Ang Paglipad ng Batang Manlalakbay

18518151_10203124716355333_3429466138363777673_oHindi lahat ng tao lalo na ng mga bata ay may kakayahang maglakbay o pumunta sa iba’t ibang lugar kaya’t kung minsan nahahadlangan ang kagustuhan nila na tumuklas ng mga bagay na ngayon lang nila mararanasan. Kadalasang nagiging hadlang ang kawalan ng pera o kaya naman ang hindi pagsuporta ng sarili nilang magulang. Gusto kong dalhin sila sa mga lugar na hindi nila mapupuntahan at maglakbay sila gamit lamang ang pagbabasa at ang kanilang imahinasyon. Tulad ng pangarap kong makapunta sa iba’t ibang lugar at malibot ang mundo ay gusto kong makita nila ang mundo sa pamamagitan ng pagbabasa. Gusto kong makita rin nila ang kuwento sa kanilang paligid. Gusto kong maniwala pa rin sila sa mahika, fairy tales at mga kagila-gilalas na mga bagay kahit maraming nagsasabi sa kanila na hindi ito totoo. Kung minsan ang pagtakas sa realidad at ang pagpunta sa fantasy ang siyang nagiging sagot ng mga bata upang makaalis sa mga malulungkot o masasakit nilang karanasan, na ang sandaling pagtakas nilang iyon ang magpapasaya at makapagliligtas sa kanila mula sa kanilang mga problema. Ang mga bagay na ito ang siyang mas magpapatalas at mas huhubog pa sa kanilang imahinasyon na magagamit nila sa kanilang paglaki. Ayon sa sinipi ni Rene Villanueva kay Bruno Bettelheim sa aklat nitong The Uses of Enchantment (1976), “anuman ang ating edad, ang mga kuwento lamang na sumasang-ayon sa mga prinsipyo ng pag-unawa natin sa mga bagay ang mga kuwentong tunay nating pinaniniwalaan.” Nagtitiwala ang bata sa fairy tales at sa tradisyunal na kuwentong pambata dahil ang “pananaw nito sa daigdig ay tulad ng pananaw nila.” (Villanueva, 2006, p. 26). Madaling magtiwala at maniwala ang mga bata lalo sa mga bagay na naiintindihan nila at nakakaugnay sila. Agad na nahuhulog ang mga loob ng mga bata sa mga fairy tale na nababasa at napapanood nila dahil sa naiibang lapit nito at pananaw mula sa nakasanayan ng isang bata sa totoong mundo.

Hindi lang basta makakapaglakbay ang mga bata kung hindi matutuklasan din nila na kahit mga bata sila ay kaya din nilang sagutin ang mga tanong na hinahanapan nila ng sagot nang mag-isa. Isa lang ang kailangan nila, ang magtiwala sa sarili at susunod na rin ang iba. Kung sa murang edad pa lang ay pinipigilan na ang mga bata na gamitin ang kanilang imahinasyon ay ano na lang kaya ang kanilang magiging kinabukasan? Ang imahinasyon ng isang tao ay isang malaking aspekto ng ating buhay na maaaring magdulot ng malaking pagbabago o pag-unlad ng isang tao o ng mismong bayan natin. Makapangyarihan ang ating imahinasyon. Ayon kay Eugene Evasco sa magasin na Liwayway sa kolum niyang Buklat/Mulat na may artikulong pinamagatang Bakit Panitikang Pambata?, tungkulin ng mga aklat pambata ay hikayatin ang mga bata na manatiling malikot ang haraya at maging pangahas sa paglikha (Evasco, 2017). Sabi nga nila, kung kaya nating isipin, kaya nating gawin na nangangahulugang kapag malawak ang imahinasyon mo ay malayo ang iyong mararating, na lahat ay posible basta maniwala ka lang sa sarili mo. Ginagamit natin ang imahinasyon upang makalikha ng sarili nating mundo at magawa ang mga bagay na hindi natin magawa. Ginagamit din natin ito upang maaala ang mga bagay na minsan nating nakalimutan at gustong balikan.

Hindi matalas ang aking memorya pagdating sa mga alaala ko noong bata ako, na kailangan pang ipaalala sa akin ng mga magulang ko ang ginagawa ko upang magkaideya ako sa nangyari sa akin noon. Kung minsan ay hindi na ako sigurado kung totoong naaala ko nga ang mga nangyari sa akin noon o kusang nabubuo at naiimbento ko na lang ito dahil sa mga kuwento sa akin ng mga magulang ko. Kuwentong pambata ang genre na napili ko dahil tulad ng isang bata, marami pa rin akong katanungan tungkol sa maraming bagay at nais ko itong tuklasin sa pamamagitan ng pagkukuwento ng aking mga naging paglalakbay. Naniniwala ako na sa pamamagitan ng pagkukuwento ay maaaring mabalikan ko ang mga alaalang nakalimutan ko na at kahit hindi ko maalala ang ibang detalye sa aking pagkabata ay alam ko pa rin kung ano ang naramdaman ko ng mga panahong iyon, ang pagkasabik gayon din ang takot sa mga kakaiba at bagong karanasang mararanasan ko. Ikinuwento ko ang mga ito sa mata ng isang bata, kung paano niya nakikita ang mga naranasan ko sa aking paglalakbay sa iba’t ibang lugar at kung paano niya lulutasin ang mga problemang makakaharap niya upang tuklasin ang mga tanong sa kanyang isipan at mabigyan ng sagot ang kaniyang mga katanungan.

Ayon kay Virgilio Almario binansagan ang panitikang pambata na may “hot pandesal mentality” na nangagahulugang panggagaya ng kung anong uri at anyo ng kuwentong pambata ang mas bumebenta sa merkado. Nabanggit din ni Rolando Tolentino na “masyadong wholesome” ang panitikang pambata at pinuna din ng Manila Critics Circle na “kulang sa orihinalidad” ang mga aklat pambatang nailathala. Nabanggit din ni Almario na dumami ang mga aklat pambata pero hindi umuunlad ang uri nito (Evasco, 2013, p. 9). Sa kabila ng mga sinabi ni Almario ay malaki na rin namang pagbabago ang nangyari. Maraming umusbong na panibagong uri, tulad ng tulang pambata at ang ibang kuwento na tumatalakay sa mga sensitibong usapin tulad ng LGBT. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat lalo na ng mga manunulat na ang pagsusulat ng kuwentong pambata ay hindi ganoong kasikat sa bansa pero may ilan pa rin nagsisikap na gumawa ng paraan upang lalong tangkilikin ang mga akdang pambata at buksan ang isip ng mga bata na maging mas malay sa kanilang kapaligiran. Hindi nagkulang ang mga manunulat at ang mga nasa likod ng paglikha ng mga kuwentong pambata sa pagtulong upang umunlad ang panitikang pambata sa Pilipinas, kailangan lamang ng higit na tulong mula sa ating mga magulang, guro at iba pang tao upang mas mapaunlad ito (Evasco, 2013, p. 20).  Naniniwala ako na sa pag-usad ng panahon ay mas lalong umuunlad ang panitikang pambata, na mas dumadami ang tumatangkilik dito hindi nga lang nabibigyang atensiyon dahil sa umuusbong din na teknolohiya. Kakaunti ang mga nagsusulat ng kuwento para sa mga bata na sa tingin ko ay dahil sa mga tao ring nagaakala at nagsasabing kaunti ang tumatangkilik at walang nagbabasa sa mga ito. Nais kong maging isang instrumento upang mas palaguin pa ang panitikang pambata at palawakin ang mga kaalaman ng mga batang nagbabasa.

Ang pinakamahalagang tungkulin ng mga aklat pambata ay paunlarin ang pagkatao at gawing makatao ang mga bata. Sa pamamagitan ng panitikang pambata, natuturuan ang mambabasa na maging mabait at makiramay sa kapwang nangangailangan (Evasco, 2017, p. 26). Bilang gusto kong makatulong sa pagpapalago ng panitikang pambata ay nais ko din maging bahagi ng buhay ng isang bata. Gusto ko magkaroon ng kahit maliit na marka sa mga bata ang mga ginawa kong kuwento. Kaya kahit papaano ay hindi lang panitikang pambata ang magagawan ko ng pagbabago, pati ang mga batang mambabasa rin.

 

18620766_10203124712755243_6590222300857936489_o

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s