Casa Fantastica (Part 4)

Dalawang araw na ng huli kong makita si Shirley. Sabi ni Toyang marami daw kasi silang assignment at project ngayon kaya siguro di lumalabas ng bahay. Dumaan ako sa tapat ng bahay nila kahapon, nakita ko siyang nakaupo sa isa sa mga upuan sa garden nila at parang marami siyang iniisip. Nagkatinginan kami pero bigla siyang umiwas ng tingin at agad na pumasok sa bahay nila. Hindi ko na lang pinansin yon at iniisip na magkikita pa naman ulit kami at saka ko na lang siya tatanungin.

Nanunuod kami ng tv nang biglang may narinig kaming tugtog ng gitara sa labas. Sumilip ako sa bintana at nakita ko si Jay na tumutugtog. Tumingin ako kay Toyang. Di mapakali si Toyang. Di ko malaman kung ano iniisip niya.

“Hoy, Toyang!”

Gulat ko sa kapatid ko kaya medyo napatili siya at syempre hinmpas ako ng pagkalakas-lakas. Bigla siyang tumingin sakin at tumayo.

“Kuya, ano ba nakain niyang si Jay? “

“Bakit ano ba nangyari?”

“Bigla bigla na lang siyang nagkaganyan. Lumapit sakin nung isang araw, gusto daw akong ligawan. Kuya, ano ba yan!?” naiiritang sabi niya.

“Ano sinabi mo?”

“Wala. Di ko alam isasagot eh. Di ako sanay na ganyan siya.”

Medyo ilang na sagot ni Toyang.

“Eh bakit nagkakaganyan ka, parang naaano ka dyan, baka naman may gusto ka din kay Jay?”

Nanlaki yung mata niya at bigla akong tinulak.

“Kuya! Ano ba yang iniisip mo, si Jay? OMG!”

“May pa OMG ka pang nalalaman diyan. Napaghahalataan ka eh. Kung ako sayo labasin mo na yun.”

Kunwari pa si Toyang, mukhang kinikilig naman siya kay Jay, nagdedeny pa.

“Ayoko.”

“Bahala ka, aalis na yun. Di mo man lang makikitang kumanta si Jay,” sabi ko na may halong panghihinayang ang boses.

“I hate you kuya!” pagdadabog niya sa harap ko sabay labas niya ng bahay namin.

Kunwari pa yung kapatid ko eh. Hay nako, buti pa si Toyang at Jay mukhang may future. Bigla ko uliit naalala si Aya. Malapit na pala birthday ko. wala pa din akong pera pambili ng camera. Iniisip kong pagkabili ko ng camera ay papakita ko agad kay Shirley at siya ang una kong kukuhanan. Siguradong matutuwa siya.

Natahimik ako sandali at napaisip.

Pupuntahan ko si Shirley bukas.

Siguro panahon na para sundin ko yung sinasabi ni Aya. Na kailangan kong mabuhay sa ngayon at huwag masyadong problemahin ang hinaharap. Na hindi ko dapat mapalampas ang bawat sandali na nangyayari sa buhay ko ngayon at hayaan kung ano man ang mangyayari sa akin bukas. Kailangan ko ng pakawalan ang nakaraan ko at hayaang mangyari ang dapat mangyari sa future ko. Sa ngayon gagawin ko lang ang gusto ko, kung ano sa tingin ko ang magpapasaya sa akin.

“Primitivo? Pangalan ba ng lolo mo yan?”

Nangingiting tanong sa akin ni Aya nang malaman niya ang buong pangalan ko.

“Cge na ikaw na may magandang pangalan.”

Natahimik sandal si Aya at parang may gusting sabihin. Nagpipigil pa siya ng tawa.

“Bakit?”

“Wala, wala. Alam mo maganda naman yung pangalan mo. makaluma pero tatatak sa isip ng ibang tao.”

“Oo, sigurado ako dun,” pagmamayabang ko kay Aya.

“Yung iba nga, maganda nga ang pangalan pero pangalan lang, hanggang dun lang.”

“Salamat sa pagpapagaan ng loob ko pero wala na tayong magagawa pa, kaya kung pwede Ivo na lang itawag mo sakin.”

“Sige, Primitivo,” natatawang sabi ni Aya.

Tumawa na lang ako at umiling. Pagkatingin ko sa may likuran ni Aya ay nakita ko si Shirley.

“Shirley? Anong-“

“Anong ginagawa ko dito? Ikaw ang dapat na tinatanong ko niyan.”

Nakatingin siya sakin ng seryoso at parang di makapaniwala.

“Anong ginagawa mo dito Ivo? Wala ka dapat dito.”

Naguguluhan ako sa nangyayari. Tumingin ako kay Aya. Tumayo si Aya at lumapit sa akin.

“Kailangan ko na yatang umalis Ivo.”

“Bakit?”

“Masyado na kong nagtatagal sa buhay mo. Sa totoo lang hindi na dapat ako nagpakita sayo.”

“Anong sinasabi mo?”

“Sana maging masaya ka at lagi mong tandaan na parati kitang babantayan, kayong dalawa ni Shirley.”

“Paalam na Ivo,” naglakad na palayo si Aya.

Paglingon ko kay Shirley nakita kong malungkot siya. Inabot niya ang kamay niya sa akin pero lumalayo siya at kahit anong gawin kong lapit sa kanya ay di nag-aabot ang kamay namin. Tumigil ako sa pagtakbo. Hindi ko na makita si Shirley pati si Aya. Hindi ko maintindihan ang nangyayari. Napaluhod ako at inilagay ang aking dalawang kamay sa aking ulo. Ano bang nangyayari? Bakit sinabi yun ni Aya? Bakit parang pakiramdam ko iiwan ako ni Shirley?

“Kuya! Kuya Ivo gising na!”

Nagising ako sa tulak at sigaw ni Toyang.

Panaginip lang pala pero parang totoo at hanggang ngyon di ko pa rin maintindihan yung nangyari. Bakit ko napaginipan yun? Kinalimutan ko na lang muna yung napaginipan ko at bumangon na ko’t naghanda papunta kina Shirley.

Pagdating ko sa Casa nakabukas yung gate nila, nakabukas din yung pinto nila sa loob. May lumabas na babae.

“Kayo po ba si Ivo?” tanong sakin ng babae. Ito ata yung katulong nila kung di ako nagkakamali.

“Ako nga, teka nasaan si Shirley saka bakit parang kaunti na lang tao dito?”

“Umalis na po kasi sila, pumunta na pong Amerika. Inaayos na lang po namin ulit tong bahay bago kami umalis lahat.”

Parang nabingi ako at di ko narinig yung sinabi niya. Umalis? Pero wala man lang sinabi sakin si Shirley.

“Wala ba siyang sinabi o hinabilin man lang?”

“Meron po, teka kukunin ko lang,” bumalik sa loob ng bahay yung katulong nila at naiwan akong tulala at di makapaniwala sa nalaman ko.

Bakit di man lang naisip ni Shirley na sabihan akong aalis na sila? Kung kalian naman nagkakagusto na ako sa kanya saka naman siya mawawala. Umupo na lang muna ako sa may hagdanan sa may tabi ng pintuan habang pinoproseso ang mga nangyayari sa utak ko.

“Ito na po,” inabot niya sa akin ang isang box na may nakasulat na Aunty Ligaya sa takip. Sino kaya to?

“Salamat nga pala. Alam mo ba kung kalian sila babalik?”

“Nako po, pasensiya na pero wala pong nabanggit sila ma’am kung kalian sila babalik.”

Lalo akong nalungkot sa narinig ko at di ko alam kung ano ang gagawin ko. Pumunta ako sa may likod bahay nila at umupo sa may damuhan. Iniisip ko kung bubuksan ko ba tong kahon na to. Hindi maganda ang pakiramdam ko dito pero wala akong magagawa dahil ito na lang ang naiwang alaala ni Shirley sa akin.

Puno ng litrato ang kahon. Iba iba, may mga puno, bulaklak, yung langit. Meron ding mga taong di ko kilala. Pati yung loob at labas ng Casa. Pero may isang litrato ang pumukaw ng atensyon ko. Isang babaeng naka floral blue na bistida at may medyo kulot na buhok at nasa likuran niya ang Casa. Si Aya. Di ako puwedeng magkamali. Ako ang kumuha ng litrato na to. Matagal kong tinitigan ang picture ni Aya at di ko alam kung anong iisipin ko. Paanong napunta ito kay Shirley? Napansin ko yung takip ng kahon na inilapag ko sa tabi ko. Aunty Ligaya yung nakasulat sa takip. Hindi kaya si Aya at si… hindi puwede, imposible. Kung imposible ano tong hawak hawak ko? Nalilito ako. Aya o Ligaya o kung sino ka man, bakit mo ko pinaglalaruan ng ganito?

Ang tagal kong tinitingnan yung picture ni Aya. Siguro iba to, siguro nagkakamali lang ako. Ibabalik ko na sana yung litrato sa kahon pero may nakita akong isang envelope. Hindi ko na sana papansin ito kung hindi lang nakasulat yung Primitivo, yung pangalan ko. Kinuha ko yung envelope at di ko alam kung ano ang naghihintay sa akin pero malakas talaga ang tibok ng puso ko. Pagkatingin ko sa loob ay marami uling litrato, litrato ng isang lalaki, mga litrato ko. iba’t ibang anggulo, iba’t ibang ekspresyon ng mukha ko. ang iba’y nakatayo o nakaupo, meron ding natutulog ako. at meron ding nakatingin ako sa Casa, sa Casa na mas binigyang buhay ni Aya sa tawag niyang Casa Fantastica. Sa totoo lang ay hindi ko alam kung matutuwa o magugulat o matatakot ako sa mga nalaman ko. 4 years ago pa yung picture at kung Aunty ni Shirley si Aya… napakaimposible lahat ng ito. Ibinalik ko na ang lahat ng litrato sa kahon at tumayo na ako at nagsimulang maglakad. Kahit ikuwento ko sa iba ay walang maniniwala. Bumalik na ako sa Casa, hinanap ko yung katulong para magpaalam. Habang hinahanap ko yung katulong nila ay nagulat ako ng biglang kumidlat ng malakas at bumuhos ang umulan. Wala pa naman akong payong, naisip ko. Aalis na sana ako dahil di ko makita yung katulong pero bago ako makalabas ay biglang may nagring na telepono. Walang ibang tao kaya ako na ang sumagot.

“Hello?” matagal bago may sumagot sa kabilang linya.

“Ivo?” medyo gulat na tanong ng nasa kabilang linya.

Nagulat ako dahil kilala ako ng kausap ko. Medyo pamilyar yung boses.

“Sino ‘to? Bakit mo ko kilala?” pagtatanong ko. Kamaganak kaya to nila Shirley?

“Napakamapaglaro talaga ng tadhana dito sa Casa Fantastica.”

Hindi ko naintindihan yung sinabi niya pero parang naramdaman kong ngumiti yung nasa kabilang linya. Hindi ko alam kung anong pumasok sakin pero bigla ko na lang naisip na baka si Aya yung kausap ko.

“Aya? Aya ikaw ba yan?” di na ulit nagsalita yung nasa kabilang linya at narinig ko na lang na ibinaba niya ang telepono. Nakita kong bumababa yung katulong nila sa hagdanan kaya ibinababa ko na rin yung telepono.

“Sino po yung kausap niyo sa telepono?” nagtatakang tanong niya sakin.

“Ah, wala wrong number daw,” sabi ko sa kanya, baka di pa maniwala kapag sinabi ko yung totoo.

“Ang ibig ko pong sabihin ay kung sino yung kausap niyo sa teleponong iyan eh hindi naman po nakasaksak yan at matagal na pong di gumagana,” seryosong sabi niya sa akin.

Di ko alam kung ano sasabihin ko. Magugulat pa ba ako? Dapat siguro masanay na ko. Hindi ko na lang siya sinagot at nagpaalam na. Wala na kong pakialam kung mabasa pa ko ngayon.

Bago ako lumabas ng gate nila ay tiningnan ko muna ng buo ang harap ng Casa, ang Casa Fantastica ni Aya. Di ko alam kung anong meron sa bahay na to. Matatakot ba ko? Hindi siguro, lalo na’t alam kong sa Casa Fantastica ko naranasan ang mga bagay na di ko kailanman mararanasan sa ibang lugar.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s