Ang Paglalakbay ng Ibong Papel

Noon ay hindi pa alam ng ibong papel kung saang direksyon siya pupunta, naliligaw pa at hinahanap ang tamang daan. Alam niya ang tunay na gusto pero hindi malaman kung paano ito maaabot. Maraming kailangang daanang pagsubok para marating ang tuktok at isa na doon ang paglalakbay at pakikipagsapalaran patungo sa paghahanap at pagtuklas sa lugar na matagal nang inaasam. Maraming hahadlang pero kailangan ito upang matutong mamuhay ng mag-isa.

Simula noong nagkaroon kami ng klase sa Likhang Pambata ay naramdaman kong ito na ang magiging katuwang ko sa aking paglalakbay. Mahirap mag-isip ng magandang paksa na magugustuhan ng mga bata dahil hindi mo lang basta kailangang makisalamuha sa kanila kung hindi kailangan mo ring hanapin o balikang muli ang pagiging bata sa iyong sarili.

Ilang buwan bago mag-umpisa magsulat ng konseptong papel ay alam ko na ang aking papaksain. Tungkol sa paglalakbay ang gusto kong isulat, mga paglalakbay ko noong bata ako hanggang ngayon. Habang iniisa isa ko ang bawat lugar na puwede kong isulat ay unti-unti ring bumabalik sa aking alaala ang mga pangyayari noong bata ako na akala ko ay nakalimutan ko na. Mahina ang memorya ko kaya ang makaalala ng isang bagay na sobrang tagal na ay malaking bagay na para sa akin. Gusto kong ibahagi sa mga bata ang mga lugar na napuntahan ko, ang mga lugar kung saan marami akong natutunan at natuklasan. Gusto kong ipakita sa kanila ang mundo sa pamamagitan lamang ng pagbabasa.

Mabagal ang naging proseso ng aking pagsusulat at pagbuo ng ideya, sa sobrang bagal ay kung kailan ilang araw na lang bago magpasahan ay saka makakaisip ng isusulat. Natatak na sa aking isip na ang deadline ay mabisang inspirasyon sa pagsusulat pero sa loob loob ko ay sadyang hinahayaan ko lang ang sarili ko na palipasin ang oras na gumagawa ng mga bagay na walang kinalaman sa aking tesis. May panahong kung kailan maraming kailangan isulat sa klase ay natatapat ding maraming kailangan gawin para sa org at dahil sa pressure at stress nauuwi ako sa panonood ng pelikula, pagfa-facebook o di kaya paghilata lamang sa kama, nakatulala at iniisip ang mga kailangan ko pang gawin na hindi ko pa ginagawa.

Natuto akong mag-multi-tasking dahil na rin siguro sa dami ng kailangan kong gawin at sa kawalan ko ng pagplaplano sa aking oras. Hindi ko alam kung paano ko napagsasabaysabay ang pagbabasa, pagsusulat, paglalayout, paggamit ng social media at kung minsan nakukuha ko pang manood ng tv o pelikula. Hindi ako sanay na walang ginagawa at kinakalikot na isang bagay, gusto kong parating gumagalaw at pakiramdam kong mas magkakasakit ako kapag nakatunganga lang ako buong araw. Kapag hindi ko na kinakaya ang dami ng gawain ay bigla akong hihinto at susubukang planuhin ang mga susunod kong gagawin sa susunod na oras o araw at kapag napagdesisyunan kong may oras pa naman ako upang tapusin ang mga kailangan kong gawin ay aalis ako ng bahay at pupunta sa kung saan.

Ang panadaliang pagtigil sa mga gawain ang ginagawa kong distraction, distraction sa mga bagay na magpapasabog sa utak ko kapag pinilit ko itong gamitin. Masarap ding maging carefree at magpasawalang bahala sa mga rules at expectations ng mga tao at kahit sa sarili ko. Alam kong marami akong kailangang tapusin pero iniisip ko na may oras pa, na kaya ko naman kahit alam ko sa aking sarili na hindi at pipilitin at papahirapan ko lang ang sarili ko physically, emotionally at mentally.

Sa kabila ng stress at patung-patong na gawain ay may kung anong saya pa rin na kumikiliti sa aking puso at damdamin kapag nagsusulat. Kahit pagod na ang utak at katawan mo ay nagpapatuloy ka pa rin magsulat o kaya ang magtype sa harap ng laptop dahil alam mong masaya ka dito at nakikita mong balang araw ay babalikan moa ng panahong ito at matatawa na lamang. Iba ang pakiramdam kapag sinusulat mo ang gusto mo, may kalayaan kang ilagay ang lahat ng nais mo sa paraang ikaw ang magdedesisyon, tama man ito o mali sa paningin ng iba basta ang alam mo ay ikaw ang gumawa nito, parte ka ng isinusulat mo.

Sulat pa, basa pa, isama na ang paglalayout at pagcacalligraphy at lettering na nagiging stress reliever kapag napapagod na akong mag-isip ng isusulat. Sa panahon ngayon ay wala na akong oras upang gawin ang iba ko pang hobby, iniisip kong mas magkakaroon ako ng oras kapag natapos ko agad ang mga kailangan kong isulat. Isa sa ginagawa kong motibasyon upang makapagsulat ay ang pag-iisip na kapag maaga ako natapos ay puwede na akong makapag-lettering o kaya ay manood na ng Game of Thrones o ng ibang pelikula na may kaugnayan sa aking tesis. Minsan ginagawa ko ng maaga ang aking mga gawain dahil may importanteng lakad ako o may gustong puntahan. Sinisiguro ko na kapag aalis ako ay kaunti na lag ang kailangan kong gawin pagkauwi o kaya naman ay wala na pero siyempre ay hindi ito nasusunod.

Habang nagsusulat ka ay parang naglalakbay ka na rin, hindi mo man alam kung saan papunta ay hinahayaan mo lamang ang imahinasyon mo na gumana. Ang ibong papel ay maaring maligaw pero mahahanap at mahahanap din niya ang daan patungo sa pagkatuklas ng mga bagay na lalong magpapatatag sa kanya. Hindi sumusuko ang ibong papel kahit maraming gawain pa ang ilagay sa kanyang balikat ay pipilitin pa rin niyang lumipad dahil ano pa’t inumpisahan niya ang paglalakbay na ito kung hahayaan niyang mahulog siya dahil lamang sa mga pagsubok na nagpapabigat sa kanya. Kaunti na lang at mararating na ng ibong papel ang kanyang destinasyon.

Advertisements

#BuwanNgMgaAkdangPinoy 2016

Ngayong taon ay naisipan kong gawin tema ang mga librong magagamit ko at makakatulong sa pagbuo ng aking thesis, hinaluan ko din ito ng calligraphy o lettering para naman kahit papaano ay ma-practice ko din ang isa ko pang hobby maliban sa pagbabasa at pagsusulat at maging mas kaayaaya at makatawag pansin ang mga posts ko.

Kuwentong Pambata ang genre na napili ko para sa aking thesis at lima sa mga napili kong libro ay pambata na may malaking impluwensiya sa akin at makakatulong sa aking pagsusulat. Ang apat pa na libro na hindi pambata ay mga librong maaaring malapit sa paksa na gusto kong gawin at mga librong malapit na din sa akin na sa tingin ko ay may maitutulong sa aking thesis, lalo na’t ang lahat ng mga awtor na ito ay may malaking impluwensiya sa aking pagsusulat.

Nalulungkot ako dahil siyam lang ang librong naibahagi ko at kahit marami pa akong gustong i-post ay time won’t permit me ngayong marami na kaming ginagawa sa klase lalo na’t pinag-iisipan ko mabuti ang bawat librong ipopost ko, mula sa pagpili ng libro, pagiisip ng magandang i-lettering at ilagay sa caption. Dahil sa #BuwanNgMgaAkdangPinoy ay mas natulungan ako nito makapili at makapagdesisyon sa kung ano talaga ang papaksain ko sa aking thesis. Mas napadali ang paghahanap at paggawa ko ng mga proyekto namin ngayon sa klase na may kaugnayan sa pagbuo ng aming thesis dahil sa paggawa ko ng mini review at pagkomento ko sa mga librong napili ko.

Nag-enjoy ako sa pagsali ngayong taon dahil marami akong naibahagi sa ibang tao at malaki din ang naitulong nito sa akin. Hindi na ulit ako makapaghintay sa #BuwanNgaMgaAkdangPinoy sa susunod na taon.

Moymoy Lulumboy Ang Batang Aswang

#BuwanNgMgaAkdangPinoy

Hindi ko alam ang tungkol sa kuwentong ito noong nakita ko sa bookshelf ng isang bookstore, pero dahil kuwentong pambata ito at mukhang maganda ang kuwento ay binili ko na. Mahilig ako sa mga kuwentong may magic, fantasy at kaunting kababalaghan kaya naman nakuha nito kaagad ang pansin ko.

Hindi ko pa tapos basahin ang libro pero ngayong binabasa ko ito ay talaga namang hindi ko maibaba. Page turner at kapanapanabik ang bawat eksena. Hindi ganoong ka-unique ang kuwento dahil marami na rin namang kuwento at pelikula na ganito ang tema pero ang kaibahan nito sa nakararami ay napapanahon ang kuwento, siguradong makakarelate ang maraming mambabasa at sumasabay ang kuwento sa pagiging progresibo ng mundo natin ngayon. Simple lang ang mga salitang ginamit, ginawa talaga para sa mga batang mambabasa pero pupuwede rin sa mga matatanda na naghahanap ng kakaibang babasahin.

Mahilig ako sa mga kuwentong may ganitong tema kaya naman sa aking thesis ay balak kong haluan ng mahika o fantasy ang mga kuwentong isusulat ko. Binabalak ko din na haluan ng kaunting nakakatakot na tema pero pinagiisipan ko pa kung itutuloy ko. Kapag natapos ko ang librong ito ay sa tingin ko malaki ang maitutulong nito sa pagbuo ng aking thesis lalo na’t nalalapit ang tema ng aklat sa gustong kong isulat na kuwento. 👍😁

Para Kay B

#BuwanNgMgaAkdangPinoy

May quota daw ang pag-ibig, so what eh hindi pa naman ako naiinlove kaya di ko muna poproblemahin iyan hahaha. Pero kidding aside, in love ka man, na in love o hindi pa na i-in love ay puwedeng puwede sa iyo ang librong ito. Actually kahit sino puwede basahin ito kahit mga bata basta may patnubay ng magulang haha.

May limang bahagi ang nobela, iba’t ibang kuwento at iba’t ibang approach sa pag-ibig. Hindi ka mabobored sa librong ito kasi bawat eksena ay pag-iisipin ka talaga. Mula umpisa hanggang sa dulo ay mapapatanong ka talaga kung sino si B at kung sino at ano ba ang kinalaman niya sa kuwento. Ipinakita ni Ricky Lee ang limang klase ng babae, limang uri ng pagmamahal at kung paano nila ito hinarap. Bawat bahagi ay parang cliff hanger at di mo talaga malaman kung may kasunod pa pero ang pagiging pabitin ng mga kuwento niya ang talagang nagpapaexcite sa mga mambabasa. Kapag naumpisahan mo na ang pagbabasa ay mahihirapan ka nang ibaba pa ang libro. Hindi lang basta tungkol sa pag-ibig ang libro, maraming bagay din ang matututunan dito at siguradong dadalin mo hanggang sa tumanda ka. Maaaring makarelate ka sa mga karakter maaari ding hindi pero siguradong tatatak at may maiiwan sila sa iyo. Hindi mabigat ang kuwento, hindi rin sobrang gaan o simple, kumbaga sa pagkain ay tama lang lasa at siguradong mabubusog ka.

Halata namang hindi pambata ang libro pero sa tingin ko ay malaki ang maitutulong nitong kuwento at ni Ricky Lee sa akin dahil malaki ang naging impluwensiya niya sa aking pagsusulat. Hindi naiiba ang istilo ni Ricky Lee sa iba pang awtor pero kapag nabasa mo ang akda niya ay malalaman mo agad na sa kanya ito. May distinction na, may tatak, tatak Ricky Lee at iyon ang gusto kong tularan sa kanya. Gusto ko magkaroon ng sariling identidad ang mga akda ko at masabing ako nga ang nagsulat nito, na sa akin ito. 👍;)

Pangkat Papaya

#BuwanNgMgaAkdangPinoy
Pamagat pa lang ng aklat ay mapapaisip ka na agad kung tungkol saan ang kuwento. Hanggang sa maumpisahan mo ay matatawa ka dahil kahit papaano ay makakarelate ka at magbabalik sa iyo ang mga panahon noong nasa elementary ka pa lang. Walang pinipiling panahon at edad ang kuwento at kahit sino, bata man o matanda ay siguradong magugustuhan ang libro at may matututunan dito.

Napapanahon at nababagay ang kuwento sa mga bata ngayon. Kakaiba ang kuwento at ang paraan ng pagkukuwento. Madaling basahin at kahit pambata ay mapapaisip ka din sa mga susunod na mangyayari. Simple lang ang nais nitong ipahiwatig pero may lalim na gustong ipaunawa sa mga batang mambabasa. Napaka-witty din ng author dahil naisip pa niya ang ganitong kakaibang kuwento. Hindi ko rin masabi kung inimbento lang ito ng may akda o may mga bahagi sa kuwento na nangyari sa totoong buhay. 

Naengganyo ako sa pagbabasa at mas nahikayat na magsulat din ng mga kuwentong pamabata tulad nito.  Maliban sa Pangkat Papaya ay nagustuhan ko din ang naunang aklat ng may akda, ang Supremo. Nagustuhan ko na ginawang parang mini series ng awtor ang kaniyang dalawang aklat na sa iisang mundo lang ito nangyari at umikot sa buhay ni Andro, ang bida sa kaniyang mga kuwento. Aabangan ko pa ang mga susunod na kuwento ng may akda at kung ano pa ang mangyayari sa buhay ni Andro. haha ;)✌

What’s In Your Heart

#BuwanNgMgaAkdangPinoy
Kapag tinatanong ako kung ano ang paborito kong libro ay sigurado kasama ang librong ito sa top 10. Isa ang librong ito na talagang tumatak sa akin. Malayo ang buhay ng karakter sa buhay ko pero nakakarelate ako sa kung ano ang pinagdadaanan niya sa buhay, kung ano ang nais niyang gawin sa future niya. Parang naging parte na rin ng buhay ko ang librong ito.

Nasa ingles ang libro pero kapag nabasa mo ay masasabi mong pilipino ang nagsulat dahil sa mga bahagi ng kuwento na ang mga pilipino lang talaga ang nakakaalam. Hindi ito isang love story na common sa panahon ngayon, na kapag nabasa mo palang ang title ay iisipin mong tungkol lang ito sa dalawang magkasintahan pero ibang iba ang takbo ng istorya nito. Umikot ito sa istorya ng pamilya at kung gaano ito nakaapekto sa mga naging desisyon ng bida. Ipinakita ng may akda na kung gusto mo matupad ang mga pangarap mo ay dapat mong sundin kung ano talaga ang sinasabi ng puso at isipin kung ano talaga ang mahalaga sa’yo.

Maganda ang paraan ng pagkukuwento at talaga namang mapapalipat ka talaga ng pahina. Maraming twists and turns at hindi cliche ang kuwento. Iispin mo ang mangyayari sa bawat eksena sa libro at napapangiti din ako sa ibang bahagi lalo kapag nakakarelate ako sa bida at sa nangyayari sa kanya. Minsan naiisip ko na sana matulad ang buhay ko sa naging ending ng libro pero tulad nga ng natutunan ko sa aklat, listen what’s in your heart and you’ll know what really matters to you and to the people around you.

Ang Mga Kuwento Ni Lola Basyang

#BuwanNgMgaAkdangPinoy
Isa sa may pinakamalaking impluwensiya sa aking pagsusulat ng kuwentong pambata ay ang mga kuwento ni Lola Basyang o ang mga isinulat ni Severino Reyes.

Noon pa man ay mahilig na kami ng aking kapatid sa mga children books lalo kung may maganda itong cover o illustration. Matagal ko na naririnig noong bata ako si Lola Basyang pero nitong tumanda na lamang ako nalaman na hindi pala si Lola Basyang ang nagsusulat ng mga kuwento kung hindi isang lalaki, isang lolo, si Severino Reyes.

Dahil sa pagkahilig sa pagbabasa ay madalas kami magpabili ng kapatid ko ng iba’t ibang klase ng libro, pero dahil mga bata pa kami noon ay mas pabor sa mga magulang namin na mga kuwentong pambata ang ibigay sa amin. dumami ng dumami ang mga librong pambata namin lalo na ang mga kuwentong isinulat ni Severino Reyes. Simula noong bumili kami ng libro niya ay nahilig na kami mangolekta ng iba pa niyang akda, ang mga kuwento ni lola basyang.

Ngayong nasa kolehiyo na ako at nahihilig ako sa pagbabasa at pagsusulat ng mga akdang pambata ay malaking tulong ang mga akda ni Severino Reyes. Ang mga kuwento niya ay di lang basta pambata, puwede rin ito sa mga matatanda. Maliban sa mga aral na mapupulot mo sa pagbabasa ng akda niya ay may kaakibat din itong mga elemento na magbibigay saya at excitement habang binabasa. Hindi ka lang din basta matututo ng magandang asal kung hindi marami ka ding bagong matututunan tungkol sa iba’t ibang bagay. 

His books are truly a story for all ages. 👍😁💕