Manika

May hawak hawak siyang isang manika, maputi ang balat, maikli at itim ang buhok, may suot na puting damit at may pilit na ngiti. Hinihimas himas niya ang manika at kinakausap. Unti-unting may luhang tutulo sa kanyang mga mata, pupunasan niya ito at biglang tatawa mag-isa. Iaangat niya ang manika at kukunin ang karayom sa tabi niya. Ngumiti siya dahil ang mga problema niya ay magwawakas na. Hindi na niya mararamdam ang pangungulila, pagkabigo, pagkainggit at lahat ng sakit na dulot ng mga tao sa kanyang paligid. Hindi na siya magiging sunod-sunuran sa gusto ng iba at paulit-ulit na paglalaruan. Dahan-dahan at nanginginig niyang ilalapit ang karayom sa manika at itatapat sa puso nito. Huminga siya ng malalim. Mabilis niyang ibinaon sa dibdib ang karayom. Nabitawan niya ang manika at ito’y nalaglag. Napahawak siya sa kanyang dibdib. Nahihirapan na siyang huminga. Nahiga siya’t pumikit na may mga payapang ngiti sa labi. Tapos na, wala na siyang problema, tinakasan na niya. 

8 and ½ minutes

Sandali lang naman, hindi naman ako magtatagal. Gusto ko lang maranasan kung paano maging malaya, kung paano hindi sumunod sa nararapat gawin at piliing sundin ang sarili kong nais. Wala naman sigurong magbabago, siguro. Malapit nang magtakipsilim at tapos na naman ang trabaho ko pero para sa iba’y maguumpisa pa lang ako. Ano kayang mangyayari kung tuluyan nga talaga akong maglaho?

Unti-unti akong lumalayo, unti-unting  humihiwalay sa kanilang lahat. Sa aking sandaling paglisan ay parang walang nangyari. Isang minuto. Wala pa ring nakakapansin. Tatlong minuto. Inakala nilang karaniwan lang ang nangyayari. Apat na minuto.  Pakiramdam ko ay isa akong isdang natutong lumipad. Nakawala sa taling hindi alam kung kalian mapipigtas. Anim na minuto. Nagtataka na sila at marami na ang natatakot habang ang iba’y walang kaalamalam sa nangyayari. Babalik pa ba ako? Hahayaan ko bang tuluyang yakapin ng kadiliman ang mundong aking minahal at inalagaan? Papanuorin ko na lang bang balutin sa takot at manigas sa lamig ang mga tao? Pitong minuto. Kaunti na lang at malalaman na nilang wala na silang liwanag na masisilayan. Na wala silang magagawa kundi maghanap ng alternatibong paraan upang mabuhay.

Sa buong buhay ko wala akong ginusto kung hindi malaman kung ano ang pakiramdam na mahiwalay sa nakasanayang buhay. Ang hindi maging sentro ng lahat at subukang mapag-isa. Pero kung minsan kailangan din nating isipin ang magiging epekto ng ating gagawin sa iba. Na sadyang may mga tao at bagay na hindi mabubuhay kapag nawala ka.

Ilang segundo na lang at kakainin na ng kadiliman ang lahat. Na sa bawat araw na magigising sila ay tila walang kabuhay-buhay at kasigla-sigla. Sampung Segundo na lang at nakapagdesisyon na ako. Wala namang masama kung pagbigyan mo ang sarili mong maging masaya, na kahit isang beses man lang ay nakagawa ka ng isang bagay na akala mo’y hindi mo magagawa.

Walo’t kalahating minuto ang nagdaaan at ang kalahati ng mundo’y hindi binisita ng sikat ng araw. Walo’t kalahating minuto lang at ang sikat niya’y hindi na maaaninag kailanman. Hindi na siguro.

dagli

(photo of Jay Salvador)