Paraiso

Akyat dito, akyat doon. Matarik man ang babagtasin ay kakayanin. Mabato man at maputik ang nilalakaran ay hindi ito magiging hadlang. Mga huni ng ibon ang maririnig sa paligid at mga bulaklak na nakangiti sa langit ang makakasalubong. Simoy ng hangin sa aking mukha’y dumadampi. Tila sumasayaw ang mga sanga ng puno at ang mga halaman. Bawat paglalakad ay may indak, sumasabay sa musika ng kapaligiran. Ang paraiso’y makikita na, kaunting hakbang na lamang.
Ang tuktok ay napanik

Nakarinig ng tinig

Kalikasa’y umihip

Iniwa’y isang awit

Advertisements

1991

Parang isang siyudad sa gitna ng disyerto. Mga kalsadang kulay puti at maalikabok. Makulimlim ang kalangitan at ang mga tao’y nagtatakbuhan. Maraming bahay ay kalahati na lamang. Simbahan ng San Guillermo’y muntik na mawala. Mga nagtatayugang gusali ay hindi na makita.  Naging bahagi ng kasaysayan ang sandaling pagkawala ng bayan sa mapa. Kalikasa’y mabagsik nga talaga.
May bulkan na sumabog

Buong baya’y lumubog

Namuti mga pook

Tila nyebeng nahulog

Alapaap

Ako’y unti-unting umaangat sa lupa. Ang mga ulap ay abot kamay ko na. Parang nakasakay sa isang ibong malaki, malayang nakakalipad ngunit pakpak ay hindi pumapagaspas. Mga bahay at tao’y paliit ng paliit hanggang mawala na sila sa aking paningin. Nakaramdam ng lamig at biglang dumilim ang paligid. Ikinabit na ang seatbelt at huminga ng malalim.

Dahan-dahang lumapag

Mga gulong lumabas

Nakahingang maluwag

Malayo na sa ulap

Outer Space

Nawala sa kawalan
Sa kawalan ay nawala
Bumalot ang kadiliman
Ang kadiliman ay bumalot
Ang mga bituin ay natakpan
Natakpan ang mga bituin
Tumahimik ang paligid
Ang paligid ay tumahimik

Mag-isang naglalakad
Naglalakad mag-isa
Sarili ay kinakausap
Kinakausap ang sarili
Madalas tumatawa
Tumatawa ng madalas

Lumuwag ang tornilyo
Ang tornilyo ay lumuwag
Parating nakatulala
Nakatulala parati
Lumilipad ang isip
Ang isip ay lumilipad
Palutang-lutang sa kalawakan
Sa kalawakan ay palutang-lutang