ANONG MERON SA ITAAS?

Nakahiga na ako sa kama at inaayos ko na ang aking kumot. Pumikit na ako at hinihintay ko na lang na dalawin ako ng antok nang tawagin ako ni Papa.

Pinakukuha ni Papa ang salamin niya na naiwan niya sa may kusina. Ayoko pa tumayo at sinabing bukas na lang niya kunin dahil inaantok na rin ako.

“Nagtext ang Tito mo, kailangan kong mabasa, sige na kunin mo na. Nasa may lamesa sa kusina.”

“Ako na lang po ang magbabasa.”

“Wag na, masyadong mahaba. Naduduwag ka na namang bata ka, walang duwag na lalaki Enrico! Ang laki-laki mo na eh!”

“Opo ay hindi po ay opo, opo lalabas na po.” Umiling na lang si Papa.

Wala na akong nagawa kung hindi tumayo at lumabas. Naisip ko na wag na buksan ang ilaw dahil malayo ang switch. Ang plano ko ay agad tumakbo sa kusina at tumakbo pabalik sa kuwarto. Sampung taon na akong nakatira sa bahay na ito pero hanggang ngayon ay naduduwag pa rin ako kapag gabi na, lalo na at kung mag-isa. Kuwento sa akin ng mga magulang ko na 1930 pa daw ang bahay namin na ito, dito na din tumira at namatay ang ilan sa mga ninuno ko at hindi naman itinatanggi ng mga magulang ko at iba pa naming kasama sa bahay na may nagpaparamdam nga daw minsan, umaga man o gabi.

Papasok na ko sa kuwarto nang may maramdaman akong malamig na hangin. Pagtingin ko sa may bintana sa tabi ng altar namin ay nakabukas ang bintana. Hindi ko alam kung isasara ko ba o hahayaan na lang pero siguradong makokonsensiya ako kapag iniwan kong nakabukas. Inaatake na naman ako ng kaduwagan. Simpleng pagsara lang ng bintana hindi ko magawa.

“Enrico, bintana lang ‘yan, bintana lang ‘yan!” Isinabit ko muna ang salamin ni Papa sa damit ko at dumiretso ako sa may bintana. Bago ko tuluyang maisara ay may narinig akong kaluskos sa labas at may naaninag akong anino. Sa sobrang kaba ay bigla kong naisara ang bintana at agad tumalikod.

“Ahhh!”

“Enrico!”

“Sorry, Pa, sorry.”

“Gabing-gabi na ang ingay-ingay mo pa.”

“Kasi po, ano po kasi, may…”

“Nako, matulog ka na, akin na pala yung salamin ko.”

Hindi ko na nasabi kay Papa yung nakita ko at hinayaan ko na lang. Pumasok na kami sa kuwarto at natulog na ako. Isang linggo na ang nakaraan at nakalimutan ko na din ang nakita ko sa bintana.

Isang umaga ay nagising ako dahil sa ingay sa may sala. Bumangon ako at sinilip kung sino ang mga tao sa labas.

“Enrico, gising ka na pala! Andito ang Tita at mga pinsan mo,” bungad ni Papa sa akin

“Ang laki-laki mo na pala Enrico!”

Nagmano ako kay Tita.

“Dito muna titira ang Tita at mga pinsan mo habang pinapaayos nila ang bahay nila. Sa may taas sila titira kaya kailangan natin mag-general cleaning.

Kung kanina inaantok pa ko ay bigla akong nagising sa sinabi ni Papa. Sa taas? Maglilinis?

“Eh, Pa may gagawin kasi ako eh, may project kasi-“

“Nako, Enrico tigilan mo ko sa mga palusot mo, naduduwag ka na naman. Kalalaki mong tao eh.”

Dumiretso na ako sa banyo upang maghilamos. Kailangan ko makaisip ng paraan para hindi makasama sa paglilinis. Maglilinis ako kahit saan, ‘wag lang sa itaas.

Kinabukasan ay wala akong nagawa kung hindi sumunod kay Papa, naisip ko na kung bibilisan ko ay maaga kami matatapos sa paglilinis at marami naman kami dahil kasama namin ang mga pinsan ko.

“Enrico, bilisan mo diyan, andun na sa taas mga pinsan mo, tulungan mo na sila, susunod ako. Iakyat mo na pala yung walis.”

“Opo.”

Naisip ko na matatapos kami agad dahil marami kami at siguradong walang kung anong nakakatakot sa itaas dahil umaga pa naman at marami akong kasama.

“O, andito na pala yung pinakamatapang nating pinsan!” nagtawanan ang mga pinsan kong sina Alex, Benjie at Chris pero hindi ko na sila pinansin, at sinimulan nang maglinis.

Maya-maya pa ay biglang tumahimik, nakakapagtaka dahil maingay na nagkukuwentuhan ang mga pinsan ko. Hinanap ko sila at biglang may nalaglag na karton sa gilid na nagpagulat sa akin. Pumunta ako sa isang kuwarto pero wala sila, kahit sa banyo. Bumalik ako sa may sala at wala pa rin. Pumunta ako sa kusina at sumilip. Biglang may narinig akong yabag sa likod ko kaya napalingon ako.

“Aaahhh!”

Muntik na ko himatayin at maihi sa kaba. Tawa nang tawa ang mga pinsan ko dahil sa panggugulat nila sa akin. Nagtago pala sila sa likuran ng salamin at sa patung-patong na kahon .

“O, naihi ka pa sa sobrang takot!” napatingin ako sa sahig at napansing kumalat na ang tubig sa hawak kong mop. Umiling na lang ako at hindi sila pinansin.

“Tama na yang tawanan, tapusin niyo na ‘yan, magdidilim na, hindi ko pa nakakabit yung bumbilya.” Tinapik ako ni Papa sa likod. May hawak siyang bumbilya. ‘Di ko namalayan ang pagdating niya.

Alas singko y medya na at dumidilim na din. Isa-isa nang iniipon ng mga pinsan ko ang mga kalat at tinatapon sa basurahan sa baba. Matatapos na rin ako maglampaso ng sahig. Hindi ko namalayang kaming dalawa na lang pala ni Papa ang nandito at nasa ibaba na ang mga pinsan ko.

“Bukas kahit wag ka na tumulong, magpahinga ka na lang, may pasok ka na rin naman sa Lunes.”

“Sige po, Pa.”

“Sige na tapusin mo na ‘yan para makapagpahinga ka na kasama ng mga pinsan mo.”

“Malapit naman na po ako matapos, ibababa ko na rin po yung mga basura.”

Bababa na san ako nang humahangos na lumapit si Benjie at mukhang seryoso siya.

“Tito, nasa baba po si Aling Cora, yung kapitbahay niyo, nanakawan daw po sila kanina lang.”

“Kaninang umaga sabi niya parang may narinig siyang kaluskos sa may likuran ng bahay niya kagabi. Sige bababa ako. Enrico dito ka muna, bilisin mo na diyan, dumidilim na, di ko pa nakakabit yung bumbilya.”

“Ok lang po ako Pa, kaya ko naman,” pagmamayabang ko, baka lokohin na naman kasi ako ng mga pinsan ko.

Bumaba na si Papa at ang pinsan ko. Ako na lang ang naiwan. Tiningnan ko ang buong paligid at napansin kong mas maaliwalas na ito ngayon kumpara noong una na parang isang haunted house. Palubog na ang araw at dumidilim na nga talaga. Parang maling nagpaiwan ako dito. Nagmadali akong maglinis.

“Bilisan mo Enrico, kaya mo yan. Kaunti na lang. Wag ka matakot, walang multo. Kung meron man mga Lolo at Lola mo naman sila. Mababait sila.” Kanina ko pa kinakausap ang sarili ko para kumalma pero parang di epektibo.

Bawat minutong lumilipas ay palamig din nang palamig ang ihip ng hangin. Pakiramdam ko ay maraming kaluluwa ang nakapaligid sa akin at pinapanood ako.

Itinabi ko na ang mop at kinuha na ang plastic ng basura upang ibaba.

“Sa wakas!”

Lalabas na sana ko nang mapatingin ako sa may malaking picture frame. Ang litrato ng Lolo at Lola ko noong kasal nila. Naalala ko ang kuwento sa akin ng Mama ko noong namatay ang Lolo dito sa itaas. Nasa baba ako noon, naiwan ako dahil nasa tabi ni Lolo sina Mama at Papa. Pagkababa ni Mama upang tingnan ako ay nagulat siyang nasa sulok ako at nanginig at naihi pa sa salawal. Sinasabi nina Mama na niyakap daw ako ng kaluluwa ni Lolo kaya nangyari sa akin ‘yun. Natawa lang ako sa kuwento ni Mama dahil masyado pa akong maliit noon para maalala ang nangyari pero sa tingin ko’y maaari ngang mangyari yun lalo na sa itsura ng bahay namin na nakakatakot  at nakakapanginig din minsan lalo kapag gabi.

Takot akong tumingin noon sa mga lumang litrato lalo na ang mga tulad nito pero ngayon ay wala akong takot na naramdaman. Tinitigan ko ang litrato na para bang ngayon ko lang ito nakita. ‘Di ko inaasahang nakaramdam ako ng pagkaginaw na parang may yumakap sa akin. Napatingin ako sa bukas na bintana.

Naalala ko ang nakita kong anino kagabi at bumalik ang takot ko.

“Ano bang meron sa mga bintana dito.” Sumilip ako at kita ang mga likod ng mga bahay ng kapitbahay namin. Kung tutuusin pupuwede nga akong makapasok sa bahay nina Aling Cora mula sa may gilid ng bahay namin. Sobrang dikit ng terrace nila sa may bahay namin kaya pwede ring gawing shortcut papunta sa kanila o dito sa amin. At bigla kong naalala ang nagnakaw kina Aling Cora.

“Hindi kaya? Maaaring ang aninong nakita ko at ang narinig ni Aling Cora na kaluskos kagabi ay ang sa magnanakaw!” Naisip ko nab aka nagmamatyag ito kagabi at kinakabisado ang kanyang dadaanan. Kinabahan ako sa naisip ko kaya isasara ko na dapat ang bintana nang may napansin akong anino. Nagulat at napaatras ako pero nang mapansin kong may mga dala-dala silang mga gamit ay alam ko na agad ang gagawin ko.

Agad akong bumaba at tumakbo papunta sa sala. Nasa sala namin si Aling Cora na may kasamang mga tanod.

“Pa, yung magnanakaw, nakita ko, dumadaan sila sa likod ng bahay ni Aling Cora at dito sa gilid ng bahay natin dumadaan palabas. Andun sila Pa.” Itinuro ko ang gilid ng bahay namin.

Kumuha ng mga pamalo sina Papa at ang mga pinsan ko at kasabay nilang lumabas ang mga tanod. Nakasunod lang ako sa likuran nila. Naisip ko na kaya siguro ginagawang daanan ng mga magnanakaw ang gilid ng bahay namin ay dahil walang makakakita sa kanila at madalas maraming nakikidaan sa bahay namin dahil puwede itong gawing lusutan papunta sa looban ng barangay na nasa likuran lang ng bahay namin.

Nahuli na ang mga magnanakaw at tuwang tuwa si Aling Cora. Parati na daw niyang ikakandado ang daanan sa likod ng bahay nila upang hindi na sila manakawan. Palalagyan na rin naming ng ilaw ang gilid ng bahay namin. Nagdesisyon na rin si Papa na mga kilala na lamang namin ang papayagan niyang makalabas pasok sa gate.

“Maraming-maraming salamat sa’yo Enrico, nako kung hindi mo sila nakita eh baka nakatakas na naman sila.” Sabi ni Aling Cora sa akin.

“Aba, matapang naman pala ‘tong pinsan natin eh! Akala ko babakla bakla.” pang-aasar ng mga pinsan ko.

“Lalaki ako no! Saka di porket naduduwag ay bakla na agad. Sigurado namang may kinatatakutan din kayo eh!”

“O, kalma lang pinsan. Ito naman, binibiro ka lang namin. Mukhang sa’yo kami matatakot eh.”

Nagtawanan kaming lahat at simula noon ay hindi na ko natatakot pumunta sa itaas. Maliban na lang kung wala akong kasama at kung gabi na. Duwag pa rin naman ako at takot sa maraming bagay pero hindi ibig sabihin nun ay titigil na ko sa pagtulong sa iba at paggawa ng tama.

Advertisements

Casa Fantastica (Part 4)

Dalawang araw na ng huli kong makita si Shirley. Sabi ni Toyang marami daw kasi silang assignment at project ngayon kaya siguro di lumalabas ng bahay. Dumaan ako sa tapat ng bahay nila kahapon, nakita ko siyang nakaupo sa isa sa mga upuan sa garden nila at parang marami siyang iniisip. Nagkatinginan kami pero bigla siyang umiwas ng tingin at agad na pumasok sa bahay nila. Hindi ko na lang pinansin yon at iniisip na magkikita pa naman ulit kami at saka ko na lang siya tatanungin.

Nanunuod kami ng tv nang biglang may narinig kaming tugtog ng gitara sa labas. Sumilip ako sa bintana at nakita ko si Jay na tumutugtog. Tumingin ako kay Toyang. Di mapakali si Toyang. Di ko malaman kung ano iniisip niya.

“Hoy, Toyang!”

Gulat ko sa kapatid ko kaya medyo napatili siya at syempre hinmpas ako ng pagkalakas-lakas. Bigla siyang tumingin sakin at tumayo.

“Kuya, ano ba nakain niyang si Jay? “

“Bakit ano ba nangyari?”

“Bigla bigla na lang siyang nagkaganyan. Lumapit sakin nung isang araw, gusto daw akong ligawan. Kuya, ano ba yan!?” naiiritang sabi niya.

“Ano sinabi mo?”

“Wala. Di ko alam isasagot eh. Di ako sanay na ganyan siya.”

Medyo ilang na sagot ni Toyang.

“Eh bakit nagkakaganyan ka, parang naaano ka dyan, baka naman may gusto ka din kay Jay?”

Nanlaki yung mata niya at bigla akong tinulak.

“Kuya! Ano ba yang iniisip mo, si Jay? OMG!”

“May pa OMG ka pang nalalaman diyan. Napaghahalataan ka eh. Kung ako sayo labasin mo na yun.”

Kunwari pa si Toyang, mukhang kinikilig naman siya kay Jay, nagdedeny pa.

“Ayoko.”

“Bahala ka, aalis na yun. Di mo man lang makikitang kumanta si Jay,” sabi ko na may halong panghihinayang ang boses.

“I hate you kuya!” pagdadabog niya sa harap ko sabay labas niya ng bahay namin.

Kunwari pa yung kapatid ko eh. Hay nako, buti pa si Toyang at Jay mukhang may future. Bigla ko uliit naalala si Aya. Malapit na pala birthday ko. wala pa din akong pera pambili ng camera. Iniisip kong pagkabili ko ng camera ay papakita ko agad kay Shirley at siya ang una kong kukuhanan. Siguradong matutuwa siya.

Natahimik ako sandali at napaisip.

Pupuntahan ko si Shirley bukas.

Siguro panahon na para sundin ko yung sinasabi ni Aya. Na kailangan kong mabuhay sa ngayon at huwag masyadong problemahin ang hinaharap. Na hindi ko dapat mapalampas ang bawat sandali na nangyayari sa buhay ko ngayon at hayaan kung ano man ang mangyayari sa akin bukas. Kailangan ko ng pakawalan ang nakaraan ko at hayaang mangyari ang dapat mangyari sa future ko. Sa ngayon gagawin ko lang ang gusto ko, kung ano sa tingin ko ang magpapasaya sa akin.

“Primitivo? Pangalan ba ng lolo mo yan?”

Nangingiting tanong sa akin ni Aya nang malaman niya ang buong pangalan ko.

“Cge na ikaw na may magandang pangalan.”

Natahimik sandal si Aya at parang may gusting sabihin. Nagpipigil pa siya ng tawa.

“Bakit?”

“Wala, wala. Alam mo maganda naman yung pangalan mo. makaluma pero tatatak sa isip ng ibang tao.”

“Oo, sigurado ako dun,” pagmamayabang ko kay Aya.

“Yung iba nga, maganda nga ang pangalan pero pangalan lang, hanggang dun lang.”

“Salamat sa pagpapagaan ng loob ko pero wala na tayong magagawa pa, kaya kung pwede Ivo na lang itawag mo sakin.”

“Sige, Primitivo,” natatawang sabi ni Aya.

Tumawa na lang ako at umiling. Pagkatingin ko sa may likuran ni Aya ay nakita ko si Shirley.

“Shirley? Anong-“

“Anong ginagawa ko dito? Ikaw ang dapat na tinatanong ko niyan.”

Nakatingin siya sakin ng seryoso at parang di makapaniwala.

“Anong ginagawa mo dito Ivo? Wala ka dapat dito.”

Naguguluhan ako sa nangyayari. Tumingin ako kay Aya. Tumayo si Aya at lumapit sa akin.

“Kailangan ko na yatang umalis Ivo.”

“Bakit?”

“Masyado na kong nagtatagal sa buhay mo. Sa totoo lang hindi na dapat ako nagpakita sayo.”

“Anong sinasabi mo?”

“Sana maging masaya ka at lagi mong tandaan na parati kitang babantayan, kayong dalawa ni Shirley.”

“Paalam na Ivo,” naglakad na palayo si Aya.

Paglingon ko kay Shirley nakita kong malungkot siya. Inabot niya ang kamay niya sa akin pero lumalayo siya at kahit anong gawin kong lapit sa kanya ay di nag-aabot ang kamay namin. Tumigil ako sa pagtakbo. Hindi ko na makita si Shirley pati si Aya. Hindi ko maintindihan ang nangyayari. Napaluhod ako at inilagay ang aking dalawang kamay sa aking ulo. Ano bang nangyayari? Bakit sinabi yun ni Aya? Bakit parang pakiramdam ko iiwan ako ni Shirley?

“Kuya! Kuya Ivo gising na!”

Nagising ako sa tulak at sigaw ni Toyang.

Panaginip lang pala pero parang totoo at hanggang ngyon di ko pa rin maintindihan yung nangyari. Bakit ko napaginipan yun? Kinalimutan ko na lang muna yung napaginipan ko at bumangon na ko’t naghanda papunta kina Shirley.

Pagdating ko sa Casa nakabukas yung gate nila, nakabukas din yung pinto nila sa loob. May lumabas na babae.

“Kayo po ba si Ivo?” tanong sakin ng babae. Ito ata yung katulong nila kung di ako nagkakamali.

“Ako nga, teka nasaan si Shirley saka bakit parang kaunti na lang tao dito?”

“Umalis na po kasi sila, pumunta na pong Amerika. Inaayos na lang po namin ulit tong bahay bago kami umalis lahat.”

Parang nabingi ako at di ko narinig yung sinabi niya. Umalis? Pero wala man lang sinabi sakin si Shirley.

“Wala ba siyang sinabi o hinabilin man lang?”

“Meron po, teka kukunin ko lang,” bumalik sa loob ng bahay yung katulong nila at naiwan akong tulala at di makapaniwala sa nalaman ko.

Bakit di man lang naisip ni Shirley na sabihan akong aalis na sila? Kung kalian naman nagkakagusto na ako sa kanya saka naman siya mawawala. Umupo na lang muna ako sa may hagdanan sa may tabi ng pintuan habang pinoproseso ang mga nangyayari sa utak ko.

“Ito na po,” inabot niya sa akin ang isang box na may nakasulat na Aunty Ligaya sa takip. Sino kaya to?

“Salamat nga pala. Alam mo ba kung kalian sila babalik?”

“Nako po, pasensiya na pero wala pong nabanggit sila ma’am kung kalian sila babalik.”

Lalo akong nalungkot sa narinig ko at di ko alam kung ano ang gagawin ko. Pumunta ako sa may likod bahay nila at umupo sa may damuhan. Iniisip ko kung bubuksan ko ba tong kahon na to. Hindi maganda ang pakiramdam ko dito pero wala akong magagawa dahil ito na lang ang naiwang alaala ni Shirley sa akin.

Puno ng litrato ang kahon. Iba iba, may mga puno, bulaklak, yung langit. Meron ding mga taong di ko kilala. Pati yung loob at labas ng Casa. Pero may isang litrato ang pumukaw ng atensyon ko. Isang babaeng naka floral blue na bistida at may medyo kulot na buhok at nasa likuran niya ang Casa. Si Aya. Di ako puwedeng magkamali. Ako ang kumuha ng litrato na to. Matagal kong tinitigan ang picture ni Aya at di ko alam kung anong iisipin ko. Paanong napunta ito kay Shirley? Napansin ko yung takip ng kahon na inilapag ko sa tabi ko. Aunty Ligaya yung nakasulat sa takip. Hindi kaya si Aya at si… hindi puwede, imposible. Kung imposible ano tong hawak hawak ko? Nalilito ako. Aya o Ligaya o kung sino ka man, bakit mo ko pinaglalaruan ng ganito?

Ang tagal kong tinitingnan yung picture ni Aya. Siguro iba to, siguro nagkakamali lang ako. Ibabalik ko na sana yung litrato sa kahon pero may nakita akong isang envelope. Hindi ko na sana papansin ito kung hindi lang nakasulat yung Primitivo, yung pangalan ko. Kinuha ko yung envelope at di ko alam kung ano ang naghihintay sa akin pero malakas talaga ang tibok ng puso ko. Pagkatingin ko sa loob ay marami uling litrato, litrato ng isang lalaki, mga litrato ko. iba’t ibang anggulo, iba’t ibang ekspresyon ng mukha ko. ang iba’y nakatayo o nakaupo, meron ding natutulog ako. at meron ding nakatingin ako sa Casa, sa Casa na mas binigyang buhay ni Aya sa tawag niyang Casa Fantastica. Sa totoo lang ay hindi ko alam kung matutuwa o magugulat o matatakot ako sa mga nalaman ko. 4 years ago pa yung picture at kung Aunty ni Shirley si Aya… napakaimposible lahat ng ito. Ibinalik ko na ang lahat ng litrato sa kahon at tumayo na ako at nagsimulang maglakad. Kahit ikuwento ko sa iba ay walang maniniwala. Bumalik na ako sa Casa, hinanap ko yung katulong para magpaalam. Habang hinahanap ko yung katulong nila ay nagulat ako ng biglang kumidlat ng malakas at bumuhos ang umulan. Wala pa naman akong payong, naisip ko. Aalis na sana ako dahil di ko makita yung katulong pero bago ako makalabas ay biglang may nagring na telepono. Walang ibang tao kaya ako na ang sumagot.

“Hello?” matagal bago may sumagot sa kabilang linya.

“Ivo?” medyo gulat na tanong ng nasa kabilang linya.

Nagulat ako dahil kilala ako ng kausap ko. Medyo pamilyar yung boses.

“Sino ‘to? Bakit mo ko kilala?” pagtatanong ko. Kamaganak kaya to nila Shirley?

“Napakamapaglaro talaga ng tadhana dito sa Casa Fantastica.”

Hindi ko naintindihan yung sinabi niya pero parang naramdaman kong ngumiti yung nasa kabilang linya. Hindi ko alam kung anong pumasok sakin pero bigla ko na lang naisip na baka si Aya yung kausap ko.

“Aya? Aya ikaw ba yan?” di na ulit nagsalita yung nasa kabilang linya at narinig ko na lang na ibinaba niya ang telepono. Nakita kong bumababa yung katulong nila sa hagdanan kaya ibinababa ko na rin yung telepono.

“Sino po yung kausap niyo sa telepono?” nagtatakang tanong niya sakin.

“Ah, wala wrong number daw,” sabi ko sa kanya, baka di pa maniwala kapag sinabi ko yung totoo.

“Ang ibig ko pong sabihin ay kung sino yung kausap niyo sa teleponong iyan eh hindi naman po nakasaksak yan at matagal na pong di gumagana,” seryosong sabi niya sa akin.

Di ko alam kung ano sasabihin ko. Magugulat pa ba ako? Dapat siguro masanay na ko. Hindi ko na lang siya sinagot at nagpaalam na. Wala na kong pakialam kung mabasa pa ko ngayon.

Bago ako lumabas ng gate nila ay tiningnan ko muna ng buo ang harap ng Casa, ang Casa Fantastica ni Aya. Di ko alam kung anong meron sa bahay na to. Matatakot ba ko? Hindi siguro, lalo na’t alam kong sa Casa Fantastica ko naranasan ang mga bagay na di ko kailanman mararanasan sa ibang lugar.

Casa Fantastica (Part 3)

May dumaang kotse sa harap namin si Shirley. Binaba nung nasa loob yung bintana.

“Shirley?”

Biglang nagising si Shirley.

“Ma!”

“Bakit andito ka sa labas? Pumasok ka na sa kotse.”

“Wala po kasi akong payong kaya nagpapatila lang po ako.”

“Cge, Ivo mauuna na ko.”

Sumakay na siya sa kotse nila. Pagkatila ng ulan umuwi na rin ako.

“Ivo, bayaran mo na yung inutang kong sabon kahapon kay Aling Nena, ito pera.” Kinuha ko na yung pera at lumabas na. Paglabas ko ng gate namin nakita ko si Jay. May dalang bulaklak at palakad lakad. Nagprapractice pa ata ng sasabihin. Biglang lumabas si Toyang ng bahay.

“O, Jay andito ka pala,” bati ni Toyang kay Jay

“Toyang! Ano, kasi ano.”

Medyo nagulat pa si Jay sa pagdating ni Toyang. Natatawa tuloy ako sa itsura niya.

“Ano?”

Natatawa ako habang pinapanood ko si Jay. Grabe ganito pala itsura nito kapag nainlove.

Biglang tumayo si Jay ng diretso at nilapitan si Toyang at tiningnan ito sa mata. Marunong naman pala itong kaibigan ko eh.

“Toyang, saan ka nanggaling?” tanong ni Jay sa kay Toyang

“Sa bahay, bakit?” nagtatakang sagot ni Toyang. Pati ako nagtaka sa tanong ni Jay.

“Kasi parang ngayon lang kita nakilala eh?” tinitigan lang siya ni Toyang.

Si Jay mukhang seryoso talaga. Nagkamali yata ako sa sinabi ko kay Jay. Napatawa tuloy ako ng malakas.

“Alam niyo kung wala kayong magawa iba na lang pagtripan niyo. Marami pa kong gagawin.”

Biglang sigaw ni Toyang samin. Nainis siguro. Lalo lang ako natatawa. Umalis na si Toyang at naiwang sawi ang mabait kong kaibigan.

“Korni mo pre!” sabi ko kay Jay at tinapik ko sa braso.

“Pre, ano ba kasi nagustuhan mo sa kapatid ko?”

“Si Toyang? Kasi, simple lang siya saka-“

“Teka, si Toyang simple?”

“Di pa naman ako tapos eh,” hihirit pa sana si Jay pero nagsalita na ulit ako.

“Pre, goodluck sayo.”

Umalis na ko at kailangan ko pang bayaran si aling Nena.

“Aling Nena, ito pala yung bayad ni nanay sa kahapon.”

“Ay, salamat Ivo.”

Aalis n asana ako ng bigla kong narinig ang boses ni Shirley.

“Pabili po nito.”

“Shirley!”

“Uy, Ivo. Hi!”

Nginitian niya ko at sa di ko malaman na dahilan ay mukha ni Aya ang nakikita ko.

“Ito po yung bayad. Sige Ivo mauna na ko.”

Ngumiti siya at kumaway na sa akin. Ano bang nangyayari sakin. Nginitian lang ako di na ko nakapagsalita. Tanga mo Ivo!

Naglakad lakad muna ako, ayaw ko pa umuwi baka may iutos na naman yung nanay ko. Habang naglalakad ako di ko namalayan na andito na pala ko sa likod ng Casa. Umupo ako sa damuhan at humiga. Maganda ang panahon ngayon kaya pumikit ako saglit.

“Alam mo Aya, baling araw yayaman din ako, tapos magkakaroon ako ng sariling kotse at makakapagtayo ng sariling bahay.”

“Talaga? Napaka futuristic mo naman.”

“Bakit? Di mo ba naiisip yung future mo?”

“Iniisip, pero di ko masyadong binibigyang pansin.”

“Hindi ba importante sayo yung future mo?”

“Important siya sakin, but I live in the now, Ivo. Minsan kasi sa sobrang pagiisip natin sa kung anong mangyayari at gagawin natin bukas ay hindi na natin napapansin kung ano meron ngayon, kung anong napapalagpas natin. Kaya dapat sulitin mo ang bawat oras na meron ka.”

“Malay mo bukas mawala na ako.”

Tumingin siya sa akin at parang unti-unti siyang lumalayo. Hindi ako makagalaw sa kinauupuan ko at napapansin kong palayo na ng palayo sakin si Aya.

“Aya!” sigaw ko habang pilit siyang inaabot

“Ivo…”

“Ivo,” pakiramdam ko huling pagkikita na naming to.

“Ivo!” at tuluyan na siyang nawala sa paningin ko.

“Hoy Ivo!”

“Aya!”

Napaupo ako at nalaman kong nakatulog na pala ako. Panaginip lang pala yun.

“Ivo, okay ka lang? Saka sino si Aya?

Tumingala ako at nakita kong nakangiti sakin si Shirley.

“Ano, ano kasi…”

“Alam mo sumama ka na lang sakin, gusto ka makilala ni mama. Nakita ka kasi niyang nakahiga dito sa labas ng bahay namin eh.”

“Pasensiya na pala. Kung saan saan ako natutulog,” sabay kamot ko sa ulo ko at tumayo na ako.

Tumawa lang si Shirley at naglakad na kami papasok ng bahay nila. Nakakahiya naman at nakita pa ko ng nanay ni Shirley.

Kahit ilang beses pa kong bumalik dito talagang napapahanga ako ng bahay na to. Kaya siguro tinawag tong Casa Fantastica ni Aya dati. Inikot ko yung mata ko sa buong bahay at binulong ko sa sarili ko ang Casa Fantastica. Pero parang napalakas ata.

“What did you say?” tinanong sakin ng nanay ni Shirley kahit pakiramdam ko narinig naman niya talaga yung sinabi ko.

“Ano po, Casa Fantastica? ” nahihiya kong sagot.

Medyo nahiya pa ko. Ang ingay mo kasi Ivo.

“Saan mo narinig yan?”

“Sa kaibigan ko po dati. Dito po kasi sila nakatira noon.”

Tinitigan ako ng nanay ni Shirley mula ulo hanggang paa. Pakiramdam ko nag audition ako kung saan at tinitingnan kung bagay ba talaga sakin yung role. Napapailing yung nanay ni Shirley. Bakit kaya? Ayaw ba niya akong kaibigan ng anak niya? Biglang dumating si Shirley.

“Nakahanda na pala yung merienda,” sabay sabay na kaming nagtungo sa sala.

“Sige mauna na kayo may kukunin lang ako sa itaas,” sabi ng nanay niya sa amin.

“Okay.”

“Kinausap ka ba ni mama?”

“Oo, parang ang weird nga ng mama mo eh. Ano ba trabaho niya? Parang kinilatis ako kanina.”

Mukhang natawa pa si Shirley sa sinabi ko.

“Actually simula nung nakita ka niya tanong na siya ng tanong tungkol sayo. Parang kilala ka daw kasi niya, parang nakita ka na daw niya dati.”

Di ko na masyado pinansin yung sinabi ni Shirley at kumin na lang kami.

“Masarap ba?”

“Oo nga eh, san niyo ba binili to?”

Ngumiti si Shirley at parang proud na proud.

“Actually I baked that.”

“Oh really?” nakangiti at nangaasar kong sabi sa kanya.

May naisip ako.

“Uy, may dumi ka sa damit mo.”

Tumingin sa Shirley sa damit niya at hinahanap yung dumi sa dakit niya.

“Saan?”

“Ito oh!”

Bigla ko siyang nilagyan ng icing sa mukha. Nagulat siya at biglang nanlaki ang mata.

“So, ganito pala gusto mo?” mapangasar niyang sabi sa akin.

Bigla niyang inilapat sa mukha ko yung buong cupcake. Tumayo ako at dahan dahang inalis yung mga icing sa mukha ko. Bigla kong inabot yung kamay niya at hinila palapit sakin. Lalagyan ko dapat ng icing yung mukha niya kaso lumalayo siya. Pilit kong dinidikit sa mukha niya pero ayaw talaga. Dahil sa kakulitan namin ay naapakan ni Shirley yung paa ko kaya parehas kaming natumba. Buti na lang natukod ko yung braso ko ya napaupo ako. Tawa kami ng tawa sa nangyari. Puro icing pa yung mukha namin.

“Shirley…” pabulong kong sabi.

Ngumiti siya sakin. Pero bago ko pa masabi yung sasabihin ko ay dumating yung mama niya kaya bigla kaming napatayo.

“Sorry po medyo gumulo dito.”

Medyo nahihiya kong sabi sa mama niya. Parang medyo seryoso yung itsura ng mama ni Shirley.

“No, it’s fine. Shirley mukhang kailangan mo ng pauwiin yung kaibigan mo. We need to talk.”

Diretso at walang emosyon na sabi ng mama niya. Humarap sakin si Shirley at parang ngumiti siya ng pilit.

“Ivo, magkita na lang tayo bukas, pasensiya na,” ngumiti siya pero parang malungkot yung boses niya.

“Cge po mauna na ko.”

Lumabas na ako ng bahay nila pero di pa ako nakakalayo ay tinawag ako ni Shirley.

“Primitivo!”

Nakakunot ang noo ko nang humarap sa kanya. Tumawa lang siya at sumigaw.

“Thank you for making me happy today,” natuwa naman ako sa sinabi niya, buti naman at napasaya ko siya. Kumaway siya at nginitian akong muli at pumasok na siya sa bahay nila.

At sa pangalawang pagkakataon tumibok muli ng malakas ang puso ko.

Casa Fantastica (Part 2)

“Primitivo!”

Lumingon ako at nakita ko si Shirley na nakangiti.

“Teka, yung kapatid ko ba nagsabi sayo niyan?”

“Well, I find your name cute naman,” sabi niya habang natatawa.

Kaya napailing at napatawa na lang din ako.

“Halika, nagpahanda ako ng merienda.”

Matapos kumain ay umalis na kami dahil tumila na din naman yung ulan. Nagpaalam na din kami kay Shirley at mukhang hindi pa to ang huli naming pagkikita.

“Ito ba yung sinasabi mong mabigat? Kahit bata kayang bitbitin tong project mo eh.” Isang box lang pala at di ko maintindihan kung ano ang laman sa loob nitong project nila.

“Wag ka ng magreklamo, mukhang nakaporma ka naman kay Shirley.”

“Nakaporma ka diyan. Ikaw ang bata bata mo pa. Isusumbong kita kay nanay.”

“Aba, wala naman akong sinabing masama. Napaka defensive nito. Ang sabihin mo di ka pa rin maka get over dun sa pinagsasabi mong first love mo na wala namang ibang nakakakilala!”

Biglang bato sakin ni Toyang. Minsan talaga tama din tong kapatid ko eh. Medyo nanahimik tuloy ako sa sinabi niya. Pano totoo naman. Wala akong pinagsabihan ng tungkol kay Aya dati at di ko alam kung bakit. Parang may kung anong pumipigil sa akin noon.

“Akin na kuya, sige na gawin mo na gagawin mo. Salamat.”

“Ganun na lang yon, matapos mo kong gamitin itatapon mo na lang ako basta basta?”

Pag-iinarte ko sa kapatid ko. Sarap din asarin nito eh.

“Ang arte mo kuya, lumayas ka na nga sa harap ko!”

Tinawanan ko lang si Toyang at ginulo ang buhok niya. Syempre lalong nainis sakin hinabol tuloy ako kaya tumakbo na ko agad.

May naalala tuloy ako.

“Aya teka, takbo ka ng takbo, ang kulit mo! Picture ka pa ng picture diyan! Alam ko namang guwapo ako pero tama na yung isang picture,” hinihingal na sabi ko kay Aya.

Natawa lang si Aya at ibinaba na ang camera niya.

“Alam mo Primitivo minsan lang tayo mabuhay kaya dapat kinukuhanan natin ng picture yung mga bagay na importante sayo at ayaw mong makalimutan.”

“Kaya ikaw ipangako mo na kukuha ka din ng maraming litrato,” sabi niya sakin habang kinukuhanan yung likod ng bahay nila.

“Eh ang mahal mahal naman ng mga camera ngayon eh.”

Kahit gustuhin ko man wala akong pera pambili katulad nung camera ni Aya.

“Wala naman akong sinabing ngayon. Eh di pag ipunan mo na lang.” Inabot ni Aya yung camera niya sa akin habang nakangiti.

“Di bale sa 20th birthday ko bibili ako ng sarili kong camera.”

Tumingin ako sa kanya habang hawak hawak ang camera niya. Tumayo si Aya.

“Oh ako naman kuhanan mo,” ngumiti siya.

Naka floral blue siyang bistida na abot sa tuhod. Nakabgsak ang medyo kulot niyang buhok na hanggang baiywang. Nasa likuran niya ang bahay nila, ang casa fantastica kung tawagin niya. Casa lang ang tawag ng lahat dito pero dinugtungan niya ng fantastica. Di ko alam kung bakit pero yun na daw ang tawag niya noon pa.

Kinuhanan ko siya sa unang pagkakataon gamit ang kanyang camera.

Hindi ko malilimutan ang araw na iyon.

Casa Fantastica. Nangingiti ako mag isa. Nasan na kaya si Aya?

“Pre, musta?”

“Musta ka diyan eh nagkita lang tayo kanina.”

“May sasabihin sana ako.”

“Ano na naman? Tungkol dun sa gusto mong ligawan? Ang tagal na niyan diba, baka pasulyap-sulyap ka pa rin.”

Natatawa tuloy ako, may pagkatorpe din tong si Jay eh. Yumuko si Jay at nagkamot ng batok.

“Gusto mo bang batukan kita? Eh kung subukan mo kayang magpakalalake at umamin dun sa babae.”

“Kung makapagsalita ka parang nakaligaw ka na dati.”

Aba, ako na nga tong tumutulong sa kanya biglang sa akin napunta yung usapan.

“Hoy! Ilang beses…”

“O, iyan na namang kuwento mo tungkol dun sa babaeng di namin alam kung inimbento mo ba o ano eh.”

“Bahala kayo kung ayaw niyo maniwala. Basta alam ko kung ano yung totoo.” Sabi ko sa kanya.

“Sige, sinabi mo eh,” nangaasar na sabi sa akin ni Jay kaya binatukan ko.

“Aray naman!”

“Ano, magkukuwento ka ba o hindi? Ganito, tutulungan kita kapag pinautang mo ko.”

“Minsan Ivo di ko alam kung pano ba kita naging kaibigan eh.”

“Ang tunay na magkakaibigan nagtutulangan.”

Inakbayan ko si Jay na tinanggal naman niya kaagad. Di ko alam na nasa tapat pala kami ng Casa. Biglang bumukas yung malaki nilang gate at lumabas si Shirley.

Alam niyo yung mga eksena sa mga pelikula, yung dadaan yung babae tapos biglang hahangin ng malakas at hahanginin yung buhok niya at out of nowhere ay parang may tutugtog na kanta. Ayun, ganun yung nangyari sakin.

“Hoy, Ivo! Nakatulala ka na dyan.”

“Ha, ano?”

“Ang labo nito, sino ba yun?”

“Ah, wala kaklase ni Toyang.”

“Ni Toyang?”

“Oo, ano naman… teka wag mo sabihing…”

Huminto ako sandali at tiningnan siyang mabuti.

“Oo na, nahuli mo na ko,” sabi sakin ni Jay na parang hiyang hiya. Kaya naisipan kong pagtripan siya.

“Jay, bading ka?!”

“G*go hinde! Anak ng pating naman Ivo eh.”

Nanlaki yung mata ni Jay sabay tulak sakin kaya napatawa na lang ako ng malakas.

“So, may gusto ka kay Toyang, sa kapatid ko?” tanong ko sa kanya kahit na medyo natatawa pa ko.

Tumingin sakin si Jay at ngumiti sabay yuko. Arte din minsan ng kaibigan ko eh. Naisip ko.

Pauwi na ako samin nang bigla na namang umulan. Badtrip na bagyo. Buti na lang may payong si Jay. Pagkabukas ko ng payong nakita ko si Shirley sa kanto na mukhang no choice kung hindi suuingin yung ulan dahil wala siyang dalang payong.

“Shirley!”

Tumakbo ako papunta sa kanya pero biglang bumaligtad yung payong ni Jay. Ang swerte ko talaga. Nilapitan ako ni Shirley at parehas na kaming nabasa sa ulan.

“Ano ka ba Ivo, dapat di mo na ko pinuntahan malapit lang naman yung bahay namin.” Sabi niya sakin habang hawak hawak ko sa ibabawa naming yung sirang payong ni Jay.

“Mababasa ka pa rin.”

“Tingnan mo ngayon parehas na tayong basa.”

Ngumiti siya at tumingin sa akin. Ayan na naman yung background music sa utak ko, bigla biglang tumutugtog.

“Ivo!”

“Ha? Ano?”

“Sabi ko maghanap tayo ng masisilungan,” tumawa siya habang umiiling.

Andito kami sa tindahan ni aling Nena, may bubong kasi yung harap ng tindahan niya.

“Anong oras kaya titigil ‘to?”

“Bakit may gagawin ka ba?”

“Wala naman,” sabi niya ng nakatingin sa mga paa niya.

Di na ulit ako nagsalita at pinanood na lang ang pagbuhos ng ulan. Hinayaan kong bumalot samin ang katahimikan sa kabila ng malakas na buhos ng ulan. Habang nakatulala ako ay nagulat ako nang biglang sumandal sa kaliwang balikat ko ang ulo ni Shirley. Pagtingin ko sa kanya ay nakatulog na pala siya. Hindi na lang ako gumalaw para hindi siya magising. Patuloy pa rin ang malakas na pagbuhos ng ulan.

“Aya, umaabon na, di pa ba tayo aalis? Baka lumakas pa to?” tanong ko habang nakatingala. Pumikit si Aya at tumingin sa langit.

“Huwag muna,” sambit niya habang nakapikit pa rin at nakatingin sa itaas.

“Sigurado ka? kasi-” may sasabihin pa sana ako kaso bigla siyang tumayo sa kinauupuan niya.

Bigla siyang tumingin sa akin at ngumiti at nagsimulang tumakbo kasabay ng paglakas na pagbuhos ng ulan.

At sa mga oras na iyon tumibok ng malakas ang puso ko.

Casa Fantastica (Part 1)

“Jack ‘en poy! Jack ‘en poy!”

“Ano yan?”

Imbis na papel, bato o gunting yung makita ko eh ‘di ko malaman kung ano ang ginawa ni Jay sa mga daliri niya.

“Baril.”

“Anong baril?”

“Basta talo ng baril ‘yang papel mo,”

“Anak ng! anong laro ba ‘to?”

Kapag ako pinagloloko na naman nito. Inuuto lang ata ako ni Jay.

“1-0 na. Up to 5 na lang kawawa ka naman eh,”

Kinaawaan pa ko. Pasalamat ‘tong si Jay kaibigan ko siya.

“Jack ‘en poy!”

“O! wag mo sabihing kidlat yan?”

“Galing ah, pano mo nahulaan? O, talo ka ulit wasak yang bato mo sa kidlat ko,” sabay tawa niya ng malakas.

“Eh, naglolokohan na lang tayo dito eh. Papautangin mo ba ko o hindi?”

“Pag nanalo ka nga papautangin kita,”

“Ewan ko sayo! Sa iba na lang ako mangungutang.”

Umalis na ako at naririnig kong tumatawa si Jay. Loko loko talaga yun.

“Talo ka lang kaya ka ganyan,” sigaw niya habang natatawa.

Bakit ko ba kasi binigay kay Toyang yung ipon ko. Ah, kasi kuya niya ko at wala akong choice. Hay nako Ivo kung di ka magmamatigas kahit minsan eh baka masanay yung spoiled mong kapatid at kapag di ka pa titigil sa pakikipagusap sa sarili mo ay baka matuluyan ka na. Papasok pa lang sana ako sa bahay namin nang bigla lumabas yung nanay ko.

“Hoy, Primitivo!” bungad ng mapagmahal kong nanay sa akin.

Napakaganda talaga ng pangalan ko. Di ko alam kung saan hinugot ng mga magulang ko.

“Kung saan saan ka nagpupunta, yung mga sinampay sabi kong kunin mo na eh!” tinuro ni nanay yung mga sampay na nakasabit kanina pa.

“Nay sinabi ko ng huwag niyo na bubuuin yung pangalan ko eh. Ang panget.”

“Bakit kalian ka ba gumuwapo?”

Biglang banat ng nanay ko sakin. Aray naman, mahal na mahal talaga ako ng nanay ko.

“Nay salamat ah, grabe. Nanay ko talaga kayo.”

Alam kong hindi ako ganoon kaguwapo parang Piolo Pascual na Coco Martin lang naman. Pero kung makalait yung nanay ko parang walang bukas. Sa pangalan ko pa lang nga kotang kota na. Tunog mayaman nga, lumang luma naman.

“Hoy! Yung mga sinampay malapit ng umulan!”

“Si Toyang na lang Nay, may pupuntahan pa ko.”

“San ka na naman pupunta? Bumalik ka dito!”

Balak pa ata akong habulin ni nanay kaya tumakbo na ko.

“Sige Nay babalik ako bago maghapunan!”

Wala naman talaga akong pupuntahan. Talagang tinatamad lang ako sundin yung utos ng nanay ko. Maghahanap na lang ako ng mauutangan. Loko loko kasi yung si Jay, kung kinausap lang ako ng matino e di wala na akong problema ngayon. Kailangan ko talaga mabili yung camera bago ako mag birthday. Nangako ako kay Aya.

“Aling Nena!”

“Nako Ivo wala pa kong kita ngayon.”

Manghuhula ata tong si aling Nena.

“Wala pa nga ho akong sinasabi.”

“Kilala na kita. Ano na naman ba problema mo?”

“Gusto ko po bilin yung camera na gusto ko para sa birthday ko kaso binigay ko kay Toyang ipon ko pang tuition niya.”

“Mabait ka din pala,” parang nangaasar yung tono ni aling Nena.

“Ano naman akala niyo sakin? Nakakasakit naman ho kayo.”

“Tumigil ka nga diyan Ivo, dun ka na sa iba manggulo.”

Babalik sana ako kina Jay at baka magbago ang isip at pahiramin ako ng pera kaso biglang nakasalubong ko si Toyang.

“Kuya! Samahan mo ko sa kaklase ko.”

Hawak na niya yung kamay ko kahit di pa ako pumapayag.

“Bakit ba bigla bigla ka na lang sumusulpot?! Saka di pa ko pumapayag.”

“Basta kuya, mabigat yung kukunin ko sa kanya eh.”

Okay din tong kapatid ko, ginawa akong kargador.

Ayos pala tong kaklase ni Toyang, mukhang mayaman. Dito nakatira sa Casa. Sila ata yung bagong lipat. Ang lakas talaga maka Spanish era ng lugar na to.

At bago pa man kami nakapasok sa bahay ay bigla ng bumuhos ang malakas na ulan. Badtrip. Kumatok na si Toyang. Buti at may silong. Sinalubong kami ng isang magandang babae. At kapag sinabi kong maganda, yung nakakatulalang ganda. Ito siguro yung kaklase ni Toyang.

“Toni!” tawag ng kaklase ni Toyang sa kanya. Instant sosyal si Toyang dito ah.

“Toni pala ah,” pabulong kong sabi kay Toyang at bigla niya akong siniko.

“Sana nag text ka para ako na lang nagdala sainyo ng project natin,” sabi ng magandang kaklase ni Toyang.

“Puwede naman pala siya magdala, pinasama mo pa ko!” pagrereklamo ko.

“I’m sorry kung naabala pa kayo. Pumasok muna kayo, baka magkasakit kayo niyan.” Pinapasok na kami sa loob ng bahay at mas maganda at mas malaki pala to sa loob.

“Ito nga pala yung kapatid ko Shirley, si Primi-“

“Ivo na lang.” biglang singit ko sa kanila.

Habang naguusap yung dalawa, nagpaalam akong magbabanyo pero ang totoo niyan gusto ko lang talaga mag sight-seeing sa loob ng bahay nina Shirley.

Parang mga bahay ng mga mayayamang kontrabida sa isang teleserye. Ang totoo niyan matagal na tong bahay na to na nakatayo dito samin. Marami na ring tumira dito pero di rin nagtatagal mga 1 o 2 taon na siguro pinakamatagal. Sa buong buhay ko ngayon lang ako nakapasok dito. Madalas akong sa likod bahay dati at minsan sa gate lang ako. Pa tambay tambay. Naghihintay kung babalik pa siya. Si Aya.

“Aya, bakit ayaw mo pumunta sa ibang lugar? Bakit parati ka lang nandito sa likod bahay niyo. Hindi naman sa hindi maganda dito pero mas maganda pa nga dito kaysa sa bahay namin eh.”

“Natatakot kasi ako,”

“Saan naman?”

“Sa maraming bagay. Saka hanggang dito lang talaga ako.”

Humarap siya sa akin at ngumiti kahit nararamdaman kong malungkot siya.

Hindi na ko nagtanong ulit at inenjoy ko na lang ang oras na magkasama kami ni Aya.

Signs (Guy’s POV)

                Hindi ka makapaniwala sa ginawa ng babaeng nasa harapan mo ngayon. Hindi mo akalaing may gagawa ng ganun sa iyo. Nakaupo na siya ngayon sa harapan mo at ‘di mapakali kaya medyo natawa ka na naging dahilan para mas mahiya siya. Napangiti ka na lang at inisip kung bakit ngayon mo lang nakita ang babaing ito sa bar.

            Mahilig ka din kumanta dati simula bata ka hanggang sa nagbinata ka na. Noong nasa kolehiyo ka ay bumuo ka ng banda at kahit kakaumpisa niyo pa lang ay maraming bar na ang kumukuha sa inyo. Maayos ang lahat hanggang sa dumating ang araw na nagpabago ng buhay mo. Gumising ka na lang isang araw at wala ka nang marinig. Lahat na ng klase ng tests ay ginawa sa iyo, blood test, hearing test, kahit CT scan at MRI ay ginawa na sa iyo pero hindi malaman ng mga doctor ang dahilan ng biglaan mong pagkawala ng pandinig. Pinagpalagay na lang nila na baka ang sanhi ng pagkabingi mo ay dulot ng malalakas na tunog na nililikha at naririnig niyo kapag tumutugtog sa mga bar. Hindi na raw bago ang nangyari sa’yo, maraming kaso na rin ng sudden deafness ang hanggang ngayon ay hindi malaman ang dahilan at dahil sa hindi kayo ganon kayaman ay hindi na kayo nagpatingin pa sa espesiyalista sa pag aakalang baka bumalik din naman ang pandinig mo dahil sa mga nabasa mong kuwento ng ibang nabiktima ng sudden deafness na ngayon ay nakakarinig na. Pinilit mong maging positibo sa kabila ng nangyayari sa’yo. Sa paglipas ng linggo, buwan at taon ay napapansin mong unti-unting nagbabago ang lahat. Ang mga taong inakala mong hindi ka iiwan ay iniwan ka. Hindi ka na rin umasa na makakarinig ka pa ulit.

            Bigla kang nagulat nang may makita kang kamay na kumakaway sa harapan mo. Pagtingin mo sa babae ay nakangiti siya pero may bakas ng pagtataka sa mga mata niya. Kanina ka pa siguro nakatulala at ‘di mo napapansin kung may sinasabi ba yung babae sa harapan mo. Nagsorry ka sa kanya at nginitian ka lang niya. Biglang may naalala ang babae at tumayo at sinabing maghintay ka lang daw at may kukunina siya.

            Napansin mong kumukuha siya ng pagkain at natuwa ka sa ginawa niya. Simula noong nabingi ka ay hindi ka na pumupunta sa mga lugar na nagpapaalala sayo ng pagkanta at pagtugtog ng banda niyo. Pero kada dumadaan ka sa bar na ito ay ‘di mo maiwasang mapangiti dahil dito kayo unang tumugtog at nakilala. Matagal bago mo napagdesisiyunang pumasok ulit sa bar at sa pagpasok mo ay bumalik lahat ng alaala. Kasabay ng mga alaalang iyon ang lungkot at ang katotohananang hindi mo na mauulit ang mga ginagawa mo noon. Simula noon ay araw-araw ka nang tumatambay sa bar, hindi mo man aminin sa sarili mo ay naiinggit ka sa mga banda na gabi-gabing tumutugtog kaya naman kapag nasa loob ka na ng bar ay pilit mong iniiwasan ang mga tao sa loob at hindi binibigyang pansin ang mga kumakanta o tumutugtog sa stage dahil ano pang saysay sa panonood kung hindi mo naman sila naririnig. Sa totoo lang ay ‘di mo din alam sa sarili mo kung bakit patuloy ka pang pumupunta sa bar kung wala ka rin namang ginawa doon kung hindi kumain at tumambay na tulad lang din ng ginagawa mo sa bahay niyo. Siguro nga hindi ka pa nakakamove on kahit ilang taon na ang nakalipas simula noong mabingi ka at hanggang ngayon ay patuloy ka pa ring umaasa na balang araw ay magagawa mo ulit ang mga bagay na hanggang ngayon ay gustong gusto mo pa rin gawin. Ang pagpunta sa bar na ito ay ang parang pag-asa mo o ang natitirang bahagi ng nakaraan mong gustong balikan na tila ba na sa bawat gabi na andito ka ay parang may isang bagay na tutulong sa’yo na bumalik sa dati at maging buo muli. At siguro ito na ang araw na muling magbabago ang buhay mo.

            Bumalik na ang babae sa harap mo na may dalang pagkain, ang pagkain na parati mong inoorder. Nakatingin ka lang sa kanya habang inaayos niya sa lamesa ang pagkain. Iniisip mo na kaya ‘di mo siguro napansin agad ang babaeng ito noon ay dahil sa pagiging loner mo at masyadong pagiging takot sa mga bagay na ‘di mo handang tanggapin sa iyong sarili na tuluyan mo nang inilayo ang sarili mo sa mga nangyayari sa iyong paligid sa pagaakalang wala rin namang makakaintindi sa nararamdaman mo. Mas pinili mong mamalagi sa sariling mong mundo kahit na gustong gusto mong makalaya at ibalik sa normal ang lahat na hindi mo magawa dahil bingi ka na.

            Lucy. Lucy ang pangalan niya. Nagkamali pa siya sa huling letra at imbis na letter “Y” ay I love you ang nagawa niya. Nagtaka ka nung una pero nagets mo naman agad kaya natawa ka at medyo napahiya siya kaya namula ang kaniyang pisngi. Kahit hindi pa siya ganun kagaling mag sign language ay makikita mo sa kanya na gusto talaga niya matuto at hindi agad siya sumusuko.

            Liwanag. Iyon ang ibig sabihin ng pangalan niya. Liwanag na pakiramdam mo magbibigay daan sa’yo palabas sa mundo mo na binalot mo sa kadiliman. Bingi ka hindi bulag pero pakiramdam mo ay matagal ka naging bulag at nagmaangmaangan sa mga bagay sa paligid mo. Andiyan lang pala sa tabi mo ang magbibigay liwanag sa buhay mo pero pinili mong hindi ito pansinin. Ngayon nasa harap mo na ito at kahit wala ka mang naririnig ay nararamdaman mo ang sayang nararamdaman niya.

            Signs. Siguro nga ‘di kayo agad magkakaintindihan sa sign language pero sa tingin mo isa itong sign na nagpapahiwatig na hindi lahat ng bagay ay agad mong makukuha o makakamit dahil kailangan mong magsikap at maging pursigido para maabot ang mga ito.

Signs (Girl’s POV)

            Dirediretso kang pumasok sa loob ng bar at umakyat sa stage. Naririnig mo ang kanta ng Eraserheads na tumutugtog. Inagaw mo ang mikropono sa lalaking kumakanta at pinahinto ang buong banda. Napatigil ang lahat sa kanilang mga ginagawa at napatingin sa iyo. Ang lahat ay nagaabang sa gagawin mo maliban sa kanya na patuloy pa ring nakatingin sa cellphone na parang wala siyang pakialam sa mga nangyayari sa kanyang paligid na medyo totoo naman. Pinapatay mo ang ilaw at pinatutok ang spotlight sa lalaking may dahilan kung bakit ka nasa stage ngayon, kung bakit ka napuyat ng ilang araw, kung bakit sobrang pinagpapawisan ka sa kabila ng malakas na aircon ng bar. Tumingin na siya sa iyo at biglang bumilis ang tibok ng puso mo, mas mabilis pa noong una mo siyang nakita sa bar na ito. Akala mo magcocollapse ka na pero kailangan mong ituloy ito kahit pa nanginginig ang mga kamay mo. Ngumiti ka at kinalimutan ang lahat ng pagaalinlangan at kabang nararamdaman mo.

            Alas singko medya na at malapit nang matatapos na ang shift mo. Makakapagpahinga ka na matapos ang halos labindalawang oras na trabaho na dapat ay anim lang. Kung hindi nagkasakit ang katrabaho mo ay malamang nakahilata ka na sa kama ngayon at nanonood ng Mockingjay part 1 na kakadownload mo lang. Habang iniisip mo kung anong kakainin habang pinapanood yung pelikula ay biglang may nanggulat sa’yo at muntik nang mahulog ang hawak mong tray. Sinigawan ka ng boss mo dahil nakatulala ka na naman sa kawalan na madalas mong ginagawa sa trabaho mabuti na lang at ‘di ka pa tinatanggal. Agad mong inilapag ang tray sa may lamesa at inumpisahan na ulit ang paglilinis. Ligpit dito, ligpit doon, punas dito, punas doon tapos wiwisikan ng spray at pupunasan ulit. Matapos ang isang lamesa yung kabila naman. Araw-araw paulit-ulit na lang pero wala ka rin namang mairereklamo dahil pinapasuweldo ka naman ng tama at kailangan mo ng pera. Biglang tumunog ang wind chime na nagsasabing may bagong customer ulit o kaya dumating na ang kapalit mo at makakauwi ka na’t makakahiga sa malambot mong kama. Tumingin ka sa pinto at nakita ang lalaking pumasok. Napahinto ka sa ginagawa mo at biglang bumilis ang tibok ng puso mo.

            Wala ka namang sakit sa puso pero sobrang bilis at lakas ng tibok ng puso mo. Ang kaninang ‘di mo pinapansin na pagkanta ng banda sa stage ay dinig na dinig mo na at parang mas lumakas pa ngayon. Siguro ni Yeng Constantino ang kinakanta nila at para kang nasa isang music video. Saktong pagdating sa chorus ay dumaan sa harap mo ang lalaking may dahilan kung bakit maaari kang mamatay ng maaga. Umupo siya sa may gawing kaliwa ng stage at inumpisahang basahin ang menu. Nakita mo ang boss mong lumabas sa kanyang opisina kaya bumalik ka ulit sa paglilinis ng lamesa. Kung kanina ay gustong gusto mo nang umuwi at magpahinga ngayon ay parang papayag ka nang magtrabaho ng anim na oras pa makita at makanakaw lang ng tingin sa lalaking pumukaw ng atensiyon mo at malamang magkaroon ng puwang sa puso mo.

            Hindi mo alam kung matutuwa ka o hindi dahil malapit ng mag alas siyete at wala pa rin yung kapalit mo. Kung sa normal na araw siguro ay inis na inis na ka na sa katrabaho mo pero sa sitwasyon ngayon ay malaki ang pasasalamat mo sa kanya. Sa halos isang oras na pamamalagi ng lalaki dito sa bar niyo ay ‘di mo man lamang siya nakitang ngumiti. Nagbabasa siya ng libro habang kumakain, paminsan minsan naman ay tumitingin siya sa cellphone niya at magtetext. Patuloy ka pa ring naglilinis ng mga lamesa kahit na sinabi na ng boss mo na pwede ka ng magpahinga habang wala pa ang kapalit mo. Sinabi mo na ayos lang at hindi ka pa naman napapagod kahit lagpas labindalawang oras ka nang nagtatrabaho. Pasado alas siyete na at dumating pa yung katrabaho mo at agad siyang lumapit sayo at nagsorry, sorry daw dahil hindi tumunog yung alarm niya, sorry dahil traffic sa EDSA, sorry dahil naginuman pa daw sila ng mga kaibigan niya kagabi at kung ano-ano pang dahilan na mukhang inimbento lang niya. Imbis na kuwestiyunin mo siya ay tinanong mo pa siya kung bakit andoon na agad siya at sana ‘di muna siya dumating. Nagtaka yung katrabaho mo pero ‘di ka na niya pinansin at kinuha na sa kamay mo ang hawak mong tray kahit na hindi pa siya nagbibihis ng uniporme. Sinundan mo na siya sa loob at nagpalit ka na ng damit at inayos ang gamit mo. Bago ka lumabas ng bar ay sumulyap ka muna sa lalaking kanina mo pa tinitingnan at ngumiti. Tapos na siyang kumain at nagbabasa na lang siya ng libro na nakakunot ang noo. Hinihiling mo na sana ay bumalik siya bukas at kapag nangyari iyon ay magkaroon ka na sana ng lakas ng loob na lapitan siya.

            Kinabukasan ay nakiusap ka sa boss mo na ilagay ka sa night shift, nagdahilaan ka ng kung ano-ano mapapayag mo lang siya. Hindi pa agad pumayag yung boss mo at sinabing pag-iisipan daw niya. Malapit na ulit matapos ang shift mo at wala pa din yung kapalit mo. Ipinagdasal mo na ‘di na siya dumating at ikaw na lang ang ipalit sa kanya. Kada taong pumapasok sa bar ay tinitingnan mo, hinihintay mo siyang bumalik at umaasa na sana hindi kagabi ang una at huling punta niya. Habang naglilinis ka ng lamesa ay nilapitan ka ng boss mo at napansin mo na parang may problema siya. Biglang niyang sinabi na papayag siyang ilagay ka sa night shift sa isang kundisyon. Nagpintig ang tainga mo sa iyong narinig at pumayag ka agad kahit ‘di mo pa naririnig ang kundisyon. Ngumiti ang boss mo at hinawakan ka sa magkabilang balikat at tinulak papunta sa may stage. Hindi mo alam kung bakit ka niya dinala sa stage at biglang inabutan ng mikropono. Inamin niya na hindi makakarating ang banda na nakaschedule ngayong gabi kaya ikaw na lang daw ang kumanta. Nanlaki ang mga mata mo at pilit na ibinabalik ang mikropono sa boss mong akala ata si Sarah Geronimo o si Yeng Constatino ka na puwede na lang kumanta ng biglaan. Hindi ka naman talaga ganun kagaling kumanta pero hindi  rin naman ganun kapanget ang boses mo. Alam ng boss mo na kumakanta ka dahil sa pagsama mo sa videoke nung birthday niya na ngayon ay pinagsisisihan mong pumunta ka. Nakiusap na ang boss mo at ‘di mo rin siya masisisi dahil pumayag ka na din kanina at babayaran ka din naman daw niya kaya kahit dinadaga na ang dibdib mo ay wala ka ng nagawa kung hindi humarap sa lahat ng tao sa bar at inilagay ang mikropono sa stand. Huminga ka ng malalim at inumpisahan ng kumanta.

            Hindi mo akalaing mula sa paglilinis ng mga lamesa at pagkuha ng order ng mga costumer ay mapupunta ka sa stage. Sa umpisa ay nanginginig pa ang boses mo at nagbabalak ka pang umalis sa stage at tumakbo papuntang banyo at doon magtago hanggang umalis lahat ng tao pero nang tumagal ay naging kumportable ka na din at habang kumakanta ka ay pumasok siya, ang kanina mo pang hinihintay. Hindi ka tumigil sa pagkanta at sinundan lang siya ng tingin hanggang sa makaupo siya sa puwesto niya sa may kaliwa ng stage. Sa buong pagkanta mo hanggang sa matapos ito ay hindi man lang siya tumingin sa’yo kahit pumalakpak sa dulo ay ‘di niya ginawa para bang wala siyang pakialam sa mga nangyayari sa paligid niya. Medyo nagtaka ka at inisip kung panget ba ang boses mo o baka ayaw niya lang ang kinanta mo. Tinawag ka na ng boss mo at nakita mong dumating na ang kapalit mo. Hindi mo na lang pinansin ang lalaki at inisip na baka may problema ito o masama ang pakiramdam. Malungkot kang umuwi kahit na dinagdagan pa ng boss mo yung bayad sa pagkanta mo dahil nagustuhan ka ng mga costumer at pinayagan ka na kumanta sa stage kapag gusto mo. Dapat masaya ka pero ‘di mo maalis sa isip mo ang lalaki kanina. Napagdesisiyunan mo na gagalingan mo pa ang pagkanta bukas at sa susunod na mga araw para mapansin ka niya. Napasuntok ka sa hangin at napasigaw ng “Go, fight!” kaya napatingin tuloy yung mga taong nakakasalubong mo. Ibinababa mo agad yung kamay mo at natawa. Iniisip na siguro ng mga tao na nababaliw ka na. Hindi mo na sila pinansin at umuwi na agad para mapaghandaan ang pagkanta mo bukas.

            Alas singko pa lang ay pumunta ka na sa bar kahit na alas sais pa ang pasok mo. Inagahan mo talaga dahil excited ka, ‘di naman masyadong obvious sa one hour advance mong pagpasok pero ‘di ka talaga mapakali hangga’t ‘di mo nagagawa ang kailangan mong gawin. Kanina ka pa lakad ng lakad pati ang boss mo nahihilo na sa’yo. Alam ng boss mo ang tungkol sa lalaking gusto mo kaya naman sinusuportahan ka niya. Nang dumating na siya agad ka ng pumunta sa stage at naghandang kumanta. Tulad ng dati diretso lang siyang pumunta sa upuan niya, binasa ng sandali ang menu at nagbasa na ng libro. Para siyang may sariling mundo at parang wala ata talagang alam sa nangyayari sa paligid niya. Inumpisahan mo ng kumanta at nakatingin ka lang sa kanya. Tadhana ng Up Dharma Down ang pinili mong kanta dahil sa tingin mo ay baka magustuhan niya ito. Sa buong kanta ay nakayuko lang ang lalaki at nagbabasa habang kumakain. Natapos mo na ang kanta pero parang wala siyang narinig. Nagpalakpakan lahat ng customer maliban sa kanya. Naisip mo na baka ‘di siya mahilig sa tagalog na kanta o ‘di lang talaga siya mahilig sa music. Gusto mo man siya lapitan ay wala ka pa ring lakas ng loob na gawin iyon. Itutuloy mo na lang ang pagkanta at baka mapansin ka din niya, ‘di man ngayon baka sa ibang araw.

            Mas dumami ang customer ng bar niyo dahil sa gabi gabi mong pagkanta. Dumami ang humanga sa iyo, lahat ay napapansin ang talento mo maliban sa isang tao. Ilang gabi ka na ding kumakanta at sa bawat gabi na iyon ay parang wala ka sa harapan at hindi kumakanta. Pakiramdam mo hindi ka nageexist sa mundo niya. Nagbabasa lang siya ng libro, minsan nagtetext sa cellphone o kaya naman ay may ginagawa sa laptop niya. Ngayon ay kakanta ka ulit, pinili mo yung kanta ni Keira Knightley na A Step You Can’t Take Back sa pelikulang Begin Again. Hindi mo alam kung kakanta ka pa pagkatapos ngayong gabi pero may kung anong bagay ang nagsasabi sa iyong ‘wag ka tumigil sa pagkanta. Humingi ka ng sign na kung ‘di ka pa rin niya mapapansin o kahit sumulyap man lang sa’yo ay titigil ka na sa pagkanta. Gusto mong maging masaya habang kumakanta pero ‘di mo maiwasang maging malungkot dahil malapit na matapos ang kinakanta mo at kahit isang tingin man lang sayo ay wala. Napayuko ka na lang pagkatapos mong kumanta. Bumaba ka na agad ng stage at inabot agad ang mikropona sa boss mo. Nagpapalakpakan pa rin ang ibang customer at gustong gusto nila ang pagkanta mo. Alam mong walang mali sa iyo at sa mga kinakanta mo baka talagang ‘di lang interesado sa’yo yung lalaki. Minsan hindi iyon tungkol sa pagkanta ng tamang awitin kung hindi sa pagkanta sa tamang tao. Sa tao na parang bingi sa lahat ng naririnig niya.

            Bumalik ka na lang sa paglilinis ng lamesa at kahit alam mong hindi ka naman niya napapansin ay parati ka pa ring sumusulyap sa kanya at nagbabakasakaling titingin din siya sa’yo at mapapansin ka din niya. May customer na pumasok at dumiretso sa puwesto ng lalaki at umupo sa harapan nito. Hindi mo na lang sana sila papansinin at maglilinis na lang ulit nang may napansin ka sa pag-uusap nilang dalawa. Ayun mismo ang kakaiba sa kanila, ang mismong pag-uusap nila. Imbis na magsalita sila ay ginagalaw nila ang mga kamay nila at parang nagsesenyasan. Napatigil ka ng sandali at napangiti.

            Gumaan ang pakiramdam mo. Lahat ng tanong sa utak mo ay biglang nawala at unti-unti mong naintindihan lahat. Gusto mo siyang lapitan at kausapin pero ‘di mo alam kung paano. Paano kung hindi kayo magkaintindihan, paano kung mawirduhan siya sa’yo at biglang lumabas ng bar at hindi na bumalik. Hindi mo alam ang gagawin mo at nahihiya ka. Sa tagal mong paghihintay sa atensiyon niya at makausap siya ay ‘di mo napaghandaan ang araw na ito lalo na’t naiba ang sitwasiyon at ikaw dapat ang mas maging intindihin at gumawa ng unang galaw para tuluyang mapansin at makilala ka niya. Sa bawat oras na nagdadaan ay unti-unti kang nawawalan ng pag-asa. Hindi ganoon kadali matuto ng sign language pero para sa taong gusto mo ay gagawin mo ito. Nagdadalawang isip ka kung hahangaan mo na lang ba siya sa malayo o mag-aaral ng sign language para mas maintindihan at makilala mo siya. Hanggang sa makauwi ka ay iniisip mo ito. Kinabukasan ay nagpunta ka sa computer shop at naghanap ng tutorial sa youtube. Medyo madali sa unang tingin pero habang patagal ng patagal ay pahirap naman ng pahirap. Hindi ka matututo sa simpleng panonood ng tutorial sa youtube, kailangan mo ng totoong tao na magtuturo sa iyo pero sino at saan? Naglalakadlakad ka at natutulala ka sa kaiisip nang biglang may dumikit na papel sa sapatos mo. kinuha mo ito at binasa. Napangiti ka na lang at napailing. Hindi mo alam kung nagkataon lang ang mga nangyayari o nakaplano ang lahat. Nakasulat sa papel, “School for the blind, deaf and mute now accepting applicants for more information contact this number…”

            Bago ka pumasok sa trabaho ay pumunta ka sa eskuwelahan, ‘di mo alam kung paano mo sasabihin sa mga tao doon ang dahilan kung bakit ka nandoon. Habang papunta ka sa opisina ay may nakasalubong kang batang umiiyak at nakita mong may sugat siya sa tuhod. Nilapitan mo siya at tinanong kung ayos lang siya pero hindi siya sumagot at tinitigan ka lang. Hindi mo alam kung paano mo siya kakausapin kaya nagthumbs-up ka na lang at tinuro mo yung tuhod niya kahit na mukha kang tanga na sumesenyas. Umiling yung bata kaya naman tinulungan mo siyang maglakad papunta sa clinic nila kung saan man yun. Habang papunta kayo sa clinic ay biglang may teacher na nakakita sa inyo at kinausap niya ang bata gamit ang sign language. Hindi mo sila naintindihan pero nginitian mo na lang yung teacher at sinamahan na kayo sa clinic. Nakaupo kayo sa waiting area ng clinic at hinihintay na malinis ang sugat ng bata. Naisip mong pagkakataon mo na ito para kausapin yung teacher at humingi ng tulong. Kinuwento mo lahat lahat sa kanya at ang balak mong gawin. Natawa yung teacher siguro dahil medyo kakaiba yung kuwento mo at bumilib siya sa mga ginawa mo at gagawin mo pa lang. Pumayag yung teacher na tulungan ka dahil gusto daw niya malaman ang kalalabasan ng gagawin mo at minsan lang daw siya makasaksi ng ganitong klaseng love story kung love story nga ang matatawag dito.

            Kada umaga bago ka pumasok sa trabaho ay dumidiretso ka muna sa school upang matuto ng sign language. Naging kaklase mo ang mga batang deaf at mute at sa panahong kasama mo sila ay sumasaya ka at minsan ay nakakalimutan mo kung bakit ka nag-aaral ng sign language. Nawawala ang pagod mo sa trabaho kapag kasama mo sila. Halos isang linggo na ang nakalipas simula ng magumpisa kang mag-aral at marami ka ng natutunang mga salita. Nageensayo ka sa bahay, lahat ng mga natutunan mo ay inuulit-ulit mo para mas maalala mo at hindi ka magkamalai kapag dumating ang panahon na haharapin mo na ang lalaking nagpabago sayo, ang lalaking binigyan ng kulay ang buhay mo at binigyan ka ng panibagong pangarap na magturo sa mga deaf at mute na gusto mong matupad.

            Naghanda ka ng isang kantang balak mong kantahin sa harap niya habang nagsisign language. Kinakabahan ka hindi dahil sa baka magkamali ka kung hindi baka hindi ka pa rin niya pansinin at mawalan ng saysay ang lahat ng pinaghirapan at pinagaralan mo. Nang gabing iyon may sikat na bandang inimbitahan ang may-ari ng bar kaya naman siguradong mapupuno ang bar. Nakaplano na ang lahat, humingi ka ng tulong sa boss mo at sa iba mong katrabaho upang maging maayos ang lahat. Mga magaalas sais ng gabi ay pumunta ka na sa bar at sa labas pa lang ay sobrang haba na ng pila mabuti na lang at may i.d. ka at madali kang makakapasok. Pagkalapit mo sa harapan ng bar ay napansin mong iba ang bouncer na nasa may pinto, malamang kumuha sila ng iba para sa seguridad ng banda. Papasok ka na sana nang bigla kang hangarin ng isang bouncer at hinanap ang i.d. mo. Nginitian mo lang siya kahit na sobrang nakakunot ang noo ng bouncer. Kinuha mo sa bag mo ang i.d.mo pero ‘di mo ito makapa. Nginitian mo ulit ang bouncer at binuksan mo ulit ang bag mo para hanapin ito. Sumuko ka na sa paghahanap malamang ay naiwanan mo yung i.d. mo sa sobrang aligaga na makapunta na dito sa bar na mukhang ‘di ka naman makakapasok. Nakiusap ka sa mga bouncer pero hindi ka nila pinapansin. Paulit-ulit mong sinasabi na dito ka nagtatrabaho pero mukhang wala talaga silang balak na papasukin ka. Alas siyete na at nasa labas ka pa rin, hindi mo makontak ang boss at mga katrabaho mo. Walang signal dito sa bar o kaya naman ay nakapatay ang mga telepono nila. Napaupo ka na lang sa may gilid ng bar at naghihintay ng milagro at maya-maya pa ay biglang may dalawang lalaking nagsuntukan kaya naman to the rescue ang dalawang bouncer. Ginamit mo ang pagkakataong ito upang makapasok sa loob. Bago ka pa man mahuli ng mga bouncer ay dirediretso  ka nang pumasok at pumunta sa stage. Wala ka ng oras na pinalampas, this is now or never. Inagaw mo sa lalaking kumakanta ang mikropono at kahit na sobrang bilis at lakas ng tibok ng puso mo ay humarap ka na sa lahat ng tao na ngayon ay nakatitig sayo. Pinapatay mo na ang lahat ng ilaw at pinatutok ang spot light sa lalaking may pasimuno nitong lahat. Napatingin siya sayo, iyon ang unang beses na tumingin siya sayo at sobrang kinakabahan ka. Kung naririnig lang ng iba ang tibok ng puso mo malamang ay hanggang sa labas ng bar ay rinig ito. Ang napili mong kanta ay ang kantang narinig mo noong una mo siyang nakita, ang kanta ni Yeng Constatino na Siguro. Habang kumakanta ka ay sinasabayan mo naman ng sign language para maintindihan niya ang kinakanta mo at ang gusto mong sabihin sa kanya. Nakatingin ka lang sa kanya hanggang sa matapos ang kanta. Nawala ang kabang nararamdaman mo dahil sa unang pagkakataon ay pinapanood ka na niya at napapangiti mo rin siya. Natapos mo na ang kanta at nagpalakpakan ang lahat kasama siya. Pinapalapit ka niya sakanya at pinapaupo sa harapan niya. Medyo nahihiya ka pa pero ito na ang matagal mo ng hinihiling kaya hindi ka na nagpatumpiktumpik pa at umupo na sa harapan niya.

*****