The Maze Runner

B4 L1 Ph1-C Rose St., Grand Royale Subd., iyan ang nakasulat sa papel at andito ako ngayon sa isang waiting shed kung saan ako ibinababa ng jeep na sinakyan ko. Naglakad ako kaunti at nakita ko na ang malaking gusali na kulay abo na sinasabi ng kaibigan ko. Dirediretso lang ako hanggang madaanan ko na ang malaking arko at tulay. Hindi ko alam kung didiretso lang ako o susunod sa mga taong dumadaan sa may kaliwa ng mga tricycle driver na kanina pa ako tinatanong kung sasakay daw ba ako. Naisip kong wag na lang sumakay ng tricycle dahil baka mas maligaw lang ako, saka hindi naman mainit ang panahon ngayon. Sumunod ako sa mga taong dumadaan sa may bandang kaliwa ng mga tricycle, sa tingin ko ay shortcut ito. Tuloy tuloy lang ang lakad ko hanggang sa umabot ako sa isang chapel. Nakabukas ang chapel at may ilang tao sa loob, naisip ko na baka may misa mamaya dahil linggo ngayon. Nagpatuloy lang ako sa paglalakad habang tinitingnan ang mga street signs. Bago ako lumiko sa may Cattleya street sa kaliwa, dahil napansin ko na main road ang nasa kanan dahil sa mga kotseng dumadaan, ay may nakita akong isang malaking secondhand na tindahan. Maraming bisikleta sa labas at kung ano ano pang gamit. Nalaman kong galing Japan ang mga gamit dahil sa pangalan ng tindahan na Shin Japan. Kumaliwa na ako at naglakad nang mapansin ko na maraming kotse sa Everlasting street sa kanan ko. May narinig akong biglang nagsalita at may tumutugtog na kanta. May nakita ako na parang isang clubhouse at mukhang may party. Lumiko ako papunta sa party para sumilip lang pero wala pa ako sa gitna ay sinalubong na agad ako ng mga nagrarambulang mga aso.

Tatakbo ba ako? Pero hindi ko alam ang pasikot-sikot dito at baka maligaw lang ako. Kung hindi naman ako gagalaw ay baka mapasali pa ako sa rambol nila at hindi na makarating ng buhay sa pupuntahan ko. Malapit na ang mga aso at ang isa’y galit na tumingin sa akin. Wala na akong sinayang na oras at kumaripas na ako ng takbo, bahala na kung maligaw. Bigla kong naalala yung mga bisikletang nakita ko kanina, sana pala nagbisikleta na lang ako papunta dito. Binilisan ko ang takbo at nakabalik na ako sa Cattleya street. Lumiko ako sa kanan at hinahabol pa rin ako. Sunflower street, dumiretso pa ako. Lily street, nanlaki ang mga mata ko at lumiko sa kanan.  Sinubukan kong lumingon at tingnan ang mga asong humahabol sa akin pero pag tingin ko ay nakahinto sila at tumatahol. Napahinto din ako at pagharap ko ay may tatlong aso na tinatahulan ang mga asong humahabol sa akin kanina. Napatingin ako sa paligid at ibang iba na ‘to sa mga bahay kanina o guni-guni ko lang ‘yun? Mas marami ang mga puno dito kumpara sa mga nadaanan ko kanina. Nagtititigan at nagtatahulan pa rin ang mga aso at dahan-dahan akong pumunta sa may gilid dahil pakiramdam ko maiipit ako sa gitna ng isang giyera kung hindi ako aalis. Hindi pa ako nakakalimang hakbang ay nagrambulan na ang mga aso at palapit sila ng palapit sa akin kaya napatakbo na lang ulit ako. Bumalik ako sa Cattleya street at lumiko ako sa Sunflower street. Takbo lang ako ng takbo at hindi lumilingon hangga’t naririnig ko pa ang mga tahol nila. Umabot ako sa isang malaking street,  Magnolia street. Diniretso ko lang ang Sunflower street at napansing wala na ang mga aso sa likuran ko. Napagod ako sa pagtakbo kaya naglakad na lang ako ng dahan-dahan habang kinakapos ng hininga.

Alam kong madilim ang langit at alam ko ding bubuhos ang ulan pero di ko akalain na biglaan, wala man lang pasabi tulad ng ambon o malakas na hangin o kulog basta bumuhos na lang. Wala akong dalang payong kaya’t naghanap ako ng masisilungan. Umabot na ako sa isa pang malaking street, Chrysanthemum street. May playground sa may bandang kanan at nakita  kong may silong ang isa sa mga upuan dun kaya kahit wala rin naman ng silbi kung sisilong pa ko ay pumunta pa rin ako. Pinagmasdan ko ang paligid at naiba na naman ang mga bahay dito. Mas malalaki ang mga bahay dito at kakaiba ang mga disenyo. Ilang minuto pa ay tumila na ang ulan kaya tumayo na ako at naglakad na ulit. Nasa Chrysanthemum street ako at hindi ko alam kung saan ako liliko. Kumanan na lang ako at diniretso ang Chrysanthemum street. Nakita ko ang Lily street at kumaliwa ako pabalik sa tinakbuhan ko sa kabilang street, sa Sunflower. Mag-iisang oras na akong paikot-ikot at napagod na ako katatakbo. Maliit na bahagi pa lang ito ng subdivision pero pakiramdam ko nasa isang malaking maze ako na kailangang sumuong sa maraming pagsubok bago marating ang pupuntahan. Wala gaanong bahay sa street na ‘to at maya-maya pa’y nakita ko na ang isang bungalow na may karatulang 3M sa itaas. Nakahinga na ako ng maluwag dahil nakita ko na ang destinasyon ko. Bago pa man ako makalapit sa bahay ng kaibigan ko ay biglang may asong tumahol sa akin. Napatalon ako sa gulat at napatakbo ulit pero paglingon ko ay napansin kong nakatali pala ang aso. Nahimasmasan ako ng kaunti pero mabilis pa rin ang tibok ng puso ko. Nakarating na ako sa tapat ng bahay at tinawag ang kaibigan ko pero walang sumasagot. Sinilip ko bawat bahagi ng bahay, ang garahe nila, ang hardin nila pero mukhang walang tao. Naisip kong umuwi na lang dahil mukhang nakaalis na ang kaibigan ko at hindi na ako nahintay. Sayang naman ang hirap na dinanas ko wala naman pala akong madadatnan dito.

Lumayo na ako sa bahay at napahinto sa may kanto. Tumingin ako sa kanan at kaliwa at napabuntong hininga na lang. Mukhang makikipagsapalaran na naman ako sa maze na ‘to. Huwag lang sana ako makakita ulit ng mga aso at mabasa ng ulan, pagod na akong tumakbo.

(some information are changed for security purposes.. chos. hahahaha)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s