Nasaan ka na ba?

Kailan kaya kita makikilala?

Mundo ko’y kailan mo makukulayan?

Iyong mukha, sa isipa’y nakapinta

 

Meron kang mga nangungusap na mata

Kasing itim at lawak ng kalawakan

Kailan kaya kita makikilala?

 

Ilong mo ma’y hindi perpekto ang hulma

Kutis mo ma’y kayumanggi o malamlam

Iyong mukha sa isipa’y nakapinta

 

Ang iyong labing malambot at mapula

Parang mga rosas sa hardin ang kulay

Kailan kaya kita makikilala?

 

Ngiti mo ay katulad ng mga tala

Parang mga bituin sa kalangitan

Iyong mukha sa isipa’y nakapinta

 

Nasasabik aking puso’t kaluluwa

Pagkatao’y mabigyang kulay at saysay

Kailan kaya kita makikilala?

Iyong mukha sa isipa’y nakapinta

Hulog ng Langit

Umaga pero walang maaninag na liwanag. Ang langit ay natatakpan ng makakapal na ulap. Puti lang ang makikita sa paligid at malamig ang simoy ng hangin. May kung anong nahuhulog galing sa langit, puti, bilog at hindi agad natutunaw pagkadampi sa iyong palad. Parang ulan pero hindi ka agad nababasa, ano kaya ito?

 

Mga naghahabulan

Sa kulay puting ulan

Masayang nagsasayaw

Kahit pa sobrang ginaw

 

Ang bawat patak ay kakaiba’t bago. Minsan sa mga kamay mo o kaya naman ay sa ulo. Masarap higaan at gumulong gulong. Parang isang paraiso na nagpapawala ng lungkot at pagod.

 

Mga nagbabatuhan

Sa puting palaruan

Saya ay nangibabaw

Lamig ay nalimutan

Wedding Fan

Kailan kaya darating ang araw na magsusuot ako ng traje de boda at maglalakad sa isang pulang karpet habang tumutugtog ang paborito kong love song? Isa ‘yan sa mga tanong sa isip ko habang pinanonood ang pinsan ko na naglalakad papunta sa altar at hinihintay ng kanyang mapapangasawa. Yung mga eksenang napapanood ko lang sa mga sinehan at sa tv dati ay nasasaksihan ko na sa harapan ko ngayon. Natutuwa ako kapag nakakakita ng mga ikakasal dahil mabilis akong mabighani sa ganda nito, hindi lang sa babaing ikakasal kung hindi sa buong seremonyas mismo. Masasabi kong ito ang unang kasal na napuntahan ko na alam ko ang nangyayari sa paligid ko dahil noon ay naging flower girl na ako sa kasal ng ninang ko at hindi ko ito maalala maliban sa mga litrato at mga kuwento ng magulang ko. Hindi ko alam kung kailan nagsimula ang hilig ko sa kahit anong may kinalaman sa pagpapakasal, basta ang alam ko lang ay sumasaya ako kapag nakakapanood ako ng mga ikinakasal mapapelikula man ito, teleserye o simpleng video sa internet.

Gustong gusto ko na nanonood ng mga kasal kaya naman ang makanood ng harap-harapan ay isang malaking bagay na sa akin. Hindi ko alam kung anong meron sa mga kasal at napapangiti ako sa tuwing may nakikitang akong kahit anong  may kaugnayan dito. Habang naglalakad ang pinsan ko ay hindi maalis ang mata ko sa kanya. Sinubukan ko siyang kunan ng video pero mas ginusto ko pa ring titigan siya gamit ang mata ko. Makikita sa mga mata at ngiti niya na tunay siyang masaya at hindi ko lang iyong basta nakita, naramdaman ko rin. Perpekto ang lahat, katulad ng mga napapanood at nababasa ko pero mas totoo, mas ramdam ko. Totoo nga ang sinasabi nila na pinakamaganda ang isang babae sa araw ng kasal niya hindi lang dahil sa make-up o ayos ng buhok kung hindi dahil sa ngiti na alam kong tunay at galing sa puso.

Sumama ang pakiramdam ko pagdating sa reception pero dahil sa saya at pagkasabik sa bawat magaganap ay medyo gumaan ang pakiramdam ko. Hindi ko talaga alam ang kuwento ng pinsan ko at ng napangasawa niya kaya naman nang malaman ko na childhood sweethearts sila, na 10 anyos lang sila noong una silang nagkakilala ay mas lalo akong bumilib sa kanila. Saglit akong naniwala sa forever dahil sa kanila dahil akala ko sa mga cliché na teleserye lamang nangyayari ang mga kuwentong tulad ng sa kanila. Hindi ko akalain na meron palang tulad nila na malapit lang sa akin na kailangan ko lang buksan ang mata ko at lawakan ang radar ko upang makahanap ng mga tulad nila na mas makapagbibigay inspirasyon at pag-asa hindi lang sa akin kung hindi sa iba rin. Hanggang sa makauwi ako ay nasa isip ko pa rin ang kasal, na sana ay masundan pa ang mga dadaluhan ko at makasaksi ng mga eksenang minsan lang mangyari sa buhay ng isang tao at maging parte nito. Ako kaya? Kailan kaya ako maghahagis ng bulaklak ng patalikod, ngingiti sa bawat flash ng kamera? Kailan ko kaya mararanasan ang mga naranasan nila? Sana sa tamang panahon.