectiveconanworld.com/wiki/Edogawa_Rampo 

Sir Arthur Conan Doyle. (2011, September 29). Sinipi mula sa http://www.detectiveconanworld.com/wiki/Arthur_Conan_Doyle 

Sherlock Holmes. (2015, March 11). Sinipi mula sa  http://www.detectiveconanworld.com/wiki/Sherlock_Holmes 

Conan Edogawa. (2016, September 23). Sinipi mula sa http://www.detectiveconanworld.com/wiki/Conan_Edogawa 

Bata, bata, paano ka ginawa?

Kapag narinig mo ang genre na kuwentong pambata ay kakaunti lamang ang maiisip mo at mababanggit mong awtor na kilala rin ng karamihan, hindi katulad ng ibang genre tulad ng sanaysay, maikling kuwento o tula na halos lahat ng tao ay may kilalang awtor. Kung minsan ay hindi gaanong pinapahalagahan ang genre na ito dahil kakaunti lamang ang nagsusulat at nagbabasa ng mga kuwentong pambata. Ngayong nasa kolehiyo ko lang nakilala ang mga awtor ng mga kuwentong pambata na binabasa ko kahit noon ko pa nababsa ang mga aklat na sinulat nila. Isa sa mga awtor na iyon ay si Rene O. Villanueva.
Unang nakilala si Rene O. Villanueva sa pagsusulat ng dula at aksidente lamang daw ang pagkahilig niya sa pasusulat ng kuwentong pambata. Naging head writer din siya sa Batibot kung saan kinokonsidera niya itong isa sa naging malaking kontribusyon niya sa panitikan ng bata sa Pilipinas. Para sa kanya nakatulong ang pagiging mandudula niya sa pagsusulat ng kuwentong pambata dahil mas naging pamilyar siya sa kalidad ng wika at ang ibang aspeto nito. Ayon kay Rene O. Villanueva, ang isang kuwentong pambata daw ay dapat nakakatawa pero may kurot sa puso, kailangan nakakaantig o kaya naman ay may pagka-melodramatic.
(Sta. Romana Cruz, 2001, p. 33).
Isa sa mga kuwentong pambata ni Rene O. Villanueva na kasama ko simula noong bata pa ako ay ang kuwentong Ang Makapangyarihang Kyutiks ni Mama (2002). Ang kuwento ay tungkol sa isang bata na may nanay na manikurista at ang pagkukumpara niya sa nanay niya sa iang doktor. Akala ng bata na ang nanay niya ay isa ring doktor dahil sa tuwing may tumatawag sa nanay niya upang maglagay ng kyutiks ay malulungkot at matatamlay ang mga ito ngunit matapos silang lagyan ng kyutiks at sumasaya at sumisigla sila. Maaaring matagal pa bago malaman ng bata na hindi talaga doctor ang nanay niya pero ang ipinapakita sa kuwento ay ang paghanga ng bata sa kanyang ina at ang kagustuhan nitong tularan ang nanay niya paglaki, ang makapagpasaya ng ibang tao.
Hindi lantarang binabanggit sa akda ang mga aral na mapupulot sa aklat na ayon sa awtor ay dignity of labor, respect for women o mutual help among women kung hindi ay hinahayaan ng awtor na ang mismong bata o mambabasa ang tumuklas nito. Ang istilo ni Rene O. Villanueva ay nagpopokus muna siya sa pagbuo ng ideya o karakter sa kanyang utak. Binubuo muna niya ang karakter at saka niya iisipin kung ano ang hangarin nito sa kuwento na magsisilbing tema ng kanyang akda. Ayon sa kanya ang isang istorya ay hindi lang basta plot o character driven kung hindi ay may sinasabi talagang mahalagang bagay o aral lalo na sa mga bata.
(Sta Romana Cruz, 2001).
Para sa marami ang medisina at literatura ay dalawang sobrang magkaibang bagay at hindi puwede pagsamahin ang mundo nila. Para kay Dr. Luis Gatmaitan o mas kilala bilang Tito Dok ay sobrang daming pupuwedeng maikuwento tungkol sa medisina pero kakaunti lamang ang sumubok magsulat tungkol dito. Ang parating sagot ni Luis Gatmaitan sa mga nagtatanong sa kanya kung ano ang mas pipiliin niya ang medisina ba o ang literature ay bakit pa kailangan mamili sa dalawa kung puwede naman pagsamahin. Pinapaliwanag niya sa mga tao na kahit magkaiba ang mundo ng medisina at literature ay may espasyo pa rin sila na magtagpo sa gitna lalo kung pareho mong gusto ang ginagawa mo. Dahil sa pagiging doktor ni Luis Gatmaitan ay naging malaking tulong sa kanya ang mga naging karanasan niya dito upang makapagsulat ng magagandang kuwento at nabuhay na ang series niya ng mga aklat na pinamagatang Mga Kuwento ni Tito Dok. (Almario, 2011, p. 103).
Maraming magandang naisulat si Tito Dok at isa na dito ang kuwentong Ang Pambihirang Buhok ni Raquel (Adarna House, 1999). Ang kuwento ay base sa totoong buhay kung saan nagkaroon ng pasyenteng may leukemia si Gatmaitan. Ang pasyente niyang ito ay hindi masyadong inaalala ang kanyang sakit kung hindi ang mas ikinakabahala nito ay ang pagkawala ng kanyang buhok. Dahil sa pangyayaring ito ay agad nakaisip si Gatmaitan ng kuwento kung saan isinulat niya ang pagiging matapang ng bata at ang pagkakaroon ng lakas ng loob na harapin ang cancer. (Almario, 2011, p. 104) Nagustuhan ko ang lapit na ginawa ni Gatmaitan kung saan ginamit niya ang buhok ng bata na isang tool upang ipakita ang pagiging matapang ng bata na harapin ang sakit na kanser. Pinuno niya ng mga magaganda at detalyadong salita ang kuwento katuwang ng makukulay na guhit sa aklat upang mas maengganyo ang mga bata na basahin at intindihan ang kuwento.
Bilang isang doctor ay wala masyadong background sa pagsusulat si Luis Gatmaitan kaya naman ay nagbasa lang siya nang nagbasa. Ang istilo niya maliban sa kanyang mga karanasan sa pagiging doctor ay ang pagbabasa ng mga kuwentong pambata. Dalawang beses niyang binabasa ang isang aklat na nagustuhan niya. Sa unang pagbabasa niya ay in-eenjoy niya muna upang mabasa at malaman ang ending ng kuwento. Sa pangalawang pagbabasa niya ay maingat na niya itong ginagawa. Sinusuri na niya ang mga karakter, ang dialogue, ang lengguwaheng ginamit, inaaral na niya ang takbo ng kuwento. Sa ganitong paraan ay mas natuto siya at mas lumawak ang kaalaman niya sa pagsusulat ng kuwentong pambata. (Almario, 2011, p. 105).
Isa sa masasabi kong pinakanakaimpluwensiya sa aking pagbabasa at pagsusulat ng kuwentong pambata ay si Severino Reyes. Si Severino Reyes ay kilala sa tawag na Lola Basyang. Ang Mga Kuwento ni Lola Basyang ay isang serye na isinulat ni Severino Reyes na unang lumabas sa Liwayway noong 1925. Siya rin ng unang patnugot ng Liwayway noong itinatag ito noong 1923. Nakuha niya ang pangalang Lola Basyang mula sa kapitbahay na si Tandang Basyang o Gervacia de Guzman na pinagmulan ng mga kuwentong muling isinilaysay ni Severino Reyes para mabasa ng madla. Kung isinalaysay ni Severino Reyes noon ang mga kuwentong bayan at mga kuwento ni Tandang Basyang para sa mga mambabasa noon ay isinalaysay naman muli ni Christine Bellen ang mga kuwento niya para sa mga mambabasa sa panahon ngayon. (Bellen, 2016, p. 47)
Marami akong gustong kuwento na isinulat ni Severino Reyes na muling isinalaysay ni Christine Bellen pero ang kuwentong Rosamistica (Anvil Publishing, Inc, 2004) ang talagang tumatak sa akin. Nabasa ko ang isang rebyu na ginawa ng Doni Oliveros o mas kilala na K.D. Absolutely sa goodreads (“Goodreads,” 2013) at para sa kanya ang Rosamistica din ang pinakanagustuhan niyang kuwento sa mga kuwento ni Lola Basyang na muling isinalaysay ni Christine Bellen. Naantig daw talaga siya sa kuwento at kakaunting libro pa lang ang nagpaparamdam sa kanya ng ganoon. Nag-quote si Doni Oliveros ng isang linya sa bibliya na angkop para sa kuwento, “Blessed are the poor in spirit, for theirs is the kingdom of heaven” (Matthew 5:3). Ayon kay Doni ang balangkas ng kuwento ay hindi naman naiiba sa ibang mga librong pambata pero ang kabuuan ng akda ay talagang pinag-isipan mula sa mga salitang ginamit hanggang sa paraang ng pagguhit nito. Bago ko pa man mabasa ang rebuy ni Doni Oliveros ay parehas na kami ng naramdaman para sa libro, simple lang ang istorya pero may kurot sa puso. Mapabata man o matanda ay siguradong lalambot ang puso kapag nabasa ito. Hindi din nito direktang sinasabi ang aral na mapupulot sa kuwento dahil kusa nitong pinag-iisip ang mga mambabasa sa kung ano ang mensahe na gustong ipaabot ng awtor.
Panahon ng Kastila at Amerikano nabuhay si Severino Reyes kaya halos lahat ng akda niya ay patungkol sa mga karanasan ng mga Pilipino noong panahong iyon. Ginamit niya ang mga nakikita at nararanasan niya sa kanyang paligid bilang inspirasyon upang makapagsulat at makapagpasaya ng tao. Naging libangan ng mga tao noon ang pagbabasa kaya naman ang mga isinulat ni Severino Reyes ang isa sa mga paboritong basahin ng mga Pilipino noon. (Bellen, 2016, p. 50)
Ngayong nasa kolehiyo ako ay mas marami akong bagong manunulat na nakilala, isa na doon si MJ Tumamac o mas kilala sa tawag na Xi Zuq. Bahagi siya ng Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING) at ng Linangan sa Imhaen, Retorika at Anyo (LIRA). Sa ngayon ay may tatlong libro pa lamang si Xi Zuq at ito’y mga premyadong kuwentong pambata na kadalasan ay tumatalakay sa kuwento ng ating mga bayani.
Isa sa mga libro niya na talaga naming nagustuhan ko ay ang Pangkat Papaya (Adarna House, 2015). Ang libro niyang ito ay parang prequel sa kanyang unang aklat na Supremo (Adarna House, 2014) pero kahit hindi mo naman mabasa ang Supremo ay maiintindihan mo naman ang pangalawa niyang aklat. Ang Pangkat Papaya ay tungkol sa isang bata, si Andro at ang kanyang karanasan bilang isang grade 4 na estudyante kasama ang kanyang matalik na kaibigang si Miyo. Nag-umpisa ang kuwento sa isang secret code na nabasa ni Andro sa isang poster para sa club’s day ng paaralan nila. Umikot ang istorya sa paghahanap ni Andro ng sagot kung ano ang secret code na nabasa at sa pagharap niya sa pagsubok sa pagkakaibigan nila ni Miyo. Simple lang ang gustong sabihin ng kuwento, gusto nitong bigyang diin ang pakikipagkaibigan, ang pagiging tapat at ang pakikisama sa ibang tao.
Maganda ang istilong ginamit ni Xi Zuq sa kuwento. Isang talaarawan ang naging inspirasyon niya kaya kapag binasa mo ang libro ay parang nagbabasa ka lang ng diary ng isang bata. Makikita mo at mas maiintindihan ang takbo ng istorya dahil sa istilo niya. Ang mga dayalogo at lengguwaheng ginamit ng awtor ay talagang nakakaengganyong basahin at iisipin mong bata ang nagsulat. Hindi ito typical lang na kuwento ng isang bata tungkol sa karanasan niya sa paaralan, bagong bago ang approach ng akda at light lang ang pagkakakuwento kahit tumatalakay ito ng mga temang mabibigat na para sa mga bata. Masayang basahin ang kuwento at hindi ka agad maiinip, hindi lang para sa mga bata ang mga kuwento, para din ito sa lahat ng edad.
Ang pinakanakaimpluwensiyang manunulat sa akin sa ngayon ay si Edgar Calabia Samar. Iniidolo ko siya dahil sa murang edad ay marami na siyang nakamit sa buhay. Sa edad na 31 ay natapos na niya ang kanyang Ph. D. sa Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagtapos din siya ng AB Psychology sa Ateneo De Manila University at kumuha din ng MA sa Filipino sa parehong unibersidad. Nakapaglathala na din siya ng mga nobela at libro sa tula kung saan nakatanggap din siya ng iba’t ibang gantimpala. Karamihan sa mga isinulat niya ay may halong pantasya at may mga kakaibang pangyayari at nilalang na mahirap ipaliwanag. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit isa siya sa mga awtor na sinusubaybayan ko. (“Panitikan.com.ph,” n.d.)
Isa sa mga akda niya ay ang Si Janus Silang at ang Tiyanak ng Tabon (Adarna House, 2014). Isang young adult na nobela o nobela na nakasentro sa buhay ng isang kabataan. Ito ang unang young adult ni Egay at naging mapangahas siya sa pagpili ng tema dito. Umikot ang istorya sa pagkahumaling ni Janus, ang pangunahing tauhan, sa isang online game o ang TALA at ang pagkamatay ng mga kabataang naglalaro nito maliban sa kanya. Magkahalong takot at pananabik ang mararamdaman sa pagbabasa ng nobela at talagang mabibitin ka sa dulo kaya’t siguradong aabangan mo ang susunod na libro.
Ayon kay Doni Oliveros sa goodreads, para sa kanya may utak ang kuwento. May substance, may matinong plot, may mensahe. Binanggit din niya na malinis ang pagkakalahad ng mga pangyayari at interesante ang mga karakter (“Goodreads,” 2014). Mapapansing mahilig iinkorpora ni Edgar Samar sa mga alamat at mga nakakatakot o kagila-gilalas na mga nilalang tulad ng tiyanak ang ilan sa mga akda niya. Ayon sa isang panayam sa kanya sa blog na The Enigma of Herself (“The Enigma of Herself,” 2014) ay para sa kanya, ang pagbabalik niya sa mga tauhan ng ating mga alamat ay pagkilala na bukal sila ng pagpapakahulugan, at kung ehersisyo ng pagiging tao ang pagbibigay-kahulugan, ibig sabihi’y tinuturuan siya nitong magpakatao ng mga halimaw o mga nilalang na ito. Nabanggit din niya sa isang panayam naman sa blog na The Library Mistress (“The Library Mistress,” 2014) na marahil naging inspirasyon niya sa iba niyang akda na isa sa pinakahindi malilimutang kuwento niya noong bata siya ay na pinaglaruan umano siya ng tiyanak.
Isang napakamapanlikha at malikhaing tao ni Egay at makikita mo ito sa mga akda niya. Hindi siya natatakot na isulat ang mga nais niya at sa tingin niyang makatutulong at magugustuhan ng mga kabataan.
Hindi lang ang limang awtor na ito ang nakaimpkuwensiya sa akin kung hindi madami pa at siguradong madadagdagan pa sa paglipas ng panahon. Kung naimpluwensiyahan ako ng mga awtor na ito at ng kanilang mga akda ay nais ko ding makaimpluwensiya sa pamamagitan ng mga maisusulat kong akda sa paglipas ng panahon. Hinahangad kong mas dumami pa ang mga kuwentong pambatang mabasa ko sa hinaharap at dumami rin ang mga magsusulat para sa mga bata. Ang sabi nga ni Rene O. Villanueva, “Don’t just dream for yourself, dream big for the industry, for it to truly develop.” 


3M

Anim na taon na kaming naninirahan sa bahay na ito pero hindi kami ang unang tumira at nagpagawa nito. Ang mga unang tumira dito ay may negosyo na Anay/Pest Control kaya’t makikita sa labas ng bahay ang malaking karatula nila na 3M na inisyal ng pangalan ng dating may-ari at hanggang ngayon ay hindi pa namin tinatanggal. Dalawa ang dahilan kung bakit hindi pa rin namin tinatanggal, una dahil mahirap tanggalin at pangalawa dahil mayroon pa ring patuloy na kumukuha ng serbisyo nila at kami ang nagiging tulay para magkausap sila kaya’t kahit papaano ay may komisyon kaming nakukuha. Naging palatandaan na namin ang karatula na iyon sa mga bisitang pumupunta at madaling naaalala at nakikilala ang bahay namin sa mga tao sa aming subdivision.

Maliit. Malayo pa lang ay mapapansin na agad ang bahay namin. Halos ang mga nakapaligid ay mga naglalakihang mga bahay na may mga dalawa o tatlong palapag. Maliit ang bahay namin pero nakaangat naman ito ng mga tatlong talampakan para makaiwas sa tubig baha. Walang bahay sa tapat namin at magkabilang gilid kaya’t parang solo namin ang kalsada. Madalang ang mga dumadaang sasakyan kaya’t tahimik dito sa amin maliban na lang kapag may bagong bahay na ginagawa sa malapit o di kaya’y tinatabas ang damo sa paligid o kapag may nagvivideoke na malapit sa amin. Maliit lang ang bahay namin hindi katulad ng mga naging bahay namin noon kaya naman nakakapanibago noong lumipat kami dito, maliit, masikip at madalas mainit. Pero sabi nga nila huwag husgahan ang isang tao o bagay sa panlabas nitong anyo dahil kung ano ang kinaliit  at kinasikip nito sa labas ay ganoon naman ang kinaaliwalas nito sa loob.

Maaliwalas. Pagpasok pa lang sa tarangkahan namin ay agad makikita sa may bandang kanan ang malaking garahe namin na kasya ang dalawang sasakyan. Pero dahil wala kaming sasakyan ay may duyan na nakasabit sa garahe, nakatali sa poste ng beranda at sa may bakod namin. May maliit na beranda bago makapasok ng bahay namin, mga tatlong hakbang ang taas. Sa kaliwang bahagi naman ng aming bahay ay ang aming hardin, maliit pero puno ng halaman. Mayroon kaming tanim na kalamansi, guyabano at sili pero sa paglipas ng panahon ay kalamansi na lang ang natira. Sa may dulo ng aming hardin ay may daanan papunta sa aming dirty kitchen kung saan may pinto papunta sa main kitchen ng aming bahay. Sa may dirty kitchen din makikita ang mesa na kinakainan namin kapag marami kami sa bahay o kapag may mga bisita pero madalas ay sa sala lang kami kumakain. Sa may garahe ay may pinto rin papunta sa main kitchen ng aming bahay. Kung titingnan mula sa itaas ay makikita ang aming bahay sa gitna, sa kaliwa ang hardin at sa kanan naman ang garahe kung saan parehong may daan papunta sa kusina sa loob ng bahay. Halos magkatapat lang ang dalawang pinto sa may main kitchen namin kaya lusutan ang hangin na pumapasok at masarap tumambay doon lalo kapag hapon.

Makulay. Isa sa ikinatuwa ko noong lumipat kami dito ay ang pagiging makulay ng mga pader ng mga silid. Kung dadaan ka sa harap ng bahay sa may beranda ay bubungad agad ang aming sala. Kakaiba ang kisame sa sala, maganda ang disenyo at parang binigyang pansin ang paglalagyan ng ilaw. Hindi ko matatawag na chandelier ang ilaw namin pero ang disenyo nito ay parang malalaking dahon at ang bumbilya ang pinakabulaklak sa gitna. Kulay dilaw ang pader sa sala at kapansin-pansin din ang kulay berde at dilaw at malapalasyo naming kurtina na iniwan ng dating nakatira dito. Nasa kaliwang bahagi ang dalawang silid. Ang unang silid ay ang kuwarto naming magkapatid at ang loob naman ay kulay asul, pati ang kurtina na katulad ng sa sala ay asul din. Ang sumunod naman na silid ay ang kuwarto ng dalawa naming kasambahay, kulay berde ang pader at ang kurtina. Mas maliit ng kaunti ang pangalawang silid pero mas marami ang gamit sa silid naming magkapatid. Pagkatapos ng sala ay may maliit na daanan sa may kaliwa papunta sa aming kusina pero bago dumating doon ay makikita muna ang banyo sa may kanan. Bale ang banyo namin ang nasa pagitan at naghihiwalay sa sala at sa kusina. Ang huling bahagi ng aming bahay ay ang kusina, kulay berde ang kusina tulad ng sa isang silid. Sa dirty kitchen nagluluto at hindi sa main kitchen ng aming bahay, dito lang hinahanda ang mga lulutuin at kakainin namin.

Ang bahay na ito ang pangatlong bahay na nilipatan namin. Bawat paglisan at paglipat ay malungkot at mahirap sa umpisa pero kapag tumagal ay masasanay ka na rin. Kapag naglilipat kami, maraming bagay ang nawawala, marami rin ang bagong dumadating. Sa ngayon ang ibang gamit namin na hindi maipasok sa loob ng bahay ay kung hindi nasa dirty kitchen ay nasa may garahe lang namin at nakalagay sa mga kahon. Medyo masikip sa bahay namin pero masaya naman. Mas gugustuhin ko na ganito kaysa sa maluwag nga pero may malaking espasyo naman na naglalayo sa aming lahat.

August 14, 2015 | 10am-11am

Sinabi ko kahapon kung gaano kainit ang panahon pero mukhang tatalunin nito ang init kanina. Nakadagdag pa sa init ang traffic dahil sa ginagawang fly over sa crossing at parang gusto kong bumaba na lang at mabuhusan ng malamig na tubig. Pagkarating ko sa bayan ay napansin kong marami ang tao kumpara noong nakaraang mga araw. Hindi ko alam kung anong meron pero karamihan ay mga estudyante, may mga hayskul at mayroong ding kolehiyo. Dumiretso na ako sa nagbebenta ng dyaryo at bumili ng Philippine Star. Pagkabayad  ko sa dyaryo ay tinanong ako ng ale kung gusto ko raw bang ilagay sa plastik ang dyaryo. Kung kahapon ay sobrang abala at aligaga niya at mainit ang ulo dahil sa batang namamalimos, ngayon ay maaliwalas at masaya ang itsura nito. Marami nga talagang puwede at hindi puwedeng mangyari sa loob ng isang araw.

August 13, 2015 | 10am-11am

Kung gaano kalakas ang buhos ng ulan kahapon ay ganoon naman ang init ng araw ngayon. Bumili ulit ako ng dyaryo sa bayan at naisip kong doon naman sa matandang lalaki bumili para maiba naman at saka doon talaga kami bumibili ng dyaryo dati. Pagdating ko doon ay nahuli na ata ako at paubos na ang mga dyaryo niya at wala na ang dyaryong binibili ko kaya balik ako sa aleng pinagbilhan ko kahapon. Napansin ko na marami pa ang bentang dyaryo ng ale kumpara sa matandang nagbebenta na hindi naman gaanong malayo sa kanya. Pagkabigay ko ng bayad sa ale ay may lumapit sa aking bata at naghihingi ng barya. Bibigyan ko na sana siya kaso pinigilan ako ng ale dahil mamimihasa lang daw ito. Makulit ang bata at aabutan ko na talaga sana kahit dos lang pero mapilit ang ale na huwag ko ito bibigyan at pinangaralan pa ang bata na imbis na nanlilimos ay dapat nag-aaral na lamang ito. Umalis ang bata habang paulit-ulit na tinatawag na epal ang ale. Ngayon ay umuwi ako na parang nabasa ulit, hindi dahil sa ulan kung hindi sa sarili kong pawis. Nakakaloka.

August 12, 2015 | 10am-11am

Naisipan kong bumili ng dyaryo at liwayway ngayong araw sa kapitolyo pero naubusan na ako kaya naman dumiretso na ko sa bayan para doon bumili kaysa umuwi ako ng walang nabili, sayang ang pamasahe. Makulimlim na nang umalis ako sa bahay at alam kong malapit ng umulan, padilim ng padilim ang mga ulap lalo nang dumating ako sa bayan. Pumunta agad ako sa nagbebenta ng dyaryo at sakto ang dating ko dahil iisa na lang ang natitirang kopya ng Liwayway, medyo lukot na at parang may nauna ng magbasa. Malamig ang simoy ng hangin kaya bago umuwi ay naglakad-lakad muna ako at pinagmasdan ang paligid. Ang mga tindero at tinder ay abala sa pagtatakip ng mga paninda nila ng plastik, paghahanda sa paparating na ulan. Umabot ako hanggang sa may Julie’s Bakeshop bago ko naisipang maglakad na pabalik at napansin kong nagmamadali na sa pag-aayos ng mga paninda ang mga tindero’t tindera. Maya-maya pa’y bumuhos na ang malakas na ulan. “Ayan na, ayan na!” sigaw ng ale at nagtakbuhan na nga ang mga kaninang naglalakad lang. Kanya-kanyang bukas ng payong ang iba at isa na ako doon at iniisip ko kung bakit hindi ko inagahan ang gising ko. Ang iba’y sumilong muna at hinihintay ang pagtila ng ulan.

Isang nakakabilib sa mga nagtitinda ay kahit malakas ang buhos ng ulan ay patuloy pa rin sila sa pagbebenta. Ganoon pa rin ang mga itsura nila, malungkot at umiiyak man ang langit ay hindi nawala ang saya at sigla nila, tuloy pa rin ang trabaho, tuloy lang ang buhay. Naalala ko kanina habang nakasakay na ako ng jeep ay may nakita akong isang batang nakasandal sa pader at nalilgo sa tubig ulan na nanggagaling mula sa alulod habang nakangiti sa akin. Naisip ko na kung gaano kainis ang iba dahil sa ulan ay ganoon naman kasaya ang ilan. Gusto ko pa sana kuhanan ng litrato ang bata kaso umandar na ang sinasakyan ko ng jeep. Napansin kong puro putik na ang paa ko at lilinisin ko pa sana pero hindi ko na tinuloy. Mababasa lang naman ulit ang paa ko pagbaba ko ng jeep saka ngayon na lang ulit nagyari ‘to at nag-enjoy naman ako