ANONG MERON SA ITAAS?

Nakahiga na ako sa kama at inaayos ko na ang aking kumot. Pumikit na ako at hinihintay ko na lang na dalawin ako ng antok nang tawagin ako ni Papa.

Pinakukuha ni Papa ang salamin niya na naiwan niya sa may kusina. Ayoko pa tumayo at sinabing bukas na lang niya kunin dahil inaantok na rin ako.

“Nagtext ang Tito mo, kailangan kong mabasa, sige na kunin mo na. Nasa may lamesa sa kusina.”

“Ako na lang po ang magbabasa.”

“Wag na, masyadong mahaba. Naduduwag ka na namang bata ka, walang duwag na lalaki Enrico! Ang laki-laki mo na eh!”

“Opo ay hindi po ay opo, opo lalabas na po.” Umiling na lang si Papa.

Wala na akong nagawa kung hindi tumayo at lumabas. Naisip ko na wag na buksan ang ilaw dahil malayo ang switch. Ang plano ko ay agad tumakbo sa kusina at tumakbo pabalik sa kuwarto. Sampung taon na akong nakatira sa bahay na ito pero hanggang ngayon ay naduduwag pa rin ako kapag gabi na, lalo na at kung mag-isa. Kuwento sa akin ng mga magulang ko na 1930 pa daw ang bahay namin na ito, dito na din tumira at namatay ang ilan sa mga ninuno ko at hindi naman itinatanggi ng mga magulang ko at iba pa naming kasama sa bahay na may nagpaparamdam nga daw minsan, umaga man o gabi.

Papasok na ko sa kuwarto nang may maramdaman akong malamig na hangin. Pagtingin ko sa may bintana sa tabi ng altar namin ay nakabukas ang bintana. Hindi ko alam kung isasara ko ba o hahayaan na lang pero siguradong makokonsensiya ako kapag iniwan kong nakabukas. Inaatake na naman ako ng kaduwagan. Simpleng pagsara lang ng bintana hindi ko magawa.

“Enrico, bintana lang ‘yan, bintana lang ‘yan!” Isinabit ko muna ang salamin ni Papa sa damit ko at dumiretso ako sa may bintana. Bago ko tuluyang maisara ay may narinig akong kaluskos sa labas at may naaninag akong anino. Sa sobrang kaba ay bigla kong naisara ang bintana at agad tumalikod.

“Ahhh!”

“Enrico!”

“Sorry, Pa, sorry.”

“Gabing-gabi na ang ingay-ingay mo pa.”

“Kasi po, ano po kasi, may…”

“Nako, matulog ka na, akin na pala yung salamin ko.”

Hindi ko na nasabi kay Papa yung nakita ko at hinayaan ko na lang. Pumasok na kami sa kuwarto at natulog na ako. Isang linggo na ang nakaraan at nakalimutan ko na din ang nakita ko sa bintana.

Isang umaga ay nagising ako dahil sa ingay sa may sala. Bumangon ako at sinilip kung sino ang mga tao sa labas.

“Enrico, gising ka na pala! Andito ang Tita at mga pinsan mo,” bungad ni Papa sa akin

“Ang laki-laki mo na pala Enrico!”

Nagmano ako kay Tita.

“Dito muna titira ang Tita at mga pinsan mo habang pinapaayos nila ang bahay nila. Sa may taas sila titira kaya kailangan natin mag-general cleaning.

Kung kanina inaantok pa ko ay bigla akong nagising sa sinabi ni Papa. Sa taas? Maglilinis?

“Eh, Pa may gagawin kasi ako eh, may project kasi-“

“Nako, Enrico tigilan mo ko sa mga palusot mo, naduduwag ka na naman. Kalalaki mong tao eh.”

Dumiretso na ako sa banyo upang maghilamos. Kailangan ko makaisip ng paraan para hindi makasama sa paglilinis. Maglilinis ako kahit saan, ‘wag lang sa itaas.

Kinabukasan ay wala akong nagawa kung hindi sumunod kay Papa, naisip ko na kung bibilisan ko ay maaga kami matatapos sa paglilinis at marami naman kami dahil kasama namin ang mga pinsan ko.

“Enrico, bilisan mo diyan, andun na sa taas mga pinsan mo, tulungan mo na sila, susunod ako. Iakyat mo na pala yung walis.”

“Opo.”

Naisip ko na matatapos kami agad dahil marami kami at siguradong walang kung anong nakakatakot sa itaas dahil umaga pa naman at marami akong kasama.

“O, andito na pala yung pinakamatapang nating pinsan!” nagtawanan ang mga pinsan kong sina Alex, Benjie at Chris pero hindi ko na sila pinansin, at sinimulan nang maglinis.

Maya-maya pa ay biglang tumahimik, nakakapagtaka dahil maingay na nagkukuwentuhan ang mga pinsan ko. Hinanap ko sila at biglang may nalaglag na karton sa gilid na nagpagulat sa akin. Pumunta ako sa isang kuwarto pero wala sila, kahit sa banyo. Bumalik ako sa may sala at wala pa rin. Pumunta ako sa kusina at sumilip. Biglang may narinig akong yabag sa likod ko kaya napalingon ako.

“Aaahhh!”

Muntik na ko himatayin at maihi sa kaba. Tawa nang tawa ang mga pinsan ko dahil sa panggugulat nila sa akin. Nagtago pala sila sa likuran ng salamin at sa patung-patong na kahon .

“O, naihi ka pa sa sobrang takot!” napatingin ako sa sahig at napansing kumalat na ang tubig sa hawak kong mop. Umiling na lang ako at hindi sila pinansin.

“Tama na yang tawanan, tapusin niyo na ‘yan, magdidilim na, hindi ko pa nakakabit yung bumbilya.” Tinapik ako ni Papa sa likod. May hawak siyang bumbilya. ‘Di ko namalayan ang pagdating niya.

Alas singko y medya na at dumidilim na din. Isa-isa nang iniipon ng mga pinsan ko ang mga kalat at tinatapon sa basurahan sa baba. Matatapos na rin ako maglampaso ng sahig. Hindi ko namalayang kaming dalawa na lang pala ni Papa ang nandito at nasa ibaba na ang mga pinsan ko.

“Bukas kahit wag ka na tumulong, magpahinga ka na lang, may pasok ka na rin naman sa Lunes.”

“Sige po, Pa.”

“Sige na tapusin mo na ‘yan para makapagpahinga ka na kasama ng mga pinsan mo.”

“Malapit naman na po ako matapos, ibababa ko na rin po yung mga basura.”

Bababa na san ako nang humahangos na lumapit si Benjie at mukhang seryoso siya.

“Tito, nasa baba po si Aling Cora, yung kapitbahay niyo, nanakawan daw po sila kanina lang.”

“Kaninang umaga sabi niya parang may narinig siyang kaluskos sa may likuran ng bahay niya kagabi. Sige bababa ako. Enrico dito ka muna, bilisin mo na diyan, dumidilim na, di ko pa nakakabit yung bumbilya.”

“Ok lang po ako Pa, kaya ko naman,” pagmamayabang ko, baka lokohin na naman kasi ako ng mga pinsan ko.

Bumaba na si Papa at ang pinsan ko. Ako na lang ang naiwan. Tiningnan ko ang buong paligid at napansin kong mas maaliwalas na ito ngayon kumpara noong una na parang isang haunted house. Palubog na ang araw at dumidilim na nga talaga. Parang maling nagpaiwan ako dito. Nagmadali akong maglinis.

“Bilisan mo Enrico, kaya mo yan. Kaunti na lang. Wag ka matakot, walang multo. Kung meron man mga Lolo at Lola mo naman sila. Mababait sila.” Kanina ko pa kinakausap ang sarili ko para kumalma pero parang di epektibo.

Bawat minutong lumilipas ay palamig din nang palamig ang ihip ng hangin. Pakiramdam ko ay maraming kaluluwa ang nakapaligid sa akin at pinapanood ako.

Itinabi ko na ang mop at kinuha na ang plastic ng basura upang ibaba.

“Sa wakas!”

Lalabas na sana ko nang mapatingin ako sa may malaking picture frame. Ang litrato ng Lolo at Lola ko noong kasal nila. Naalala ko ang kuwento sa akin ng Mama ko noong namatay ang Lolo dito sa itaas. Nasa baba ako noon, naiwan ako dahil nasa tabi ni Lolo sina Mama at Papa. Pagkababa ni Mama upang tingnan ako ay nagulat siyang nasa sulok ako at nanginig at naihi pa sa salawal. Sinasabi nina Mama na niyakap daw ako ng kaluluwa ni Lolo kaya nangyari sa akin ‘yun. Natawa lang ako sa kuwento ni Mama dahil masyado pa akong maliit noon para maalala ang nangyari pero sa tingin ko’y maaari ngang mangyari yun lalo na sa itsura ng bahay namin na nakakatakot  at nakakapanginig din minsan lalo kapag gabi.

Takot akong tumingin noon sa mga lumang litrato lalo na ang mga tulad nito pero ngayon ay wala akong takot na naramdaman. Tinitigan ko ang litrato na para bang ngayon ko lang ito nakita. ‘Di ko inaasahang nakaramdam ako ng pagkaginaw na parang may yumakap sa akin. Napatingin ako sa bukas na bintana.

Naalala ko ang nakita kong anino kagabi at bumalik ang takot ko.

“Ano bang meron sa mga bintana dito.” Sumilip ako at kita ang mga likod ng mga bahay ng kapitbahay namin. Kung tutuusin pupuwede nga akong makapasok sa bahay nina Aling Cora mula sa may gilid ng bahay namin. Sobrang dikit ng terrace nila sa may bahay namin kaya pwede ring gawing shortcut papunta sa kanila o dito sa amin. At bigla kong naalala ang nagnakaw kina Aling Cora.

“Hindi kaya? Maaaring ang aninong nakita ko at ang narinig ni Aling Cora na kaluskos kagabi ay ang sa magnanakaw!” Naisip ko nab aka nagmamatyag ito kagabi at kinakabisado ang kanyang dadaanan. Kinabahan ako sa naisip ko kaya isasara ko na dapat ang bintana nang may napansin akong anino. Nagulat at napaatras ako pero nang mapansin kong may mga dala-dala silang mga gamit ay alam ko na agad ang gagawin ko.

Agad akong bumaba at tumakbo papunta sa sala. Nasa sala namin si Aling Cora na may kasamang mga tanod.

“Pa, yung magnanakaw, nakita ko, dumadaan sila sa likod ng bahay ni Aling Cora at dito sa gilid ng bahay natin dumadaan palabas. Andun sila Pa.” Itinuro ko ang gilid ng bahay namin.

Kumuha ng mga pamalo sina Papa at ang mga pinsan ko at kasabay nilang lumabas ang mga tanod. Nakasunod lang ako sa likuran nila. Naisip ko na kaya siguro ginagawang daanan ng mga magnanakaw ang gilid ng bahay namin ay dahil walang makakakita sa kanila at madalas maraming nakikidaan sa bahay namin dahil puwede itong gawing lusutan papunta sa looban ng barangay na nasa likuran lang ng bahay namin.

Nahuli na ang mga magnanakaw at tuwang tuwa si Aling Cora. Parati na daw niyang ikakandado ang daanan sa likod ng bahay nila upang hindi na sila manakawan. Palalagyan na rin naming ng ilaw ang gilid ng bahay namin. Nagdesisyon na rin si Papa na mga kilala na lamang namin ang papayagan niyang makalabas pasok sa gate.

“Maraming-maraming salamat sa’yo Enrico, nako kung hindi mo sila nakita eh baka nakatakas na naman sila.” Sabi ni Aling Cora sa akin.

“Aba, matapang naman pala ‘tong pinsan natin eh! Akala ko babakla bakla.” pang-aasar ng mga pinsan ko.

“Lalaki ako no! Saka di porket naduduwag ay bakla na agad. Sigurado namang may kinatatakutan din kayo eh!”

“O, kalma lang pinsan. Ito naman, binibiro ka lang namin. Mukhang sa’yo kami matatakot eh.”

Nagtawanan kaming lahat at simula noon ay hindi na ko natatakot pumunta sa itaas. Maliban na lang kung wala akong kasama at kung gabi na. Duwag pa rin naman ako at takot sa maraming bagay pero hindi ibig sabihin nun ay titigil na ko sa pagtulong sa iba at paggawa ng tama.

Advertisements

Bata, bata, paano ka ginawa?

Kapag narinig mo ang genre na kuwentong pambata ay kakaunti lamang ang maiisip mo at mababanggit mong awtor na kilala rin ng karamihan, hindi katulad ng ibang genre tulad ng sanaysay, maikling kuwento o tula na halos lahat ng tao ay may kilalang awtor. Kung minsan ay hindi gaanong pinapahalagahan ang genre na ito dahil kakaunti lamang ang nagsusulat at nagbabasa ng mga kuwentong pambata. Ngayong nasa kolehiyo ko lang nakilala ang mga awtor ng mga kuwentong pambata na binabasa ko kahit noon ko pa nababsa ang mga aklat na sinulat nila. Isa sa mga awtor na iyon ay si Rene O. Villanueva.
Unang nakilala si Rene O. Villanueva sa pagsusulat ng dula at aksidente lamang daw ang pagkahilig niya sa pasusulat ng kuwentong pambata. Naging head writer din siya sa Batibot kung saan kinokonsidera niya itong isa sa naging malaking kontribusyon niya sa panitikan ng bata sa Pilipinas. Para sa kanya nakatulong ang pagiging mandudula niya sa pagsusulat ng kuwentong pambata dahil mas naging pamilyar siya sa kalidad ng wika at ang ibang aspeto nito. Ayon kay Rene O. Villanueva, ang isang kuwentong pambata daw ay dapat nakakatawa pero may kurot sa puso, kailangan nakakaantig o kaya naman ay may pagka-melodramatic.
(Sta. Romana Cruz, 2001, p. 33).
Isa sa mga kuwentong pambata ni Rene O. Villanueva na kasama ko simula noong bata pa ako ay ang kuwentong Ang Makapangyarihang Kyutiks ni Mama (2002). Ang kuwento ay tungkol sa isang bata na may nanay na manikurista at ang pagkukumpara niya sa nanay niya sa iang doktor. Akala ng bata na ang nanay niya ay isa ring doktor dahil sa tuwing may tumatawag sa nanay niya upang maglagay ng kyutiks ay malulungkot at matatamlay ang mga ito ngunit matapos silang lagyan ng kyutiks at sumasaya at sumisigla sila. Maaaring matagal pa bago malaman ng bata na hindi talaga doctor ang nanay niya pero ang ipinapakita sa kuwento ay ang paghanga ng bata sa kanyang ina at ang kagustuhan nitong tularan ang nanay niya paglaki, ang makapagpasaya ng ibang tao.
Hindi lantarang binabanggit sa akda ang mga aral na mapupulot sa aklat na ayon sa awtor ay dignity of labor, respect for women o mutual help among women kung hindi ay hinahayaan ng awtor na ang mismong bata o mambabasa ang tumuklas nito. Ang istilo ni Rene O. Villanueva ay nagpopokus muna siya sa pagbuo ng ideya o karakter sa kanyang utak. Binubuo muna niya ang karakter at saka niya iisipin kung ano ang hangarin nito sa kuwento na magsisilbing tema ng kanyang akda. Ayon sa kanya ang isang istorya ay hindi lang basta plot o character driven kung hindi ay may sinasabi talagang mahalagang bagay o aral lalo na sa mga bata.
(Sta Romana Cruz, 2001).
Para sa marami ang medisina at literatura ay dalawang sobrang magkaibang bagay at hindi puwede pagsamahin ang mundo nila. Para kay Dr. Luis Gatmaitan o mas kilala bilang Tito Dok ay sobrang daming pupuwedeng maikuwento tungkol sa medisina pero kakaunti lamang ang sumubok magsulat tungkol dito. Ang parating sagot ni Luis Gatmaitan sa mga nagtatanong sa kanya kung ano ang mas pipiliin niya ang medisina ba o ang literature ay bakit pa kailangan mamili sa dalawa kung puwede naman pagsamahin. Pinapaliwanag niya sa mga tao na kahit magkaiba ang mundo ng medisina at literature ay may espasyo pa rin sila na magtagpo sa gitna lalo kung pareho mong gusto ang ginagawa mo. Dahil sa pagiging doktor ni Luis Gatmaitan ay naging malaking tulong sa kanya ang mga naging karanasan niya dito upang makapagsulat ng magagandang kuwento at nabuhay na ang series niya ng mga aklat na pinamagatang Mga Kuwento ni Tito Dok. (Almario, 2011, p. 103).
Maraming magandang naisulat si Tito Dok at isa na dito ang kuwentong Ang Pambihirang Buhok ni Raquel (Adarna House, 1999). Ang kuwento ay base sa totoong buhay kung saan nagkaroon ng pasyenteng may leukemia si Gatmaitan. Ang pasyente niyang ito ay hindi masyadong inaalala ang kanyang sakit kung hindi ang mas ikinakabahala nito ay ang pagkawala ng kanyang buhok. Dahil sa pangyayaring ito ay agad nakaisip si Gatmaitan ng kuwento kung saan isinulat niya ang pagiging matapang ng bata at ang pagkakaroon ng lakas ng loob na harapin ang cancer. (Almario, 2011, p. 104) Nagustuhan ko ang lapit na ginawa ni Gatmaitan kung saan ginamit niya ang buhok ng bata na isang tool upang ipakita ang pagiging matapang ng bata na harapin ang sakit na kanser. Pinuno niya ng mga magaganda at detalyadong salita ang kuwento katuwang ng makukulay na guhit sa aklat upang mas maengganyo ang mga bata na basahin at intindihan ang kuwento.
Bilang isang doctor ay wala masyadong background sa pagsusulat si Luis Gatmaitan kaya naman ay nagbasa lang siya nang nagbasa. Ang istilo niya maliban sa kanyang mga karanasan sa pagiging doctor ay ang pagbabasa ng mga kuwentong pambata. Dalawang beses niyang binabasa ang isang aklat na nagustuhan niya. Sa unang pagbabasa niya ay in-eenjoy niya muna upang mabasa at malaman ang ending ng kuwento. Sa pangalawang pagbabasa niya ay maingat na niya itong ginagawa. Sinusuri na niya ang mga karakter, ang dialogue, ang lengguwaheng ginamit, inaaral na niya ang takbo ng kuwento. Sa ganitong paraan ay mas natuto siya at mas lumawak ang kaalaman niya sa pagsusulat ng kuwentong pambata. (Almario, 2011, p. 105).
Isa sa masasabi kong pinakanakaimpluwensiya sa aking pagbabasa at pagsusulat ng kuwentong pambata ay si Severino Reyes. Si Severino Reyes ay kilala sa tawag na Lola Basyang. Ang Mga Kuwento ni Lola Basyang ay isang serye na isinulat ni Severino Reyes na unang lumabas sa Liwayway noong 1925. Siya rin ng unang patnugot ng Liwayway noong itinatag ito noong 1923. Nakuha niya ang pangalang Lola Basyang mula sa kapitbahay na si Tandang Basyang o Gervacia de Guzman na pinagmulan ng mga kuwentong muling isinilaysay ni Severino Reyes para mabasa ng madla. Kung isinalaysay ni Severino Reyes noon ang mga kuwentong bayan at mga kuwento ni Tandang Basyang para sa mga mambabasa noon ay isinalaysay naman muli ni Christine Bellen ang mga kuwento niya para sa mga mambabasa sa panahon ngayon. (Bellen, 2016, p. 47)
Marami akong gustong kuwento na isinulat ni Severino Reyes na muling isinalaysay ni Christine Bellen pero ang kuwentong Rosamistica (Anvil Publishing, Inc, 2004) ang talagang tumatak sa akin. Nabasa ko ang isang rebyu na ginawa ng Doni Oliveros o mas kilala na K.D. Absolutely sa goodreads (“Goodreads,” 2013) at para sa kanya ang Rosamistica din ang pinakanagustuhan niyang kuwento sa mga kuwento ni Lola Basyang na muling isinalaysay ni Christine Bellen. Naantig daw talaga siya sa kuwento at kakaunting libro pa lang ang nagpaparamdam sa kanya ng ganoon. Nag-quote si Doni Oliveros ng isang linya sa bibliya na angkop para sa kuwento, “Blessed are the poor in spirit, for theirs is the kingdom of heaven” (Matthew 5:3). Ayon kay Doni ang balangkas ng kuwento ay hindi naman naiiba sa ibang mga librong pambata pero ang kabuuan ng akda ay talagang pinag-isipan mula sa mga salitang ginamit hanggang sa paraang ng pagguhit nito. Bago ko pa man mabasa ang rebuy ni Doni Oliveros ay parehas na kami ng naramdaman para sa libro, simple lang ang istorya pero may kurot sa puso. Mapabata man o matanda ay siguradong lalambot ang puso kapag nabasa ito. Hindi din nito direktang sinasabi ang aral na mapupulot sa kuwento dahil kusa nitong pinag-iisip ang mga mambabasa sa kung ano ang mensahe na gustong ipaabot ng awtor.
Panahon ng Kastila at Amerikano nabuhay si Severino Reyes kaya halos lahat ng akda niya ay patungkol sa mga karanasan ng mga Pilipino noong panahong iyon. Ginamit niya ang mga nakikita at nararanasan niya sa kanyang paligid bilang inspirasyon upang makapagsulat at makapagpasaya ng tao. Naging libangan ng mga tao noon ang pagbabasa kaya naman ang mga isinulat ni Severino Reyes ang isa sa mga paboritong basahin ng mga Pilipino noon. (Bellen, 2016, p. 50)
Ngayong nasa kolehiyo ako ay mas marami akong bagong manunulat na nakilala, isa na doon si MJ Tumamac o mas kilala sa tawag na Xi Zuq. Bahagi siya ng Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING) at ng Linangan sa Imhaen, Retorika at Anyo (LIRA). Sa ngayon ay may tatlong libro pa lamang si Xi Zuq at ito’y mga premyadong kuwentong pambata na kadalasan ay tumatalakay sa kuwento ng ating mga bayani.
Isa sa mga libro niya na talaga naming nagustuhan ko ay ang Pangkat Papaya (Adarna House, 2015). Ang libro niyang ito ay parang prequel sa kanyang unang aklat na Supremo (Adarna House, 2014) pero kahit hindi mo naman mabasa ang Supremo ay maiintindihan mo naman ang pangalawa niyang aklat. Ang Pangkat Papaya ay tungkol sa isang bata, si Andro at ang kanyang karanasan bilang isang grade 4 na estudyante kasama ang kanyang matalik na kaibigang si Miyo. Nag-umpisa ang kuwento sa isang secret code na nabasa ni Andro sa isang poster para sa club’s day ng paaralan nila. Umikot ang istorya sa paghahanap ni Andro ng sagot kung ano ang secret code na nabasa at sa pagharap niya sa pagsubok sa pagkakaibigan nila ni Miyo. Simple lang ang gustong sabihin ng kuwento, gusto nitong bigyang diin ang pakikipagkaibigan, ang pagiging tapat at ang pakikisama sa ibang tao.
Maganda ang istilong ginamit ni Xi Zuq sa kuwento. Isang talaarawan ang naging inspirasyon niya kaya kapag binasa mo ang libro ay parang nagbabasa ka lang ng diary ng isang bata. Makikita mo at mas maiintindihan ang takbo ng istorya dahil sa istilo niya. Ang mga dayalogo at lengguwaheng ginamit ng awtor ay talagang nakakaengganyong basahin at iisipin mong bata ang nagsulat. Hindi ito typical lang na kuwento ng isang bata tungkol sa karanasan niya sa paaralan, bagong bago ang approach ng akda at light lang ang pagkakakuwento kahit tumatalakay ito ng mga temang mabibigat na para sa mga bata. Masayang basahin ang kuwento at hindi ka agad maiinip, hindi lang para sa mga bata ang mga kuwento, para din ito sa lahat ng edad.
Ang pinakanakaimpluwensiyang manunulat sa akin sa ngayon ay si Edgar Calabia Samar. Iniidolo ko siya dahil sa murang edad ay marami na siyang nakamit sa buhay. Sa edad na 31 ay natapos na niya ang kanyang Ph. D. sa Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagtapos din siya ng AB Psychology sa Ateneo De Manila University at kumuha din ng MA sa Filipino sa parehong unibersidad. Nakapaglathala na din siya ng mga nobela at libro sa tula kung saan nakatanggap din siya ng iba’t ibang gantimpala. Karamihan sa mga isinulat niya ay may halong pantasya at may mga kakaibang pangyayari at nilalang na mahirap ipaliwanag. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit isa siya sa mga awtor na sinusubaybayan ko. (“Panitikan.com.ph,” n.d.)
Isa sa mga akda niya ay ang Si Janus Silang at ang Tiyanak ng Tabon (Adarna House, 2014). Isang young adult na nobela o nobela na nakasentro sa buhay ng isang kabataan. Ito ang unang young adult ni Egay at naging mapangahas siya sa pagpili ng tema dito. Umikot ang istorya sa pagkahumaling ni Janus, ang pangunahing tauhan, sa isang online game o ang TALA at ang pagkamatay ng mga kabataang naglalaro nito maliban sa kanya. Magkahalong takot at pananabik ang mararamdaman sa pagbabasa ng nobela at talagang mabibitin ka sa dulo kaya’t siguradong aabangan mo ang susunod na libro.
Ayon kay Doni Oliveros sa goodreads, para sa kanya may utak ang kuwento. May substance, may matinong plot, may mensahe. Binanggit din niya na malinis ang pagkakalahad ng mga pangyayari at interesante ang mga karakter (“Goodreads,” 2014). Mapapansing mahilig iinkorpora ni Edgar Samar sa mga alamat at mga nakakatakot o kagila-gilalas na mga nilalang tulad ng tiyanak ang ilan sa mga akda niya. Ayon sa isang panayam sa kanya sa blog na The Enigma of Herself (“The Enigma of Herself,” 2014) ay para sa kanya, ang pagbabalik niya sa mga tauhan ng ating mga alamat ay pagkilala na bukal sila ng pagpapakahulugan, at kung ehersisyo ng pagiging tao ang pagbibigay-kahulugan, ibig sabihi’y tinuturuan siya nitong magpakatao ng mga halimaw o mga nilalang na ito. Nabanggit din niya sa isang panayam naman sa blog na The Library Mistress (“The Library Mistress,” 2014) na marahil naging inspirasyon niya sa iba niyang akda na isa sa pinakahindi malilimutang kuwento niya noong bata siya ay na pinaglaruan umano siya ng tiyanak.
Isang napakamapanlikha at malikhaing tao ni Egay at makikita mo ito sa mga akda niya. Hindi siya natatakot na isulat ang mga nais niya at sa tingin niyang makatutulong at magugustuhan ng mga kabataan.
Hindi lang ang limang awtor na ito ang nakaimpkuwensiya sa akin kung hindi madami pa at siguradong madadagdagan pa sa paglipas ng panahon. Kung naimpluwensiyahan ako ng mga awtor na ito at ng kanilang mga akda ay nais ko ding makaimpluwensiya sa pamamagitan ng mga maisusulat kong akda sa paglipas ng panahon. Hinahangad kong mas dumami pa ang mga kuwentong pambatang mabasa ko sa hinaharap at dumami rin ang mga magsusulat para sa mga bata. Ang sabi nga ni Rene O. Villanueva, “Don’t just dream for yourself, dream big for the industry, for it to truly develop.”